Ikalawang Araw ng Simbang Gabi/Misa de Gallo
Genesis 49, 2. 8-10/Salmo 71/Mateo 1, 1-17
Sa Unang Pagbasa, itinampok ang hula ni Jacob ukol sa lahi ng kanyang anak na si Juda. Maraming mga anak si Jacob, labindalawang lalaki. Subalit, sa lahat ng mga anak ni Jacob, itinampok ang hula ni Jacob tungkol sa lahi ni Juda. Bakit si Juda? Ayon sa hula ni Jacob, isang makapangyarihang hari ang magmumula sa lahi ni Juda. Ang haring ito ang tunay na hari. Ito ang dahilan kung bakit ang lahi ni Juda ay pinagtutunan ng pansin. Magmumula ang tunay na hari sa angkan ni Juda. Ang propesiyang ito ay natupad sa pamamagitan ng pagsilang ni Hesus.
Itinala ni San Mateo sa Ebanghelyo ngayon ang mga ninuno ng Panginoong Hesus. Kabilang na sa mga ninuno ni Hesus ay sina Abraham at David. Subalit, ang lahat ng mga ninuno ni Hesus ay nagkasala. Nakaranas din sila ng kahinaan. Hindi sila perpekto. Si Hesus ay nagmula sa angkan ng mga makasalanan.
Si Abraham ang ama ng pananampalataya. Subalit, may mga sandali sa kanyang buhay kung saan nakaranas siya ng kahinaan at nagkasala. Dalawang ulit siyang nagsinungaling tungkol sa kanyang relasyon sa asawa niyang si Sara. Nakipagtalik si Abraham kay Agar, ang alipin ng kanyang asawang si Sara. Kahit si Abraham ang ama ng pananampalataya, may mga pagkakataong pinagdudahan niya ang Diyos. Naging mahina ang kanyang pananampalataya sa Diyos. Nagkasala siya dahil sa kanyang mga kahinaan. Bagamat ilang ulit siyang nagkasala, kinalugdan at kinahabagan ng Diyos si Abraham, ang lingkod na Kanyang hinirang.
Si David ay hinirang ng Diyos bilang Hari ng Israel. Siya ang humalili kay Saul, ang unang hari ng Israel. Subalit, sa ilalim ng kanyang pamumuno bilang hari ng Israel, nagkasala si Haring David laban sa Diyos. Nakiapid si Haring David kay Batseba, nakipagrelasyon siya sa kanya. Pinatay pa niya ang asawa ni Batseba na si Urias. Paano niya pinatay? Sumulat siya ng liham na nagpapautos na patayin si Urias. Inutos rin niya kay Joab na habang lumulusob sila, iwanan nilang si Urias na nakikipaglaban o nakikipagbakbakan sa mga kaaway. Isinubo si Urias sa mga kaaway. Nang mamatay si Urias, tinanggap ni Haring David si Batseba, na naging biyuda dahil sa pagkamatay ni Urias, bilang kanyang asawa.
Ano ang nais ipahiwatig ni San Mateo sa pagtatala ng mga ninuno ng Panginoong Hesukristo? Ano ang nais ipahiwatig ni San Mateo noong sinama niya sa talaan ng angkan ni Hesus ang mga makasalanan?
Nais ipahiwatig ni San Mateo na kinalulugdan at kinahahabagan pa rin ng Diyos ang tao, sa kabila ng kanilang pagiging makasalanan. Kung paanong kinalugdan ng Diyos sina Abraham at David sa kabila ng kanilang mga kasalanan, ganun din ang Kanyang paggiliw sa atin. Kahit mga makasalanan tayo, tayo ay kinalulugdan at kinahahabagan ng Diyos. Pinatunayan ito ng Diyos noong ibinilang Niya ang Kanyang sarili sa angkan ng mga makasalanan sa pamamagitan ni Hesus.
Si Hesus ay napabilang sa angkan ng mga makasalanan bilang pagpapatunay na patuloy tayong nililingap ng Diyos. Patuloy tayong nililingap ng Panginoon dahil sa Kanyang habag. Kahit mga makasalanan tayo, ipinapakita pa rin ng Diyos ang Kanyang habag para sa atin sa pamamagitan ng Kanyang paglingap sa atin. Dito makikita ang pagkahari ni Hesus. Bilang Hari at Panginoon, si Hesus ay maawain at mahabagin sa lahat ng Kanyang pinaghaharian. Ipinapakita Niya ang Kanyang habag para sa atin sa pamamagitan ng paglingap sa atin, sa kabila ng ating mga kasalanan. Nalulugod Siya sa tao, hindi sa kasalanan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento