Huwebes, Disyembre 29, 2016

TIWALA SA PANGAKO NG DIYOS

29 Disyembre 2016
Ikalimang Araw ng Pagdiriwang sa Pasko ng Pagsilang 
1 Juan 2, 3-11/Salmo 95/Lucas 2, 22-35


Inihayag ni Simeon ang kanyang kagalakan sa katuparan ng pangakong binitawan ng Diyos sa kanya sa Ebanghelyo. Nakita ni Simeon ang katuparan ng pangako ng Diyos sa pamamagitan ng Sanggol na Hesus. Isang napakahalagang pangako ang binitiwan ng Diyos sa Kanyang bayan. Nangako ang Diyos na Siya'y magpapadala ng isang Manunubos para sa Kanyang bayan. Ang pangakong binitiwan ng Diyos sa Kanyang bayan ay natupad sa pamamagitan ng Banal na Sanggol na si Hesus. 

Si Hesus ang Diyos na pumarito bilang Tagapagligtas ng lahat. Sa pamamagitan ni Hesus, inihayag sa lahat ang kaliwanagan at kaligtasang nagmumula sa Diyos. Ipinamalas ang pagliligtas ng Diyos, at ang liwanag na taglay nito. Ang Diyos ay pumarito sa pamamagitan ni Hesus upang iligtas ang sangkatauhan. Ipinamalas ang dakilang pag-ibig ng Diyos para sa sangkatauhan sa pamamagitan ni Kristo Hesus, ang Pangalawang Persona ng Banal na Santatlo. 

Nagalak si Simeon. Nakita na niya ang katuparan ng pangako ng Diyos. Nakita ng kanyang mga mata ang dakilang pagmamahal ng Diyos para sa sangkatauhan na ipinahayag sa pamamagitan ng Banal na Sanggol. Bukod pa roon, ang pangakong inihayag ng Espiritu Santo sa kanya ay nagkaroon rin ng katuparan. Inihayag ng Espiritu Santo kay Simeon na hindi siya mamamatay hangga't hindi niya nakita ang Mesiyas na Tagapagligtas. Natupad ito noong nakita ni Simeon ang Sanggol na Hesus sa kandungan ng Inang Maria. 

Si Simeon ay nagtiwala sa pangako ng Diyos. Nanalig siyang hindi lilimutin ng Diyos ang pangakong binitiwan. Buo ang kanyang pananalig sa Diyos na Siyang unang nagmahal sa lahat. Nanalig siya na ang Diyos ay laging tapat sa Kanyang pangako. Hindi Niya nakakalimutan ang pangakong binitiwan. Bagkus, ang Diyos ay tapat at lagi Niyang natatandaan ang Kanyang pangakong binitiwan. Tutuparin ng Diyos ang Kanyang pangako pagdating ng takdang panahon. 

Dapat tayong magtiwala sa Panginoong Diyos. Hindi Siya nakakalimot. Wala ring balak lumimot ang Diyos. Lagi tayong naalala ng Diyos. Lagi Niyang natatandaan ang Kanyang mga pangako. Hindi Siya nakakalimot sa mga pangakong binitiwan. Walang makakatapat sa katapatan at pag-alala ng Diyos sa Kanyang mga pangako. Kung ang tao'y nakakalimot at nagpapako sa mga pangako, ang Panginoong Diyos ay nakakatanda at tumutupad sa mga pangakong binitiwan. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento