25 Disyembre 2016
Dakilang Kapistahan ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoon
[Pagmimisa sa Hatinggabi]
Isaias 9, 1-6/Salmo 95/Tito 2, 11-14/Lucas 2, 1-14
Itinatampok sa pagdiriwang ng Pasko ang isang sanggol. Isang sanggol ang bida ng Pasko. Ang pagdiriwang ng Pasko ay tungkol sa isang sanggol. Ang sanggol na ito'y isinilang sa isang munting sabsaban sa bayan ng Betlehem na siyang bayan ni Haring David. Ang lahat ng mga anghel sa kalangitan ay nagsiawit nang buong galak bilang pagbibigay papuri sa Diyos dahil sa pagsilang ng sanggol na ito.
Ang papel na gagampanan ng sanggol na ito ay isinalarawan ni propeta Isaias sa Unang Pagbasa. Ang sanggol na ito'y isinilang para sa ating lahat. Napakahalaga ng papel na gagampanan ng sanggol na ito. Magiging hari at tagapamahala natin ang sanggol na ito. Paiiralin Niya ang kapayapaan at katarungan.
Sino ang sanggol na ito? Ano ang Kanyang Pangalan?
Si Propeta Isaias na mismo ang sumagot sa katanungang ito. Ang sanggol na ito ay ang Diyos. Ang Diyos na Sanggol ang kanyang tinutukoy sa kanyang pahayag. Ang Diyos ay naging sanggol para sa ating kapakinabangan. Naging sanggol ang Diyos upang iligtas ang buong sangkatauhan.
Muling ipinapahayag sa Salmo ang dahilan ng pagdiriwang ng Pasko. Si Kristong Tagapagligtas at Mananakop ay isinilang. Nararapat lamang na magdiwang nang buong kagalakan ngayong Kapaskuhan sapagkat ipinagkaloob sa lahat ng tao ang pinakdakilang biyaya o regalo para sa Pasko. Ipinagkaloob ng Diyos ang Kanyang sarili bilang Manunubos sa pamamagitan ni Kristo.
Nagsulat si Apostol San Pablo tungkol sa kagandahang-loob ng Diyos sa Ikalawang Pagbasa mula sa kanyang sulat kay Tito. Nagmamagandang-loob ang Diyos. Bago pa man nagsimula ang panahon, ang kagandahang-loob ng Diyos ay inihayag na. Hindi nagmamaliw ang kagandahang-loob ng Diyos. Patuloy Siyang magpapakita ng kagandahang-loob sa lahat. Ang pagkakaloob kay Hesukristo sa sanlibutan ang pinakadakilang pagpapahayag ng kagandahang-loob ng Diyos.
Isinalaysay ni San Lucas sa Ebanghelyo ang pagsilang ni Hesukristo. Sa kanyang salaysay, inilarawan ng Ebangelistang si San Lucas na isinilang si Hesus sa isang sabsaban. Walang matuluyan sina Jose at Maria. Napupuno na ng napakaraming tao ang mga bahay-panuluyan sa mga sandaling iyon. Hindi makahanap ng lugar sa mga bahay-panuluyan sina San Jose at Mahal na Birheng Maria. Kaya, inihiga sa isang sabsaban na kainan ng mga hayop ang Banal na Sanggol na si Hesus.
Muling inihayag ng anghel na nagpakita sa mga pastol na ang sanggol na Mesiyas at Tagapagligtas ay nakahiga sa sabsaban at nakabalot ng lampin. Naging higaan ng Banal na Sanggol ang sabsaban. Mula sa pagiging kainan ng mga hayop, ito'y naging higaan ni Kristo noong Siya'y isinilang. Matapos ibalita ng anghel sa mga pastol ang Mabuting Balita ng pagsilang ni Kristo, nagpakita ang isang hukbong umawit nang buong kagalakan bilang pagbibigay papuri sa Diyos. Umaawit sila ng papuri sa Diyos sa pagsilang ng Tagapagligtas at Mananakop na si Hesus.
Isinilang sa sabsaban ang isang sanggol noong unang Pasko. Ang Kanyang hatid at kaloob sa lahat ay kapayapaan. Sa pamamagitan Niya, ipinamalas sa lahat ng tao ang Awa at kagandahang-loob ng Diyos. Ang lahat ng mga anghel sa langit ay nag-aawitan at nagpupuri sa Diyos nang buong kagalakan sa Kanyang pagsilang. Ang Sanggol na ito ay ang Mesiyas at Tagapagligtas na si Hesus, ang ating Panginoon.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento