Lunes, Disyembre 19, 2016

PAGBABAHAGI NG KAGALAKAN

21 Disyembre 2016 
Ikaanim na Araw ng Simbang Gabi/Misa de Gallo 
Awit 2, 8-14 (o kaya: Sofonias 3, 14-18a)/Salmo 32/Lucas 1, 39-45 



Isinalarawan sa Unang Pagbasa mula sa aklat ng Awit ni Solomon ang kagalakan ng dalawang magkabiyak. Wagas ang kagalakang nararamdaman nila. Dumating na ang panahon upang ang dalawa'y magalak sa kanilang pag-iibigan. Ang pag-iibigan ng magka-irog ay tunay at wagas. Puspos ng pag-ibig at kagalakan ang samahan ng mag-asawa. Isinalarawan sa pamamagitan ng mga palatulang salita ang kanilang kagalakan dahil sa kanilang tunay at wagas na pag-ibig sa isa't isa. 

Sa alternatibong Unang Pagbasa, ipinahayag ni propeta Sofonias na ang lahat ay dapat magalak. Nananawagan si propeta Sofonias sa lahat na magalak sapagkat ililigtas na ng Diyos ang Kanyang bayan. Hindi na magtatagal ang pagdating ng Diyos na Tagapagligtas. Hindi na magluluwat at darating ang Panginoon upang iligtas ang lahat na kabilang sa Kanyang bayan. 

Sa Ebanghelyo, ang Mahal na Birheng Maria ay dumalaw sa kanyang kamag-anak na si Elisabet na nagdadalantao rin tulad niya. Puspos ng kagalakang tumungo si Maria sa bayan ng kanyang kamag-anak. Bagamat maraming mga bulubundukin, mga burol, o anumang anyong-lupa ang kailangan niyang daanan, pinagtiyagaan ito ni Maria. Nais ibahagi ni Maria kay Elisabet ang kagalakang ipinagkaloob ng Diyos sa kanya. Hindi isinarili ni Maria ang biyaya ng kagalakan na ipinagkaloob sa kanya ng Diyos. Nais niya itong ibahagi sa kanyang kamag-anak. Kaya, kahit na napakalayo ang paglalakbay patungo sa tirahan ni Elisabet, kahit nakatira siya sa isang burol sa Judea, pinagtiyagaan ni Maria ang malayong paglalakbay upang ibahagi ang biyaya ng kagalakan sa kanyang kamag-anak. 

Ang kagalakan ay isang biyaya mula sa Diyos. Isang napakahalagang biyaya mula sa Diyos ang kagalakan. Ipinagkakaloob ng Diyos sa atin ang biyaya ng kagalakan. Sa pamamagitan ng Kanyang mga dakilang gawa para sa atin, ipinagkakaloob ng Diyos ang biyaya ng kagalakan. Ang Diyos ang pinagmumulan ng lahat ng bagay, kabilang na rito ang kagalakan. Nagagalak ang lahat dahil sa Diyos. Ang Diyos ang makapagbibigay ng kagalakang tunay sa lahat. Ang Diyos ang dahilan ng tuwa at kagalakan ng lahat. Siya ang bukal, ang pinagmumulan, ng kagalakang tunay. 

Hindi lamang para sa sarili ang biyayang ito. Ang biyaya ng kagalakang mula sa Diyos ay dapat nating ibahagi sa iba. Ang biyaya ng kagalakang mula sa Diyos ay para sa lahat ng tao. Dapat nating ibahagi sa ating kapwa ang biyayang ito. Kung ang Diyos ay hindi nagsasawa sa pagbabahagi at pagkakaloob ng mga pagpapala sa atin, huwag tayong magsawa sa pagbabahagi ng mga pagpapalang natanggap natin mula sa Diyos sa ating kapwa. Kung paanong ibinabahagi at ipinagkakaloob ng Diyos ang Kanyang mga pagpapala sa atin, dapat rin nating ibahagi sa ating kapwa ang mga pagpapalang ating natanggap mula sa Diyos. 

Maging huwaran nawa para sa atin ang Mahal na Birheng Maria. Dinalaw pa rin niya ang kamag-anak na si Elisabet, sa kabila ng kanyang pagdadalantao. Hindi hadlang ang pagdadalantao sa pagbabahagi ng kagalakan sa Diyos para sa kanya. Kahit nagdadalantao si Maria, nilakbay niya ang mga burol at mga bundok upang makarating sa tahanan ng kanyang kamag-anak. At nang makarating sa bahay ng kanyang kamag-anak na si Elisabet, ibinahagi ng Mahal na Ina ang kagalakan at ang iba pang mga bahagi kaloob sa kanya ng Diyos. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento