Lunes, Disyembre 26, 2016

PAG-AALAY NG BUHAY

26 Disyembre 2016
Kapistahan ni San Esteban, Unang Martir 
Mga Gawa 6, 8-10; 7, 54-59/Salmo 30/Mateo 10, 17-22 



Ginugunita ng Simbahan ngayon ang Unang Martir ng Simbahan, si San Esteban. Sa lahat ng mga kabilang sa hanay ng mga banal o mga santo, si San Esteban ang unang naging martir. Siya ang unang nag-alay ng buhay alang-alang sa Mabuting Balita. Siya ang unang namatay para kay Kristo. Inalay ni San Esteban kay Kristo ang kanyang buhay, kahit ang kahulugan nito'y agad siyang uusigin at papatayin ng mga ayaw makinig o tumanggap sa Panginoon. 

Ang buhay ni San Esteban ay isinalaysay sa Unang Pagbasa. Pinagpala ng Diyos si San Esteban, at dahil doon, siya'y nagkaroon ng kapangyarihang gumawa ng mga himala. Subalit, hindi ginamit ni San Esteban ang kanyang kapangyarihan upang magpasikat. Bagkus, ginamit niya ang kanyang kapangyarihang gumawa ng mga kababalaghan upang bigyan papuri ang Diyos. Ginamit niya ito upang ang Diyos ay makilala ng lahat. Ginamit niya ito upang ipalaganap ang Mabuting Balita. 

Bagamat alam ni San Esteban na may mga nagbabanta laban sa kanya, hindi siya tumigil sa pagpapatotoo tungkol sa Panginoong Hesukristo. Hindi siya tumigil sa pagsasalita tungkol kay Kristo. Bagkus, lalo pa siyang nangaral tungkol kay Kristo sa lahat. Si San Esteban ay hindi natakot. Hinangad niyang ialay ang buhay niya para sa ikaluluwalhati ng Panginoon. Mas ninais ni San Esteban mamatay alang-alang sa Panginoong Hesus at sa Mabuting Balita. 

Si Hesus ang nagsabi sa Ebanghelyo, "Kapopootan kayo ng lahat dahil sa Akin." (10, 22) Tulad ng ibang mga apostol, naranasan ni San Esteban na kapootan ng lahat ng tao. Kinapootan siya dahil sa kanyang pagsaksi at pananalig kay Kristo Hesus. Kinapootan siya ng lahat, lalo na ng mga pinuno ng Sanedrin. Subalit, si San Esteban ay hindi tumigil sa pagpapalaganap ng Mabuting Balita tungkol sa Panginoong Hesukristo. Bagkus, patuloy niyang ipinangaral at ipinalaganap ang Mabuting Balita ng kaligtasan hanggang sa kanyang huling hininga noong siya'y binato ng madla hanggang sa tuluyang mamatay.

Tinularan ni San Esteban ang halimbawang ipinakita ng Panginoong Hesukristo. Inalay ni Hesus ang Kanyang buhay para sa kaligtasan ng tao. Bagamat batid ni Hesus na hindi Siya tatanggapin ng karamihan sa Kanyang pagdating, dumating pa rin Siya sa sanlibutan. Pumanaog pa rin si Hesus sa lupa, kahit alam Niyang marami ang hindi tatanggap sa Kanya. Subalit, hindi ito naging hadlang sa plano ng Panginoong Hesus. Niloob ni Hesus na pumanaog sa lupa at maging sanggol katulad natin para sa ating kaligtasan. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento