27 Disyembre 2016
Kapistahan ni Apostol San Juan, Manunulat ng Mabuting Balita
1 Juan 1, 1-4/Salmo 96/Juan 20, 2-8
Si Apostol San Juan ay isa sa mga apat na Manunulat ng Mabuting Balita. Siya rin ay kilala sa tradisyon bilang alagad na lubos na minamahal ng Panginoong Hesus. Tulad ng kanyang mga kapwa alagad at apostol, naranasan niya ang pagmamahal ni Hesus. At ang pagmamahal ni Hesus ay pinatotohanan nila sa lahat sa kanilang pagmimisyon. Ipinangaral at ipinalaganap ang Mabuting Balita ng dakilang pag-ibig ng Diyos na lumitaw at naipamalas sa pamamagitan ni Kristo Hesus.
Ito ang ipinahayag ni Apostol San Juan sa Unang Pagbasa. Siya'y hinirang upang ipalaganap sa lahat ang dakilang pagmamahal ng Diyos na naipamalas sa lahat sa pamamagitan ni Kristo. Iyan ang misyon ng bawat apostol ni Kristo. Hinirang sila ni Kristo upang ipalaganap ang Mabuting Balita tungkol sa dakilang pagmamahal ng Diyos para sa tao. Ang pinakadakilang pagpapahayag ng pag-ibig ng Diyos ay ang pagsusugo kay Kristo Hesus sa sanlibutan upang iligtas ang sangkatauhan.
Sa Ebanghelyo, nasaksihan ang dahilan kung bakit isinilang noong unang Pasko si Hesus. Isinilang si Hesus noong unang Pasko upang mamatay at muling mabuhay sa ikatlong araw. Si Hesus ay dumating at ipinanganak noong unang Pasko upang iligtas ang sangkatauhan. Siya ay dumating upang maging Tagapagligtas ng lahat ng tao. At bilang Tagapagligtas, inialay ni Hesus ang Kanyang buhay para sa tao. Sa pamamagitan ng Kanyang krus at Muling Pagkabuhay, tinubos ni Hesus ang lahat ng tao at inihayag sa lahat ang dakilang pag-ibig ng Diyos.
Tulad ng lahat ng mga apostol at mga banal sa langit, lalung-lalo na si Apostol San Juan, ang lahat ng mga Kristiyano ay tinatawag upang maging mga saksi ng pag-ibig ng Panginoon. Dakilang pag-ibig ang tunay na dahilan kung bakit ang Diyos ay nagkatawang-tao at iniluwal mula sa sinapupunan ng Mahal na Birheng Maria noong unang Pasko sa pamamagitan ni Hesus. Si Hesus ay dumating at isinilang sa sabsaban noong unang Pasko upang ihayag sa lahat ang dakilang pag-ibig ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang krus at Muling Pagkabuhay.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento