25 Disyembre 2016
Dakilang Kapistahan ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoon
[Pagmimisa sa Araw ng Dakilang Kapistahan]
Isaias 52, 7-10/Salmo 97/Hebreo 1, 1-6/Juan 1, 1-18 (o kaya: 1, 1-5. 9-14)
Kahit saa'y namamalas tagumpay ng Nagliligtas. (Salmo 97)
Ginugunita natin tuwing Pasko ang pagpapahayag at pagpapamalas ng pagliligtas ng Diyos. Ipinamalas ng Diyos ang Kanyang pagliligtas sa pamamagitan ng Banal na Sanggol na si Hesus. Ang Panginoong Hesus ay pumanaog sa sanlibutan upang ipamalas sa lahat ang pagliligtas ng Diyos. Siya ang Diyos na Tagapagligtas. Siya ay pumanaog sa lupa at naging tao upang iligtas ang sangkatauhan. Namalas ng lahat ang pagliligtas ng Diyos sa pamamagitan ng Panginoong Hesukristo.
Isang Magandang Balita ang ipinahayag sa Unang Pagbasa. Ipapamalas ng Diyos ang Kanyang pagliligtas sa lahat ng tao. Ito ang Magandang Balita ng kapayapaan. Masasaksihan ng lahat ng tao ang pagliligtas ng Diyos. Ililigtas ng Panginoon ang Kanyang bayan. Darating ang Panginoon bilang Tagapagligtas ng Kanyang bayan. Siya ang magiging Tagapagligtas ng Kanyang bayan. Masasaksihan ng bawat tao mula sa bawat lipi, wika, at bansa ang pagliligtas ng Diyos.
Muling inihayag ng manunulat ng Sulat sa mga Hebreo ang kaligtasan ng Diyos na ipinamalas sa lahat ng tao. Naipamalas ng Diyos ang Kanyang pagliligtas sa lahat sa pamamagitan ni Hesus. Ang Diyos ay naging tao at namuhay kapiling natin sa pamamagitan ni Kristo Hesus. Isinugo si Hesus bilang Tagapagligtas ng lahat ng tao. Nakamit ng sangkatauhan ang kaligtasan at kalayaang tunay sa pamamagitan ng ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas na si Hesus.
Sinimulan ni San Juan ang salaysay ng Banal na Ebanghelyo sa pamamagitan ng pagkakatawang-tao ng Salita. Ito ang misteryo ng Pasko. Ito ay tema ng Pasko. Ito ang paksang pinagninilayan tuwing sasapit ang Pasko. Ito ang nais ipahiwatig ng mga Pagbasa para sa apat na Misa para sa Pasko ng Pagsilang. Bagamat magkaiba ang pangkat ng mga Pagbasa na pinili para sa apat na Misa ng Pasko - ang Misa sa Bisperas, ang Misa sa Hatinggabi o sa Gabi, ang Misa sa Bukang-Liwayway, at ang Misa sa mismong Araw ng Dakilang Kapistahan - iisa lamang ang nais pagtuunan ng pansin. Ang Salita ng Diyos ay nagkatawang-tao at namuhay kapiling natin.
Ang Sanggol na Hesus na nakahiga sa sabsaban ay ang Salita ng Diyos na naging tao. Hatid ng Sanggol na Hesus sa sabsaban ang Mabuting Balita ng kapayapaan. Ipapalaganap Niya ang Mabuting Balita ng kaligtasan ng Diyos. Masasaksihan ng lahat sa pamamagitan Niya ang pagliligtas ng Diyos sa Kanyang bayan. Siya ang magliligtas sa Kanyang bayan. Siya ang Diyos na Nagliligtas. Sa pamamagitan ni Hesus, iniligtas ng Diyos ang sangkatauhan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento