Lunes, Disyembre 19, 2016

PAGBIBIGAY PAPURI SA PANGINOON NANG BUONG KAGALAKAN

22 Disyembre 2016 
Ikapitong Araw ng Simbang Gabi/Misa de Gallo 
1 Samuel 1, 24-28/1 Samuel 2/Lucas 1, 46-56 



Maraming mga dakilang bagay ang ginawa ng Diyos. Ang lahat ng mga bagay na ginawa ng Diyos ay napakadakila. Puspos ng kadakilaan ang lahat ng mga ginawa ng Diyos. Hindi na mabilang kung ilang ulit gumawa ng mga dakilang bagay ang Panginoon. Kaya, nararapat lamang na bigyan ng papuri at karangalan ang Diyos. Ang lahat ng mga ginawa ng Diyos ay puno ng Kanyang kadakilaan. Ang lahat ng mga ginawa ng Diyos ang nagpapatotoo sa Kanyang kadakilaan.

Ang tema ng mga Pagbasa ngayon ay ang pagbibigay papuri sa Diyos nang buong galak. Isa itong pagkakataon upang pagnilayan ang kahalagahan ng pagbibigay ng papuri sa Panginoon. Napakahalaga ang pagbibigay papuri sa Diyos. Ipinamalas ng Panginoon sa atin ang Kanyang kadakilaan. Hindi natin mabilang kung ilang ulit Niyang ipinamalas ang Kanyang kadakilaan sa atin. Laging ipinapamalas ng Panginoon sa atin ang Kanyang kadakilaan sa iba't ibang paraan. Maraming mga dakilang bagay ang ginawa ng Diyos para sa atin. 

Sa Unang Pagbasa, idinala ni Ana ang kanyang anak na si Samuel sa templo para ihandog sa Diyos. Bago niya ipinaglihi at ipinanganak si Samuel, si Ana ay laging nasa templo. Walang sawang nanalangin si Ana sa Diyos na bigyan siya ng isang anak. At nang ipinagkalooban siya ng anak, bumalik si Ana sa templo, dala-dala ang kanyang sanggol na anak. Idinala ni Ana ang sanggol na si Samuel sa templo upang ihandog at italaga sa Diyos. Sa ganitong paraan, nagbigay-papuri sa Diyos si Ana para sa dakilang bagay na ginawa ng Diyos para sa kanya. Ipinagkalooban ng Diyos ng anak si Ana bilang tugon sa kanyang mga panalangin. 

Isang pagpapatuloy ng Ebanghelyo kahapon ang maririnig natin ngayon. Si Maria ay nagbigay-papuri sa Diyos sa pamamagitan ng isang awit o kantikulo. Binigyan ng Mahal na Birhen ng papuri ang Diyos para sa mga dakilang bagay na Kanyang ginawa. Sa kanyang kantikulo, ang Mahal na Birheng Maria ay nagpatotoo tungkol sa kadakilaan ng Diyos. Dahil doon, nagbigay-papuri ang Mahal na Ina sa Diyos. 

Tunay ngang marapat na ang Diyos ay papurihan at parangalan. Walang sawang ipinapamalas sa atin ng Panginoon ang Kanyang kadakilaan. Kamangha-mangha ang mga dakilang bagay na laging ginagawa ng Diyos para sa atin. Kaya naman, nararapat lamang na ang Diyos ay lagi nating purihin at parangalan. Kasama ng ating Mahal na Inang si Maria, lagi nating purihin at parangalan ang Diyos nang buong kagalakan. Sa pamamagitan ng pagpapamalas ng Kanyang kadakilaan sa atin, ipinakita ng Diyos ang Kanyang paglingap sa atin. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento