Linggo, Disyembre 4, 2016

MARIA: HINIRANG NG DIYOS; TUMALIMA SA DIYOS

8 Disyembre 2016
Dakilang Kapistahan ng Kalinis-linisang Paglilihi sa Mahal na Birheng Maria (Inmaculada Concepcion)
Genesis 3, 9-15. 20/Salmo 97/Efeso 1, 3-6. 11-12/Lucas 1, 26-38 


Ginugunita natin sa araw na ito ang ginawang paghirang ng Diyos sa Mahal na Birheng Maria. Ang Mahal na Birheng Maria ay hinirang ng Diyos para sa isang napakahalagang papel sa salaysay ng ating kaligtasan. Subalit, hinirang ng Diyos si Maria bago pa man siya isinilang. Noong si Maria'y ipinaglihi sa sinapupunan ng kanyang inang si Santa Ana, naranasan niya ang pagliligtas ng Diyos. Iniligtas ng Diyos ang Birheng Maria bago pa man siya ipanganak upang makapasok siya sa mundong ito na walang bahid ng kasalanan. 

Bakit ginawa iyan ng Diyos? Napakahalaga ang bokasyong ibibigay ng Diyos kay Maria. Walang katulad ang bokasyon ng Diyos para sa Mahal na Ina. Ang papel o ang bokasyong ibinigay ng Diyos kay Maria ay ang pagiging ina ng Mesiyas na si Hesus. Hinirang ang Mahal na Ina upang dalhin sa kanyang sinapupunan sa loob ng siyam na buwan at arugain ang Anak ng Diyos. Nararapat lamang na maging malinis ang tahanang dako ng Anak ng Diyos sa loob ng siyam na buwan. Sa loob ng sinapupunan ni Maria mananahan si Hesus sa loob ng siyam na buwan. 

Sa pamamagitan ng Kalinis-linisang Paglilihi sa Mahal na Birheng Maria, natupad ang pahayag ng Diyos sa Halamanan ng Eden sa Unang Pagbasa. Matapos labagin nina Adan at Eba ang utos ng Diyos na huwag kainin ang bunga mula sa puno ng karunungan, ipinahayag ng Diyos na laging lalaban ang babae at ang ahas, pati na rin ang kanilang binhi. Natupad ang propesiyang ipinahayag mismo ng Diyos sa pamamagitan ni Maria. Si Maria ang babaeng tinutukoy ng Diyos. Ang mortal na kalaban ng demonyo ay si Maria. Si Maria'y kinapopootan ng demonyo sapagkat nagmula sa sinapupunan ni Maria ang dudurog sa kanyang ulo - ang Mesiyas at Tagapagligtas, ang Diyos Anak na si Hesus. 

Ipinahayag ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa na hinirang ng Diyos ang lahat bago pa man sila isilang. Bago pa man nilikha ang daigdig, tayo ay Kanyang hinirang upang maging Kanyang mga anak. Tulad ng Mahal na Ina, tayong lahat ay hinirang ng Diyos para sa isang napakahalagang bokasyon. Hinirang tayo ng Diyos na maging Kanyang mga anak dahil sa Kanyang pag-ibig. Pag-ibig rin ang dahilan kung bakit iniligtas ng Diyos si Maria mula sa bahid ng kasalanang-mana noong siya'y ipinaglihi sa sinapupunan ng kanyang inang si Santa Ana. 

Sa Ebanghelyo, buong kababaang-loob na tumalima ang Mahal na Birheng Maria sa kalooban ng Diyos. Bagamat hindi niya masukat akalain o maunawaan ang mga sinabi ng Arkanghel Gabriel ukol sa paghirang sa kanya ng Diyos, tinanggap pa rin ito ni Maria. Tinanggap at tumalima ang Mahal na Ina sa kalooban ng Diyos. Kung si Eba ay sumuway sa utos ng Diyos sa Halamanan ng Eden, ang Bagong Eba na si Maria ay tumanggap at tumalima sa kalooban ng Diyos. Tulad ni Eba, si Maria ay napuno ng grasya ng Diyos. Subalit, kung si Eba ay naging masuwayin sa utos ng Diyos, si Maria naman ay naging masunurin sa kalooban ng Diyos. 

Ang Mahal na Birheng Maria ay hinirang ng Diyos. Hinirang siya ng Diyos upang maging ina ng Panginoong Hesus, ang Mesiyas at Anak ng Diyos. Iniligtas siya ng Diyos bago siya isilang upang siya'y maging karapat-dapat na dalhin sa kanyang sinapupunan ang Anak ng Diyos, ang Pangalawang Persona ng Banal na Santatlo. Nilinis ng Diyos si Maria upang magampanan niya ang kanyang bokasyon bilang Bagong Eba at Kaban ng Bagong Tipan. 

Kahit hindi lubusang maunawaan ni Maria ang kalooban ng Diyos, tumalima pa rin siya. Sumunod si Maria sa kagustuhan ng Diyos. Hindi nawalan ng pananalig sa Diyos si Maria. Bagkus, buong kababaang-loob at pananalig niyang tinanggap at sinundan ang kalooban ng Diyos. Tulad ni Hesus, ang Mahal na Inang si Maria ay tumalima sa kalooban ng Diyos, gaano mang kahirap ito. 

Hinirang ng Diyos. Tumalima sa kalooban ng Diyos. Ang Mahal na Inang si Maria ay hinirang ng Diyos. Bilang Bagong Eba, tumalima si Maria sa kalooban ng Diyos upang maging Kaban ng Bagong Tipan. Dinala niya sa kanyang sinapupunan ang Salita ng Diyos na nagkatawang-tao sa loob ng siyam na buwan. At ang Diyos na Sanggol sa sinapupunan ni Maria ang dudurog sa ulo ng ahas - ang kalaban, ang demonyo. Bagamat hindi ito lubusang maintindihan ng Mahal na Birhen, buong kababaang-loob at pananalig siyang tumalima sa kalooban ng Diyos. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento