Sabado, Disyembre 24, 2016

MASDAN ANG SANGGOL NA MESIYAS AT TAGAPAGLIGTAS SA SABSABAN

25 Disyembre 2016 
Dakilang Kapistahan ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoon: 
Pagmimisa sa Bukang-Liwayway 
Isaias 62, 11-12/Salmo 96/Tito 3, 4-7/Lucas 2, 15-20 


Sa pagsilang ni Hesus, dumating ang biyaya ng kaligtasang kaloob ng Diyos. Ito ang tema ng Pasko. Nagkatawang-tao ang Diyos upang iligtas ang sangkatauhan. Niloob ng Diyos na magkatawang-tao para sa kaligtasan ng santinakpan. Naging tao ang Pangalawang Persona ng Banal na Santatlo na si Kristo Hesus. Si Kristo'y nagkatawang-tao at iniluwal mula sa sinapupunan ng Mahal na Birheng Ina. Sa pamamagitan ng Kanyang pagkakatawang-tao, inihayag ng Tagapagligtas na si Hesukristo ang dakilang pag-ibig ng Diyos na walang kapantay. 

Nagbitiw ng pangako ang Diyos sa Kanyang bayan sa Unang Pagbasa. Inihayag ng Diyos sa pamamagitan ni propeta Isaias ang Kanyang pangako sa Kanyang bayan. Nangako ang Diyos na ililigtas Niya ang Kanyang bayan. Darating Siya upang ang Kanyang bayan ay tubusin. Siya ang magiging Tagapagligtas at Tagapagpalaya ng tanan. Sa pamamagitan nito, inihayag ng Diyos kung gaano kadakila ang Kanyang pagmamahal para sa buong sangkatauhan. 

Ibinunyag ni Apostol San Pablo kung ano ang ipinakita ng Diyos sa lahat ng tao sa pamamagitan ng pagtupad ng Kanyang pangako sa Ikalawang Pagbasa na mula sa kanyang sulat kay Tito. Ipinakita ng Diyos ang Kanyang habag at pag-ibig para sa lahat ng tao sa pamamagitan ng pagkakaloob kay Hesus bilang Tagapagpalaya at Manunubos. Ang Panginoong Hesukristo ay ipinagkaloob sa sangkatauhan bilang Tagapagligtas upang ipamalas ang dakila at walang hanggang habag at pag-ibig ng Diyos sa santinakpan. 

Sa Ebanghelyo, ang mga pastol ay tumungo sa sabsaban upang pagmasdan ang Mesiyas na Sanggol. Nakita nila ang katuparan ng pangako ng Diyos. Nakita nila ang habag at pag-ibig ng Diyos sa pamamagitan ng Salitang nagkatawang-tao na si Kristo Hesus. Nakita nilang matupad ang pangakong binitiwan ng Diyos. Sila'y naging mga saksi sa katuparan ng pangako ng Diyos. Nasaksihan nila ang habag at pag-ibig ng Diyos sa pamamagitan ng Sanggol na si Hesukristo. 

Dumalaw ang mga pastol sa Salita ng Diyos na nagkatawang-tao na si Hesukristo. Nang masilayan ang Banal na Sanggol, sila'y napuspos ng tuwa't kagalakan. Kaya, nang umuwi ang mga pastol, sila'y nagpuri sa Diyos. Pinuri nila ang Diyos 'pagkat sila'y naging mga saksi ng pagtupad sa pangako ng Diyos. Bagamat hindi karapat-dapat, sapagkat sila'y mga hamak na pastol, sila'y pinili ng Diyos upang saksihan ang katuparan ng pangakong Kanyang binitiwan sa Kanyang bayang Israel. 

Tulad ng mga Pastol, tayo ay tinatawag upang pagmasdan ang Banal na Sanggol na si Hesus. Pagmasdan natin ang katuparan ng pangako ng Diyos. Tinupad ng Diyos ang Kanyang pangakong binitiwan sa pamamagitan ng pagsugo Niya kay Kristo Hesus sa sanlibutan. Ipinagkaloob ng Diyos si Hesus bilang Tagapagligtas upang ipamalas ang Kanyang dakilang habag at pag-ibig na walang katapusan. 

Masdan ang Sanggol na Mesiyas at Tagapagligtas sa sabsaban. Pagmasdan ang pag-ibig at habag ng Diyos sa pamamagitan ng Banal na Sanggol na si Hesus. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento