18 Disyembre 2016
Ika-4 na Linggo sa Panahon ng Pagdating ng Panginoon (A)
Ikatlong Araw ng Simbang Gabi/Misa de Gallo
Isaias 7, 10-14/Salmo 23/Roma 1, 1-7/Mateo 1, 18-24
Ang mga Pagbasa ngayon ay tungkol sa pangakong binitiwan ng Diyos. Ang Diyos ay nangako sa Kanyang bayan. Nangako ang Diyos na Siya mismo ang magliligtas sa Kanyang bayan. Siya ang magiging Tagapagligtas ng Kanyang bayan. Pumarito ang Panginoon upang maging Tagapagligtas ng Kanyang bayan. Ang Panginoon ay hindi Niya nakalimot sa Kanyang pangako. Lagi naaalala ng Diyos ang pangakong binitiwan sa Kanyang bayan. Paulit-ulit Siyang nagpahayag tungkol sa pangakong ito sa pamamagitan ng mga propeta. Nang dumating ang takdang panahon, ang pangakong ito ay tinupad ng Diyos.
Sa Unang Pagbasa, isang napakahalagang hula ang ating mapapakinggan mula sa aklat ni propeta Isaias. Ipinahayag na isang dalaga'y maglilihi at manganganak ng isang sanggol na lalaki. Emmanuel ang pangalan ng sanggol na ito. Ang kahulugan ng pangalang Emmanuel ay "Ang Diyos ay sumasaatin." Isa itong propesiya ukol sa pagsilang ng Mesiyas. Isang dalaga, isang birhen, ang magsisilang sa Mesiyas na Tagapagligtas. Ang propesiyang ito ay natupad sa pamamagitan ni Hesus, ang Anak ng Diyos, ang Pangalawang Persona ng Banal na Santatlo. Nagmula si Hesus sa sinapupunan ng Kanyang ina si Mariang Birheng Kalinis-linisan.
Ipinahayag ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa mula sa kanyang sulat sa mga taga-Roma na si Hesus ang tinutukoy ng mga propeta ng Lumang Tipan sa bawat hula o pahayag patungkol sa Mesiyas. Ang mga propeta ng Lumang Tipan ay nagsulat at nagpahayag tungkol kay Hesus. Si Hesus ang Mesiyas na matagal nang hinulaan ng mga propeta. Sa pamamagitan Niya, ang pangakong binitiwan ng Diyos sa Kanyang bayang hinirang. Kay Hesus natupad ang lahat ng mga hula at pahayag tungkol sa Mesiyas na Tagapagligtas.
Sa Ebanghelyo, isang pagliliwanag ng isip ang naganap. Naliwanagan ang kaisipan ni San Jose. Nagkaroon ng liwanag ang isip ni San Jose noong ang isang anghel ng Panginoon ay nagpakita sa kanyang panaginip. Sa kanyang panaginip, ang anghel ay nagpaliwanag tungkol sa mga pangyayaring naganap. Ibinunyag ng anghel kay Jose ang tunay na dahilan kung bakit natagpuang nagdadalantao si Maria. Hindi ito kagagawan ni Maria. Ang Diyos ang may kagagawan nito. Niloob ng Diyos na mangyari ito. Si Maria'y naglihi lalang ng Espiritu Santo. Ang sanggol na dinadala ni Maria sa kanyang sinapupunan ay ang Emmanuel na si Hesus, ang Mesiyas na Tagapagligtas. Sa pamamagitan nito, nagkaroon ng katuparan ang hula ni propeta Isaias tungkol sa pagsilang ng Mesiyas.
Kay Hesus natupad ang pangako ng Diyos. Sa pamamagitan Niya, nagkatotoo ang pangakong binitiwan ng Diyos. Si Hesus ay naparito sa sanlibutan upang maligtas ang lahat ng tao. Ang Diyos ay nangakong darating bilang Tagapagligtas ng lahat na kabilang sa Kanyang bayan. Si Hesus ay ang Anak ng Diyos, ang Pangalawang Persona ng Banal na Santatlo, na pumarito sa sanlibutan bilang Tagapagligtas ng lahat ng tao. Sa pamamagitan nito, ipinahayag ang walang hanggang paggiliw at pag-irog ng Diyos para sa lahat.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento