Lunes, Disyembre 12, 2016

MAGPURI AT MAGPASALAMAT SA DIYOS NA ATING TAGAPAGLIGTAS

16 Disyembre 2016 
Unang Araw ng Simbang Gabi/Misa De Gallo 
Isaias 36, 1-3a. 6-8/Salmo 66/Juan 5, 33-36 



"Nawa'y magpuri sa Iyo ang lahat ng mga tao." (Salmo 66) 

Ang Simbang Gabi o Misa de Gallo ay ang Siyam na Araw na Paghahanda para sa Kapaskuhan. Kumbaga, ito ang Misa Nobenaryo para sa Pasko ng Pagsilang. Ang siyam na araw ng Simbang Gabi ay sumasagisag sa pananahan ng Sanggol na si Hesus sa sinapupunan ng Mahal na Birheng Maria. Tayo ay naglalakbay kasama ng Mahal na Ina sa loob ng siyam na araw ng Simbang Gabi. Sa ating paglalakbay ngayong siyam na araw ng Simbang Gabi, tayo ay nagpapuri at nagpapasalamat sa Diyos kasama ang ating Mahal na Inang si Maria. 

Isinalarawan ng mga Pagbasa ngayon ang dahilan ng ating pagbibigay papuri at pasasalamat sa Diyos. Tulad ng ating Salmo ngayon, "Nawa'y magpuri sa Iyo ang lahat ng mga tao." Nararapat lamang na ang Diyos ay lagi nating bigyan ng papuri at pasasalamat. Ang Diyos ay dapat purihin at pasalamatan. Marami Siyang mga ginawa para sa atin. Hindi natin mabibilang ang mga pagpapalang ipinagkaloob sa atin ng Diyos. Hindi na natin mabibilang kung ilang ulit tayong kinahabagan, pinagpala, at biniyayaan ng Diyos. Lagi tayong kinahahabagan at binibiyayaan. 

Ipinahayag ng Diyos sa pamamagitan ni propeta Isaias sa Unang Pagbasa na 'di na magtatagal ang pagdating ng kaligtasan. Hindi na magluluwat at ipagkakaloob ng Diyos ang biyaya ng Kanyang pagliligtas sa Kanyang bayan. Ililigtas ng Diyos ang Kanyang bayan. Darating ang Diyos bilang Tagapagligtas ng Kanyang bayan. Malapit nang tuparin ng Diyos ang Kanyang pangako sa Kanyang bayan. 

Sa Ebanghelyo, ipinahayag ni Hesus ang dahilan ng Kanyang pagparito sa lupa. Si Hesus ay naparito sa mundo sapagkat may ipinapagawa sa Kanya. Napakahalaga ng ipinapagawa kay Hesus. Naparito Siya sa sanlibutan upang iligtas ang lahat ng tao. Siya ang ipinangakong Tagapagligtas, ang Mesiyas na ipinangakong darating. Siya ang katuparan ng pangako ng Diyos sa Kanyang bayan. Sa pamamagitan ni Hesus, natupad ang pangako ng Diyos sa Kanyang bayan. Naparito si Hesus para ipagkaloob sa lahat ang pagliligtas ng Diyos. 

Hindi nakalimutan ng Diyos ang Kanyang pangako. Naaalala Niya ang Kanyang pangakong binitiwan. Iniligtas Niya ang Kanyang bayan. Ipinagkaloob ng Diyos ang biyaya ng Kanyang kaligtasan sa Kanyang bayan. Si Hesus ang katuparan ng pangako ng Diyos. Nagkatawang-tao ang Diyos sa pamamagitan ni Hesus upang igawad at tuparin ang Kanyang pangakong binitiwan. Sa pamamagitan ni Hesus, ang biyaya ng kaligtasan ay iginawad ng Diyos sa Kanyang bayan. 

Maraming ginawa ang Diyos para sa atin. Sa lahat ng Kanyang mga ginawa, ang pinakadakila ay ang pagsusugo kay Hesus. Sa pamamagitan ni Hesus, ang tao'y iniligtas ng Diyos. Nakamit ng tao ang biyaya ng pagliligtas ng Diyos. Si Hesus ang Tagapagligtas, ang Diyos na nagliligtas sa Kanyang bayan. Tayong lahat ay tinubos ng ating Panginoon at Manunubos na si Hesus. Sa pamamagitan din ni Hesus, ipinamalas ang kadakilaan ng Diyos. 

Kung ang Diyos ay hindi nagsasawa sa pagkakaloob ng Kanyang awa at pagpapala sa atin, huwag tayong magsawa sa pagbibigay ng papuri at pasasalamat sa Kanya. Ang Diyos ay hindi nagsasawang kahabagan at biyayaan tayo. Nararapat lamang na ang Diyos ay lagi nating purihin at pasalamatan sapagkat walang sawa tayong kinahahabagan at binibiyayaan Niya. Kasama ng ating Mahal na Inang si Maria, magbigay tayo ng papuri at pasasalamat sa Diyos na ating Tagapagligtas. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento