12 Disyembre 2016
Paggunita sa Mahal na Birhen ng Guadalupe
Zacarias 2, 14-17/Judith 13/Lucas 1, 26-38
Ang Mahal na Birhen ng Guadalupe ay kilala bilang Patronesa ng mga Sanggol na hindi pa ipinapanganak. Kung titingnan natin nang mabuti ang imahen o larawan ng Mahal na Birhen ng Guadalupe, may makikita tayong itim na sintas. Sa kultura ng mga Aztek, isang tribo ng mga katutubo sa Mehiko noong kapanahunang iyon, ang itim na sintas ay tanda ng pagdadalantao. Kapag ang isang babae'y nagsuot ng itim na sintas, sa mata ng mga Aztek, siya'y nagdadalantao. Noong nagpakita ang Mahal na Birhen kay San Juan Diego sa isang burol sa Tepeyac, suot niya ang itim na sintas na tanda ng kanyang pagdadalantao. At ang sanggol sa sinapupunan ng Mahal na Birhen ay walang iba kundi si Kristo.
Sa Ebanghelyo, mapapakinggan natin ang salaysay ng pagbabalita ni San Gabriel Arkanghel sa Mahal na Birheng Maria. Sa sandaling ito, ang kalooban ng Diyos ay tinanggap at sinunod ni Inang Maria. Kahit hindi niya ito lubusang maunawaan, kahit napakahirap gampanan ang tungkuling ito, tumalima ang Birheng Maria sa kalooban ng Diyos. Hinayaan niyang matupad ang kalooban ng Diyos. Hinayaan niyang gamitin siya ng Diyos bilang instrumento. Isinantabi ni Maria ang kanyang mga plano sa buhay upang mangyari ang plano ng Diyos.
"Oo" ang sagot ni Maria sa Diyos. Sa pamamagitan ng kanyang pag-"oo" sa Diyos, nag-"oo" si Maria sa kalooban ng Diyos. "Ako'y alipin ng Panginoon. Mangyari sa akin ang iyong sinabi." (1, 38) Bilang alipin ng Panginoon, si Maria ay tumalima sa kalooban ng Diyos. Sumunod siya sa anumang niloob ng Diyos. Hindi tumutol o lumabag si Maria sa kalooban ng Diyos. Bagkus, buong kababaang-loob niyang pinahintulutang mangyari ang kalooban ng Diyos. Buong kababaang-loob siyang sumunod sa kalooban ng Diyos. Para kay Maria, mas mahalaga at maganda ang kalooban ng Diyos kaysa ang sariling kalooban. Tumalima si Maria sa kalooban ng Diyos nang buong kababaang-loob at pananalig sa Kanya.
Karamihan sa mga niloloob natin ay iba sa niloloob ng Diyos. Iba ang kalooban ng Diyos sa kalooban ng tao. Subalit, madalas nating pinipilit ipatupad ang ating mga niloloob. Kahit mali ang niloloob natin, pinipilit natin itong gawing tama. Pinipilit nating matupad ang ating mga plano, kahit alam nating mali o sablay iyon. May mga pagkakataong kung saan pinipilit natin gawing tama ang mali. Subalit, hindi natin maipipilit o mababago iyon. Ang tama ay mananatiling tama at ang mali ay mananatiling mali. Hindi magiging tama ang mali kailanman.
Laging tama ang kalooban ng Diyos. Walang mali sa kalooban ng Diyos. Perpekto ang kalooban ng Diyos. Hindi magiging mali ang kalooban ng Diyos kailanman. Kung may mga pagkakataong may kamalian ang kalooban ng bawat isa sa atin bilang tao, walang pagkakataong nagkakaroon ng kamalian sa mga niloloob ng Diyos. Hinding-hindi magiging mali ang kalooban ng Diyos.
Ang pagtalima ni Inang Maria ay isang halimbawang dapat tularan ng lahat. Tulad ni Inang Maria, buong kababaang-loob at pananalig tayong tumalima sa kalooban ng Diyos. Ibigay natin ang ating "oo" sa kalooban ng Diyos. Ibigay natin ang ating "oo" sa Diyos, at hayaan nating matupad ang Kanyang kalooban. Sa pagbibigay ng ating "oo" sa Diyos, binibigyan natin ng papuri at karangalan sa Diyos.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento