Linggo, Disyembre 18, 2016

ANG KAGILIWAN NG DIYOS

19 Disyembre 2016
Ikaapat na Araw ng Simbang Gabi/Misa de Gallo 
Mga Hukom 13, 2-7. 24-25a/Salmo 70/Lucas 1, 5-25 



Nais pagtuunan ng pansin ng mga Pagbasa para sa Ikaapat na Araw ng Simbang Gabi o Misa de Gallo ang kagiliwan ng Diyos. Ang kagiliwan ng Diyos sa atin ang dahilan kung bakit Siya'y gumagawa ng mga kababalaghan o nagbibigay ng mga palatandaan para sa atin. Maraming mga dakilang bagay at gawa ang ginawa ng Diyos dahil sa Kanyang paggiliw para sa atin. Ang mga dakilang gawa ng Diyos para sa atin ay isang pagpapahayag ng Kanyang paggiliw sa atin. 

Sa Unang Pagbasa, mapapakinggan natin ang salaysay ng pagsilang ni Samson. Si Samson ay hinirang ng Panginoong Diyos upang iligtas ang bayang Israel mula sa mga Filisteo. Pinagpala siya ng Diyos. Siya'y itinalaga sa Diyos mula noong siya'y isinilang. Biniyayaan siya ng Diyos ng lakas na walang makakapantay. Si Samson ang pinakamalakas na tao sa buong lupain noong kapanahunang iyon. 

Ang asawa ni Manoa na hindi pinangalanan ang nagdala kay Samson sa kanyang sinapupunan. Hindi siya nagkaroon ng anak dahil sa kanyang pagkabaog. Matagal na siyang walang anak ng kanyang asawa. Kahit gusto nilang magkaroon ng anak, hindi ito nangyari sapagkat siya'y isang baog. Subalit, dahil sa paggiliw ng Diyos, siya'y nagkaroon ng anak. Ang asawa ni Manoa ay magdadalantao. Magwawakas na ang pagkabaog ng asawa ni Manoa. Magkakaroon sila ng anak. 

Sa Ebanghelyo, ang Arkanghel Gabriel ay nagpakita kay Zacarias sa loob ng templo upang ihatid sa kanya ang isang napakagandang balita. Maglilihi at manganganak ng isang sanggol na lalaki ang kanyang asawang si Elisabet. Sa kabila ng kanyang pagkabaog, siya'y magdadalantao at isisilang niya ang isang sanggol. Ang sanggol na ito ang magiging tagapanguna at tagapaghanda ng daraanan ng Panginoon - si San Juan Bautista. Ihahanda niya ang lahat ng tao para sa pagdating ng Mesiyas. 

Matagal nang pinangarap at hinangad nina Zacarias at Elisabet na magkaroon ng anak. Lagi silang nanalangin sa Diyos upang biyayaan sila ng anak. Subalit, nang matanggap ni Zacarias ang balita mula sa anghel, hindi siya makapaniwala. Hindi makapaniwala si Zacarias sa kanyang mga narinig. Siya'y nagduda. Nagduda siya dahil sa kanilang katandaan at sa pagkabaog ng kanyang asawa. Dahil sa kanyang pagduda sa sinabi ng Arkanghel, humingi siya ng palatandaan upang matiyak na talagang mangyayari iyon. Ang palatandaang ibinigay ng Arkanghel kay Zacarias ay isang sumpa. Si Zacarias ay hindi makapagsasalita. Magiging pipi si Zacarias hanggang sa araw ng pagsilang ni San Juan Bautista. 

Ang kagiliwan ng Diyos ay hindi dapat pagdudahan. Ang lahat ay dapat manalig sa kagiliwan ng Diyos. Maraming mga dakilang bagay na ginawa ang Diyos para sa atin dahil sa Kanyang paggiliw sa atin. Kabilang na rito ang paglikha sa atin at ang pagkakaloob ng Kanyang sarili sa atin upang tayo ay maligtas. Ipinahayag at ipinamalas ni Hesus sa lahat ang paggiliw ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang pagparito bilang Tagapagligtas ng lahat ng tao. Tayong lahat ay iniligtas ng Diyos dahil sa Kanyang paggiliw sa atin. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento