Biyernes, Disyembre 30, 2016

INILIGTAS MULA SA PANGANIB DAHIL SA PAGIGING MASUNURIN

30 Disyembre 2016 
Kapistahan ng Banal na Mag-Anak Hesus, Maria at Jose (A) 
Sirak 3, 3-7. 14-17a (gr. 2-6. 12-14)/Salmo 127/Colosas 3, 12-21/Mateo 2, 13-15. 19-23 



Isinalaysay ni San Mateo sa Ebanghelyo ang pagtakas ng Banal na Pamilya mula Betlehem patungong Ehipto. Ang buhay ng Sanggol na Hesus ay nasa matinding panganib sa ilalim ng pamumuno ni Haring Herodes. Si Haring Herodes ay may balak patayin ang Banal na Sanggol. Kaya, inutos ni Haring Herodes sa kanyang mga kawal na ipaslang ang lahat ng mga sanggol sa Betlehem. Puno ng sakim si Herodes; uhaw na uhaw siya para sa kanyang posisyon at kapangyarihan. Dahil doon, inutusan si San Jose na itakas ang Mahal na Birheng Maria at ang Sanggol na Hesus patungong Ehipto para sa kanilang kaligtasan. 

Maraming panganib ang hinaharap ng mga pamilya ngayon. Hinaharap ng bawat pamilya sa panahon ngayon ang iba't ibang panganib sa lipunan dulot ng kawalan ng moralidad. Nakakalungkot sabihin, subalit ipinapalaganap sa ating lipunan sa panahon ngayon ang imoralidad. Masakit aminin, pero iyon ang katotohanan. Iba-iba ang uri ng mga imoralidad na ipinapalaganap ngayon. Ang imoralidad na nais ipalaganap ay may iba't ibang anyo at mukha, tulad ng mga halimaw. 

Ang isang halimbawa ng mga imoralidad na ipinapalaganap sa lipunan ngayon ay ang kahalayan. Saanman tayo pumunta, tiyak mayroong bagay na may kinalaman sa kahalayan. Halos lahat ng mga makikita natin ay may halong kahalayan. Halos hindi natin maiwasang bigyan ng pansin ang mga bagay na puno ng kahalayan sa panahon ngayon. Halimbawa, ang pagsasayaw. Ang dating pagsasayaw ay maayos at pormal. Subalit ngayon, may mga sayaw na may halong kahalayan. Nakahubad na ang karamihan kapag nagsasayaw. Gumagawa pa ng mga senyas na kung saan ipinapaabot ang mga mensaheng puno ng kahalayan. 

Paano naman nagiging isang panganib para sa bawat pamilya ang kahalayan? Ang mga mag-asawa'y mauudyok na mangalunya o makiapid. Ang init ng pagtatalik ay laging hahanapin sa iba na hindi nila kabiyak. Iaabuso ang biyayang ipinagkaloob ng Diyos sa mga mag-asawa. Ang mga anak naman ay manonood ng pornograpya, mga malalaswang bagay. Mga bata pa nga sila, subalit mga malalaswang bagay na ang kanilang pinapanood. Ito ang magiging daan patungo sa pagkawatak-watak o pagkawasak ng relasyon ng bawat pamilya. 

Ang karahasan ay isa ring halimbawa ng imoralidad na ipinapalaganap sa lipunan ngayon. Ang karahasan ay isang daan patungo sa mga malalaking kasalanan tulad ng pagpatay. Ang pagpatay ang pinakamasahol na kasalanan. Iba-iba rin ang mga anyo o mukha ng pagpatay. Maraming halimbawa ng pagpatay. Isang halimbawa nito ay ang pagpapalaglag. Pinapatay, pinapaslang ang mga sanggol na nasa loob ng sinapupunan ng kanilang mga ina. Hindi na binibigyang halaga ang buhay ng bawat tao. Ninanakaw ang karapatang mabuhay. 

Hindi ba ang Diyos ang ating Tagapagligtas? Bakit hindi Niya tayo iligtas mula sa mga imoralidad na lumalaganap sa ating lipunan ngayon? 

Ang Diyos ang ating Tagapagligtas. Siya ang Nagliligtas sa atin. Ipinagkakaloob sa atin ng Diyos ang biyaya ng Kanyang pagliligtas. Subalit, kailangang ipakita natin sa Diyos na gusto nating maligtas. Kailangan nating sumunod sa Diyos. Kung tayo ay susunod at tatalima sa Diyos, makakamit natin ang kaligtasang Kanyang kaloob sa ating lahat. Nasa Diyos ang awa, nasa tao ang gawa. 

Ito ang halimbawang ipinakita ni San Jose sa Ebanghelyo. Dahil nais ni San Jose na maligtas ang kanyang pamilya mula sa panganib, tahimik siyang sumunod sa utos ng Diyos na ibinalita sa kanya ng anghel. Mahal na mahal niya ang kanyang pamilya. Ayaw niyang mapahamak ang kanyang pamilya sa ilalim ng pamumuno ni Haring Herodes na puno ng kalupitan at karahasan. Dahil diyan, tumalima siya sa utos ng Panginoon. Dinala ni Jose si Maria at ang Sanggol na Hesus sa Ehipto para sa kanilang kaligtasan. 

Gusto ba nating maligtas ang ating mga pamilya? Makinig at maging masunurin sa Diyos. Tumalima tayo sa Diyos. Laging ipinagkakaloob sa atin ng Panginoon ang biyaya ng Kanyang pagliligtas. Subalit, nasa ating mga kamay ang desisyon. Tayo ang magpapasiya kung nais nating iligtas tayo ng Diyos o hindi. Kung nais nating maligtas ng Diyos, tumalima tayo sa Kanya. Tulad ng Banal na Mag-Anak, tumalima tayo sa Diyos upang maranasan natin nang buo ang napakahalagang biyaya ng Kanyang pagliligtas na lagi Niyang ipinagkakaloob.  

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento