Linggo, Disyembre 18, 2016

ISANG DALAGA

20 Disyembre 2016 
Ikalimang Araw ng Simbang Gabi/Misa de Gallo 
Isaias 7, 10-14/Salmo 23/Lucas 1, 26-38 



Tampok sa mga Pagbasa ngayon ang isang dalaga. Pinili at hinirang ng Diyos ang isang dalaga para sa isang napakahalagang tungkulin. Ang dalagang ito'y labis na kinalugdan ng Diyos. Sa lahat ng mga babae, siya'y bukod na pinagpala sa lahat ng mga kababaihan. Ang dalagang ito'y puspos ng grasya ng Diyos. Sumasakanya ang Diyos. Labis ang paggiliw ng Diyos sa dalagang ito na Kanyang pinagpala sa lahat ng mga babae. Ang dalagang ito ay itinuturo at ipinapakilala sa mga Pagbasa. 

Itinatampok ni propeta Isaias sa kanyang propesiya sa Unang Pagbasa ang isang dalaga. Ayon sa hula ni Isaias, paglilihi at iluluwal mula sa sinapupunan ng isang dalaga ang Mesiyas. Isang dalaga ay pinili at hinirang ng Diyos upang maging ina ng Mesiyas. Ang dalagang ito'y napakaespesyal, napakahalaga. Ang kanyang papel sa buhay ng Mesiyas ay napakahalaga. Mananahan sa loob ng siyam na buwan at magmumula sa kanyang sinapupunan ang Mesiyas na Tagapagligtas. Ang papel o tungkulin ng dalagang ito ang itinatampok sa Unang Pagbasa ngayon. 

Sa Ebanghelyo, ipinapakilala kung sino ang dalagang tinutukoy ni propeta Isaias sa kanyang hula. Ang babaeng tinutukoy ni propeta Isaias sa kanyang pahayag sa Unang Pagbasa ay walang iba kundi ang Mahal na Birheng Maria. Ang Mahal na Ina ay isang dalaga mula sa Nazaret na namumuhay nang payak. Isang araw, ang anghel ng Panginoon na si Arkanghel Gabriel ay nagpakita sa kanya upang ibalita ang paghirang ng Diyos sa kanya. Pinili at hinirang ng Diyos si Maria. Si Maria'y bukod na pinagpala sa lahat ng mga babae. Siya'y puno ng grasya ng Diyos. Siya ang dalagang pinili at hinirang ng Diyos, ayon sa hula ni propeta Isaias. 

Mahirap at kumplikado ang sitwasyon ni Maria. Siya'y nakatakda nang ikasal kay San Jose. At ayon sa tradisyon ng mga Hudyo, kapag natagpuang nagdadalantao ang isang babae nang hindi pa kasal, hahatulan siya ng pakikiapid at kamatayan ang parusang ipapataw sa kanya. Kaya, nahirapan si Maria sa pag-intindi. Hindi niya maunawaan nang mabuti ang ibinalita sa kanya. Mahirap unawain ang mga ganitong sitwasyon. Napakakumplikado. 

Subalit, sa kabila nito, si Maria'y tumalima sa kalooban ng Diyos. Bagamat hindi niya maintindihan at maunawaan nang mabuti ang mga ibinalita sa kanya ni San Gabriel Arkanghel, tumalima si Maria sa kalooban ng Diyos. Ibinigay ni Maria ang kanyang "oo" sa Diyos. Ipinagkatiwala ni Maria ang kanyang sarili sa Diyos. Hindi na ang plano ni Maria ang susundin kundi ang kalooban ng Diyos. Ang Diyos ang bahala sa buhay ni Maria. Buong pusong nanalig si Maria sa Diyos. Dahil nanalig siya sa Diyos nang buong puso, si Maria ay tumalima sa kalooban ng Diyos. Ang pananalig ni Maria ang nag-udyok sa kanya na tumalima sa kalooban ng Diyos. 

Isang dalaga ay pinili at hinirang para sa isang napakahalagang papel sa plano ng Diyos. Binigyan siya ng isang napakahalagang tungkulin at bokasyon. Ang Mahal na Birheng Maria ang dalagang pinili at hinirang ng Diyos. Isang napakahalagang bokasyon ang ibinigay sa kanya ng Diyos. Siya'y pinili at hinirang upang maging ina ng Mesiyas na Tagapagligtas - si Kristo Hesus. Ipaglilihi at iluluwal si Hesus mula sa sinapupunan ni Maria. Mananahan si Hesus, ang Diyos na nagkatawang-tao, sa sinapupunan ni Maria. Bagamat hindi maunawaan nang mabuti ni Maria ang kalooban ng Diyos, tumalima siya sa kalooban ng Diyos. Ibinigay ng dalaga, ang Mahal na Birheng Maria, ang kanyang sarili bilang pagtalima sa kalooban ng Diyos dahil nanalig siya sa Awa at Grasya ng Diyos. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento