Sabado, Disyembre 31, 2016

NAGKATAWANG-TAO DAHIL SA PAG-IBIG

31 Disyembre 2016 
Ikapitong Araw ng Pagdiriwang sa Pasko ng Pagsilang 
1 Juan 2, 18-21/Salmo 95/Juan 1, 1-18 



Sa kapanahunan ng Pasko, pinagninilayan natin ang misteryo ng pagkakatawang-tao ng Salita ng Diyos na si Hesukristo. Ang Panginoong Hesukristo ang Salita ng Diyos na nagbibigay-buhay sa lahat. Siya rin ay Diyos, ang Pangalawang Persona ng Banal na Santatlo. Ipinamalas ni Kristo Hesus ang dakilang pag-ibig ng Diyos para sa lahat sa pamamagitan ng Kanyang pagiging tao. Naging tao ang Salita ng Diyos na si Kristo Hesus dahil sa Kanyang pagmamahal para sa sangkatauhan. 

Ito ang binibigyang diin ng Ebanghelyo ngayon. Ito ang dahilan kung bakit natin ipinagdiriwang nang buong kagalakan ang Kapaskuhan. Ang Diyos ay naging tao sa pamamagitan ni Kristo Hesus upang tayo ay tubusin. Tayong lahat ay iniligtas ni Hesus, ang Diyos na nagkatawang-tao, dahil sa Kanyang dakilang pag-ibig para sa ating lahat na walang kapantay. Niloob ng Diyos na Siya'y magkatawang-tao sa pamamagitan ni Hesus upang maging Tagapagligtas at Mananakop ng lahat. 

Ang katotohanang ito ang ipinapahiwatig sa atin ng Espiritung kaloob ni Hesus sa atin, ayon sa Unang Pagbasa. Ipinapahayag ni Apostol San Juan sa kanyang sulat sa Unang Pagbasa na ipinagkaloob sa atin ang Espiritu. Ito ang nais ipahiwatig sa atin ni Apostol San Juan. Ang dahilan kung bakit ipinagkaloob sa atin ang Espiritu Santo ay dahil sa pag-ibig ng Diyos. Pag-ibig ang dahilan kung bakit ipinagkaloob ng Panginoong Hesukristo sa atin ang Espiritu Santo. Nais ni Hesus na magkaroon tayo ng kaunawaan. Nais ng Panginoong Hesus na maunawaan natin nang mabuti kung bakit Siya pumarito sa sanlibutan bilang ating Tagapagligtas. Nais ni Hesus na maunawaan natin na Siya ang Diyos na nagmamahal sa atin. At ang Kanyang pagmamahal para sa atin ay tunay at walang kapantay. 

Nagkatawang-tao ang Diyos dahil sa pag-ibig. Inaalala natin tuwing Kapaskuhan ang dakilang pag-ibig ng Diyos. Dahil sa Kanyang dakilang pag-ibig para sa atin, niloob Niyang bumaba mula sa langit at maging tao para sa ating kaligtasan. Ang Diyos ay pumanaog sa ating daigdig bilang ating Manunubos. Ang pagpanaog ng ating Panginoon ang dahilan ng ating pagdiriwang ngayong Kapaskuhan. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento