Sabado, Disyembre 3, 2016

KATARUNGAN AT AWA

4 Disyembre 2016 
Ika-2 Linggo sa Panahon ng Pagdating ng Panginoon (A) 
Isaias 11, 1-10/Salmo 71/Roma 15, 4-9/Mateo 3, 1-12 



Ang mga Pagbasa ngayong Ikalawang Linggo sa Panahon ng Pagdating ay tungkol sa Katarungan at Awa ng Diyos. Ang Katarungan at Awa ng Diyos ay tunay. Hindi ito katulad ng awa at katarungan na ipinapakita ng mundo. Sa mata ng mundong ito, magkahiwalay at magkaiba ang awa at katarungan. Subalit, sa mata ng Diyos, magkarugtong ang Awa at Katarungan. Hindi maaaring paghiwalayin ang Awa at Katarungan ng Diyos. Ang Diyos ay maawain at makatarungan. 

Sa Unang Pagbasa, ipinahayag ng Diyos na darating ang isang hari mula sa lahi ni Jesse. Ang haring ito ay kalugud-lugod sa paningin ng Diyos. Tumatalima siya sa kalooban ng Diyos. Ipapakita Niya ang tunay na katarungan at awa mula sa Diyos. Magiging maawain siya sa mga dukha, at parurusahan niya ang mga masasama. 

Ipinahayag ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa na naparito si Hesus upang iligtas ang sangkatauhan. Dumating si Hesus sa sanlibutan bilang Manunubos ng sangkatauhan. Kaligtasan, hindi kapahamakan, ang nais Niyang idulot sa lahat. Sa pamamagitan ng Kanyang pagparito sa sanlibutan bilang Tagapagligtas, ipinakita ni Hesus sa lahat kung gaano kadakila ang Awa at Katarungan ng Diyos. 

Sa Ebanghelyo, isinalarawan ni San Juan Bautista sa kanyang pangangaral sa Ilog Jordan ang Awa at Katarungan ng Diyos. Hinihikayat ni Juan Bautista ang lahat ng kanyang mga tagapakinig na magsisi at tumalikod sa kanilang mga kasalanan upang ang Awa at Katarungan ng Diyos ay kanilang maranasan. Ito ay bahagi ng kanyang pangangaral tungkol sa paghahanda ng daraanan ng Panginoon. Siya ang tinig na sumisigaw sa ilang. At may pahikayat ang tinig na ito sa mga nakakarinig nito. Hinihikayat ang lahat na magsisi at tumalikod sa kanilang mga kasalanan. 

Isinilarawan din ni San Juan Bautista na makikita ng lahat ang Awa at Katarungan ng Diyos sa pamamagitan ng darating na kasunod niya (na higit pang dakila kaysa kanya). Ayon kay Juan Bautista, ang trigo ay kanyang titipunin sa kamalig at ang ipa ay isusunog niya sa apoy na di mamamatay kailanman. Sa ibang salita, langit ang gantimpala ng mga magsisisi at tatalikod sa kanilang mga kasalanan. Subalit, ang mga hindi magsisisi at tatalikod sa kanilang mga kasalanan ay parurusahan sa impyerno. Ang Mesiyas na si Hesus ang tinutukoy ni San Juan Bautista. 

Ang pagdurusa ng mga makasalanan sa impyerno ay labag sa kalooban ni Hesus. Hindi kagustuhan ni Hesus na maparusahan at magdusa ang mga makasalanan sa impyerno. Nais Niyang iligtas ang mga ito. Subalit, wala Siyang magawa kung sasalungatin nila ang Kanyang hikayat. Wala na Siyang magawa kung ayaw nilang makinig sa Kanyang panawagan. Wala Siyang magawa kung ayaw nila sa Kanya. Wala Siyang magawa kung hindi nila tatanggapin Siya. Masakit man sa Kanyang kalooban, kailangang gawin ito ni Hesus. 

Nais ng Panginoong Hesus na makinabang tayo sa Kanyang Awa at Katarungan. Kaya, may mga mensahero na Kanyang isinusugo upang mauna sa Kanya. Hatid ng mga mensaherong padala Niya ang Kanyang paghikayat sa atin. Hinihikayat tayong lahat na makibahagi at makinabang sa mga gantimpalang nagmumula sa Kanyang Awa at Katarungan. Subalit, upang maging karapat-dapat na makibahagi at makinabang sa mga pagpapalang nagmumula sa Kanyang Awa at Katarungan, kailangan nating pagsisihan at talikdan ang ating mga kasalanan. Magbalik-loob tayo sa Diyos upang makamit natin ang Awa at Katarungan ng Diyos. 

Katarungan at Awa. Ito ang ipinapakita sa atin ng ating Panginoon at Manunubos na si Hesus. Ipinapakita Niya ito sa atin upang akitin tayong magsisi at magbalik-loob sa Kanya. Maaakit nawa tayong lahat sa Awa at Katarungan ng Diyos. Maakit nawa tayo sa ipinapakita ng Panginoong Hesukristo sa atin. Nawa'y maakit tayong magsisi at tumalikod sa ating mga kasalanan. Nawa'y maakit tayong talikuran ang ating mga makasalanang pamumuhay at magbalik-loob sa Diyos upang ang Awa at Katarungan ng Diyos ay ating maranasan at makamtan. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento