Linggo, Nobyembre 27, 2016

APOSTOL: MAMAMALAKAYA NG TAO

30 Nobyembre 2016 
Kapistahan ni Apostol San Andres
Roma 10, 9-18/Salmo 18/Mateo 4, 18-22 

Kuha mula sa (http://manilacathedral.ph/statue.aspx)
Isa sa mga unang apostol ay si San Andres Apostol. Siya ang kapatid ng pinuno ng mga apostol na si San Pedro Apostol. Tulad ng kanyang kapatid na si Apostol San Pedro, si Apostol San Andres ay isang mamalakaya. Namamalakaya siya kasama ang kanyang kapatid. Subalit, nagbago ang kanyang buhay sa sandaling tinawag siya at ang kanyang kapatid na si Simon Pedro ni Hesus. Noong naranasan ni San Andres ang pagtawag ni Hesus, tinalikuran niya ang kanyang hanapbuhay. Iniwan niya ang kanyang lambat sa bangka. Sumunod siya kay Hesus. 

Sa salaysay ng pagtawag ni Hesus sa Kanyang mga unang apostol, sinabi Niyang magiging mamamalakaya ng tao ang apat na ito. Ang hanap-buhay ng apat na ito ay pamamalakaya. Subalit, sa tulong ni Kristo, sila'y naging mga mamamalakaya ng mga tao. Tao na ang kanilang huhulihin, hindi na mga isda. Mula sa pagiging mga mamamalakaya ng isda, naging mga mamamalakaya ng tao ang unang apat na apostol ni Hesus. Ito'y natunghayan natin sa Ebanghelyo ngayon. 

Ano ang misyon ng mga apostol bilang mga mamamalakaya ng tao? Si Apostol San Pablo ang sumagot sa tanong na ito sa Unang Pagbasa. Ipakilala si Kristo sa lahat. Ipalaganap ang Mabuting Balita. Mangaral tungkol kay Kristo. Maging mga saksi ng Mabuting Balita ng kaligtasan. Maging mga saksi ni Kristo sa iba't ibang dako ng daigdig. Ang misyon ng mga apostol ay ipinagpapatuloy pa rin ng Simbahan, magpahanggang-ngayon. Ebanghelisasyon.

Tayong lahat ay inaanyayahang maging mga apostol, mga mamamalakaya ng tao. Ang Ebanghelisasyon ay hindi lamang misyon ng mga pinuno ng Simbahan. Ito'y misyon ng bawat isa. Ang bawat isa sa atin ay tinatawag at inaanyayahang maging mga mamamalakaya ng tao. At bilang mga mamamalakaya ng tao na hinirang ni Kristo, tayo ay magiging mga saksi ng Mabuting Balita. Ipapakilala natin si Kristo sa mga hindi pa nakakakilala sa Kanya. Ipapalaganap natin ang Mabuting Balita. At higit sa lahat, ang Diyos ay lalo pa nating ikadarakila. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento