Linggo, Nobyembre 27, 2016

HESUS: SENTRO NG MASIGLANG PAGHAHANDA AT PANANABIK

27 Nobyembre 2016 
Unang Linggo sa Panahon ng Pagdating ng Panginoon (A) 
Isaias 2, 1-5/Salmo 121/Roma 13, 11-14a/Mateo 24, 37-44 



Sinisimulan ng Simbahan ang isang bagong Taong Litruhiko sa pamamagitan ng Panahon ng Pagdating ng Panginoon (Adbiyento). Ang paksang nais pagtuunan ng pansin ng Simbahan ngayong panahong ito ay ang paghihintay at paghahanda. Sa ating paghihintay at pananabik para sa pagsapit ng Dakilang Kapistahan ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoon, binibigyan tayo ng pagkakataong maghanda ng sarili. Ang panahon ng Adbiyento ay panahon upang ihanda ang ating mga puso't diwa para sa pagdating ng Panginoon. 

Isinasalarawan ng mga Pagbasa ngayong Unang Linggo sa Panahon ng Pagdating ang sentro ng ating paghihintay at paghahanda ngayong panahong ito. Ang sentro ng ating paghihintay, paghahanda, at pananabik ngayong panahon ng Adbiyento ay si Hesus. Si Hesus ang dapat maging sentro ng ating paghahanda at pananabik ngayong panahon ng Adbiyento. Ang Panginoon ay dapat nating isentro sa ating paghahanda at paghihintay ngayong panahon ng Adbiyento. 

Mapapakinggan natin sa Unang Pagbasa ang pangako ng Panginoon. Kapayapaan ang paiiralin ng Panginoon. Siya ang Prinsipe ng Kapayapaan. Hindi karahasan o lagim ang paiiralin kundi kapayapaan. At ang kapayapaang hatid ng Panginoon ay tunay at perpekto. Sa Panginoon lamang natin masusumpungan ang kapayapaang tunay at walang hanggan pagkat Siya ang Prinsipe ng Kapayapaan. 

Ipinahayag ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa na ang Panginoong Hesus ay dapat maging hari ng ating buhay. Si Hesus ang dapat maging sentro ng ating buhay. Siya ang dapat maging sentro ng ating paghahanda at paghihintay ngayong Panahon ng Pagdating. Lagi Siyang kumakatok sa ating mga puso't diwa. Buksan natin ang ating mga puso sa pagkatok ng Panginoong Hesukristo nang sa gayo'y manahan at maghari Siya sa ating puso. Nararapat lamang si Hesus ay manahan at maghari sa ating mga puso sapagkat Siya ang Diyos na nagliligtas. 

Sa Ebanghelyo, inihalintulad ang pagdating ni Hesus sa pagdating ng baha noong panahon ni Noe. Hindi inaasahan ng lahat ang pagdating ng baha. Ang akala nila'y kalokohan lamang iyon, hindi totoo. Subalit, nang si Noe'y pumasok sa daong, ang baha ay dumating. Kung paanong hindi inaasahan ng lahat ang pagdating ng baha noong panahon ni Noe, ganyan din ang pagdating ni Hesus. Inihalintulad ni Hesus ang Kanyang pagdating sa pagdating ng baha noong panahon ni Noe upang iatas sa lahat na laging maging handa para sa Kanyang pagdating, lalo na ang Kanyang pagdating sa ating mga puso't diwa. 

Ang sentro ng paghahanda at paghihintay ngayong Panahon ng Pagdating ay si Hesus. Si Hesus ang dahilan kung bakit tayo masigla at puno ng tuwa ang ating paghahanda at pananabik ngayong panahon ng Adbiyento. Siya ang dahilan kung bakit ipinagdiriwang ang Panahon ng Pagdating. Sa ating masiglang pananabik at paghahanda ngayong panahon ng Adbiyento, huwag nating kalimutan ang sentro at dahilan ng ating pagdiriwang - si Hesus. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento