Ika-32 Linggo sa Karaniwang Panahon (K)
2 Macabeo 7, 1-2. 9-14/Salmo 16/2 Tesalonica 2, 16-3, 5/Lucas 20, 27-38 (o kaya: 20, 27. 34-38)
Muli nating pagninilayan ngayong Linggo ang paksa ng pananalig sa Diyos, lalo na sa gitna ng mga suliranin sa buhay. Sa mga panahon ng ligalig o kagipitan, tayo ay humahanap ng makakapitan o masasanggalang. Kailangan natin ng tulong sa mga oras na iyon. Gagawin natin ang lahat para lang makahanap ng makakatulong sa atin. Kailangan natin ng karamay, sanggalang, at maraming iba pa. Hindi natin kayang harapin ang mga ito na nag-iisa lang.
Mahalaga ang pananalig sa Diyos. Sa panahon ng pagsubok, sa mga sandali kung kailan wala tayong makakapitan, nandiyan Siya. Ang Panginoon ay laging nandito para sa atin. Lagi nating kasama ang Panginoon. Hindi Niya tayo bibiguin, hindi Niya tayo iiwanan o pababayaan sa mga oras ng pangangailangan. Siya'y laging kasama natin upang makakapit tayo sa Kanya.
Sa Unang Pagbasa, mapapakinggan natin ang kwento ng pananalig ng isang ina at ng kanyang pitong anak na lalaki. Lalo nilang hinigpitan ang kanilang pagkapit sa Panginoon sa mga oras na iyon. Nanalig sila na hindi sila bibiguin ng Diyos. Kung sakali mang ipapataw ng hari ang parusang kamatayan sa kanila dahil sa kanilang pananalig at pagtalima sa Diyos, buong puso nila ito iaalay sa Kanya. Buong puso silang nanalig na sila'y bubuhayin muli ng Panginoon. Gagantimpalaan Niya ang Kanyang mga tapat na lingkod.
Ganun din ang naranasan ni San Lorenzo Ruiz de Manila. Ilang ulit man siyang hinagupit ng mga pinunong Hapones noong kapanahunang iyon, hindi bumitiw o kumalas si San Lorenzo Ruiz mula sa kanyang pananampalataya at pananalig sa Diyos. Pinili niyang tanggapin ang parusang-kamatayang ipinataw sa kanya at sa kanyang mga kasama alang-alang sa Panginoon. Bago siya namatay, ito ang mga salitang namutawi mula sa kanyang mga labi:
"Sanlibo man ang aking buhay, iaalay ko ang lahat ng iyon sa Kanya."Sa Ikalawang Pagbasa, ipinahayag ni Apostol San Pablo ang kanyang panalangin para sa mga taga-Tesalonica. Nanalangin siya na nawa'y patatagin ng Diyos ang pananalig ng mga taga-Tesalonica sa Kanya. Sa pamamagitan nito, pinapalakas ni Apostol San Pablo ang kalooban ng mga taga-Tesalonica. Kakailanganin nila ang malakas at matibay na pananalig sa Panginoon sa kanilang mga atupagin. Si San Pablo Apostol ay humingi rin ng panalangin mula sa mga taga-Tesalonica upang magampanan niya ang kanyang misyon bilang saksi ni Kristo. Kailangan rin niya ng mga panalangin upang magamapanang mabuti ang misyon niya bilang saksi ni Kristo - ipalaganap ang Mabuting Balita sa iba't ibang dako ng daigdig.
Sa Ebanghelyo, ipinahayag ni Hesus na muling mabubuhay ang mga patay. Ito'y matapos Siyang tanungin ng ilang mga Saduseo tungkol sa usaping ito. Ibinunyag ni Hesus ang maling paniniwala ng mga Saduseo tungkol sa buhay pagkatapos ng kamatayan. Ang mga Saduseo ay hindi naniniwalang muling mabubuhay ang mga patay. Ayon sa kanilang paniniwala, kapag pumanaw ang isang tao, tapos na ang lahat para sa kanya. Mabubulok ang kanyang bangkay sa hukay sapagkat patay na siya. Subalit, ayon kay Hesus, mali ang paniniwalang iyon. Sa Kanyang paliwanag, ipinakita ni Hesus sa mga Saduseo na pinatunayan mismo ni Moises na ang mga patay ay mabubuhay muli. Sabi ni Hesus sa Ebanghelyo, "Ang Diyos ay Diyos ng mga buhay, hindi ng mga patay." (20, 38)
Ipinapatatag ni Hesus ang ating pananalig sa Diyos sa pamamagitan ng pahayag na ito. May muling pagkabuhay. Muling bubuhayin ng Diyos ang mga patay. Ang mga nananalig at naglilingkod sa Diyos at kapwa nang buong katapatan ay hindi pababayaang mabulok sa lupa. Bagkus, gagantimpalaan ng Diyos ang mga tapat Niyang lingkod sa kabilang buhay. Ipagkakaloob Niya sa kanila ang gantimpala ng langit. Hindi Siya nakakalimot o nagpapabaya. Lagi Siyang nandiyan para sa mga tapat na nananalig at naglilingkod sa Kanya, at gagantimpalaan Niya ang mga ito sa kabilang buhay. Ipagkakaloob Niya sa kanila ang pangako ng langit.
Lagi nating kasama ang Diyos. Alam ng Diyos na may mga sandali sa buhay natin kung kailan mangangailangan tayo ng makakapitan. Kumapit tayo sa Kanya nang buong pananalig. Hindi Niya tayo pababayaan o bibitawan. Bagkus, tutulungan Niya tayong umahon at pagdaanan ang mga matitinding suliranin sa buhay. Ang bawat nananalig at naglilingkod sa Diyos nang buong katapatan, lalo na sa mga matitinding pagsubok sa buhay, ay gagantimpalaan ng Diyos sa kabilang buhay.
Huwag tayong mawalan ng pananalig sa Diyos. Huwag nating hayaang maglaho ang ating pananalig sa Diyos. Lumapit tayo sa Diyos, kumapit tayo sa Kanya nang buong katapatan. Tutulungan tayo ng Diyos sa mga pinagdadaanan natin, gaano mang katindi ito. Lagi Siyang kasama natin. Hinding-hindi Niya tayo pababayaan o lilimutin. Gagantimpalaan din Niya tayo sa kabilang buhay kung mananalig tayo sa Kanya nang buong katapatan, sa gitna ng mga pagsubok sa buhay.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento