2 Nobyembre 2016
Paggunita sa Lahat ng mga Pumanaw na Kristiyano
(Paalala: Ang mga sumusunod na Pagbasa ay isa sa mga pangkat ng mga Pagbasa na maaaring pagpilian para sa araw na ito.)
2 Macabeo 12, 43-46/Salmo 115; 116/1 Corinto 15, 20-24a. 25-28 (o kaya: 1 Corinto 15, 20-23)/Mateo 11, 25-30
Isa sa mga Espiritwal na Gawa ng Awa ay ang pananalangin para sa mga yumao. Tayo ay nananalangin, humihingi ng Awa mula sa Diyos para sa mga yumao. Sa pamamagitan ng pananalangin para sa mga yumao, tayo ay nagpapakita ng awa at habag para sa mga kapatid nating yumao. Ibinabahagi natin ang Awa at Habag ng Diyos sa mga yumao. Tayo ay nananalangin na nawa'y kaawaan at kahabagan ng Panginoon ang mga kaluluwa ng mga yumao nating mga kapatid.
Ang araw na ito ay inilaan ng Simbahan para sa panalangin at paggunita sa mga kaluluwa ng mga kapatid nating yumao sa Purgartoryo. Binubuo ng mga kaluluwa ng mga kapatid nating yumao ang Simbahang Nagdurusa. Nananalangin tayo na nawa'y kaawaan at kahabagan ng Diyos ang mga kaluluwa ng mga kapatid nating yumao na nagdurusa sa Purgatoryo. Tinutulungan natin ang mga kaluluwa na nasa Purgatoryo ang kanilang pangarap na makapiling ang Diyos sa langit. Inaasam-asam nilang mamuhay sa piling ng Diyos sa langit.
Sa ika-11 kabanata ng Ebanghelyo ni San Mateo, inaanyayahan ni Hesus ang lahat na humimlay sa Kanyang piling. Inaanyayahan tayong lahat ni Hesus na lumapit sa Kanya upang tayo'y makaranas ng tunay na kapahingahan sa Kanyang piling. Ang Panginoong Hesus lamang ang makakapagbigay ng tunay na kapahingahan at kaginhawaan sa atin. Sa Kanya lamang matatagpuan, masusumpungan, ang tunay na kaginhawaan at kapahingahan (11, 28-30).
Tulad nating lahat, ang mga kaluluwa sa Purgatoryo ay umaasang makahimlay sa piling ng Panginoon sa langit. Subalit, dahil hindi sila naging malinis mula sa mga kasalanang benyal, kailangan silang linisin sa Purgatoryo. Kaya, kailangan nila ang ating mga panalangin upang mapabilis ang paglilinis sa kanila sa Purgatoryo. Ang mga kaluluwa ay umaasa sa mga panalangin natin sapagkat hindi sila maaaring manalangin para sa kanilang mga sarili. Tulungan natin ang mga kapatid nating yumao sa Purgatoryo na makamit ang kanilang pangarap na makapiling nila ang Diyos sa langit. Manalangin tayo na nawa'y kaawaan at kahabagan ng Diyos ang kanilang mga kaluluwa.
Ang pananalangin para sa mga kapatid nating yumao ay isang napakahalagang gawa. Ito'y isang Espirituwal na Gawa ng Awa. Katulad ng ibang mga Korporal at Espirituwal na Gawa ng Awa, isinasabuhay ng gawaing ito ang tema ng Banal na Taon ng Awa na malapit nang magtapos sa buwan na ito, "Maging maawain tulad ng Ama" (Lucas 6, 38). Tayo ay nagiging maawain at mahabagin sa mga kapatid nating yumao. Ibinabahagi natin sa kanila ang Awa at Habag ng Diyos. Kung tayo ay magiging maawain at mahabagin sa ating kapwa, lalung-lalo na sa mga yumao, tayo ay magiging kalugud-lugod at mapalad sa paningin ng Diyos.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento