Lunes, Oktubre 31, 2016

MGA BANAL: SUMAKSI SA AWA NG DIYOS HABANG NABUBUHAY DITO SA LUPA

1 Nobyembre 2016 
Dakilang Kapistahan ng Lahat ng mga Banal 
Pahayag 7, 2-4. 9-14/Salmo 23/1 Juan 3, 1-3/Mateo 5, 1-12a 



Pinararangalan natin ngayong unang araw ng Nobyembre ang lahat ng mga banal sa langit. Noong sila'y namumuhay dito sa lupa, ang lahat ng mga banal ay naging mga saksi ng Awa at Habag ng Diyos. Bilang mga saksi ng Awa ng Diyos, ang lahat ng mga banal ay nagpatotoo sa pamamagitan ng kanilang mga salita at gawa. 

Ang lahat ng mga kabilang sa hanay ng mga banal ay nananalangin sa Diyos para sa ating lahat dito sa lupa. Noong sila'y namumuhay dito sa lupa, ang mga banal ay nagpatotoo at sumaksi sa Awa at Habag ng Diyos sa pamamagitan ng kanilang mga kilos at salita. Ngayong kapiling na nila ang maawain at mahabaging Diyos sa langit, ang kanilang tungkulin ay ang patuloy na pananalangin para sa ating lahat dito sa lupa. Nananalangin sila na nawa'y maligtas tayo mula sa kapahamakan at nawa'y pagdating ng takdang panahon, makapiling din natin ang Diyos. 

Habang nabubuhay pa sila dito sa lupa, ang lahat ng mga santo't santa ng ating Simbahan ay tiyak na nagkasala. May mga pagkakataon sa buhay kung saan ang mga santo't santa ay nakaranas ng matinding kahinaan. Dahil sa mga ito, sila ay nadapa at nagkasala. Subalit, sa kabila ng kanilang pagiging makasalanan, ang mga santo't santa ay nagpatuloy sa kanilang pagsusumikap na mamuhay na puno ng kabanalan sa paningin ng Diyos. Nanalig sila sa Awa at Habag ng Diyos. Dahil sa kanilang pananalig at pagtitiwala sa Awa ng Diyos, nagsumikap ang mga santo't santa na mamuhay nang kalugud-lugod at puno ng kabanalan. 

Kapiling na ngayon ng lahat ng mga banal na tao sa langit ang Diyos. Sila ngayon ay nasa langit, kapiling ang Diyos. Pagkatapos ng pakikipagdigma at pakikibaka laban sa kasamaan at kasalanan noong sila'y nabubuhay dito sa mundo, ang mga santo't santa ng ating Simbahan ay kapiling na ng Diyos. Namumuhay silang puno ng kaginhawaan at kapayapaan kapiling ang Diyos sa langit. Nagtagumpay sila sa kanilang pakikibaka laban sa mga tukso ng kasalanan at kasamaan sa tulong ng Awa ng Diyos. Kaya naman, tulad ng nasasaad sa Unang Pagbasa mula sa Aklat ng Pahayag, ang lahat ng mga banal ay nagpupuri at nagpapasalamat sa Diyos nang walang humpay sapagkat tinulungan Niya silang magtagumpay. 

Noong ang mga banal ay namuhay dito sa mundo, nagsumikap rin silang maging maawain tulad ng Diyos. Dahil ang Diyos ay nagpakita ng Awa at Habag sa kanila, naging maawain rin sila. Sinikap nilang tumulad sa Diyos sa pagiging maawain sa kapwa. Kahit napakahirap maging maawain tulad ng Diyos, sinikap pa rin nilang mamuhay bilang mga maawain at mahabaging tagasunod ng Panginoon. Dahil naging maawain at mahabagin ang Diyos sa kanila, buong pagsusumikap nilang tinularan ang Panginoon sa pagiging maawain at mahabagin. Sa pamamagitan ng pagtulad sa Panginoon, ibinahagi nila ang Awa at Habag ng Panginoon sa kapwa. 

Ang mga maawain at mahabagin ay nasa sentro ng isa sa mga Beatitudo na itinuro ni Hesus sa Ebanghelyo. Para kay Kristo, mapalad sa paningin ng Diyos ang mga maawain at mahabagin. Kaawaan at kahahabagan rin sila ng Diyos. Ang lahat ng mga banal sa langit ang patunay. Dahil tinularan nila ang halimbawang ipinakita sa kanila ng Panginoon, dahil naging maawain at mahabagin sila tulad Niya, muli silang kinaawaan at kinahabagan ng Diyos. Ang pinakadakilang gantimpala ng Diyos sa kanila ay ang pamumuhay na kapiling Niya sa langit. 

Gaano kadakila o kalaki ang Awa, Habag, at Pag-Ibig ng Diyos? Napakalaki. Hindi natin ito kayang sukatin. Sabi ni Apostol San Juan sa Ikalawang Pagbasa, tayong lahat ay tinuring ng Diyos bilang Kanyang mga anak dahil sa Kanyang Pag-Ibig para sa atin. Dahil sa Pag-Ibig ng Diyos sa atin, kinaawaan at kinahabagan Niya tayo. Itinuring Niya tayong mga anak Niya. Kahit mga makasalanan tayo, kahit ilang ulit tayong magkasala laban sa Kanya, iniibig tayo ng Diyos at hinihintay Niya ang araw kung kailan tayo lalapit sa Kanya upang humingi ng Awa at Habag mula sa Kanya. Pagdating ng araw na iyon, agad na ipagkakaloob ito ng Diyos sa atin sapagkat labis ang Kanyang pag-irog sa ating mga itinuring Niyang anak. 

Ito ang naranasan ng mga santo't santa ng ating Simbahan. Naranasan nila ang Awa, Habag, at Pag-Ibig ng Diyos, sa kabila ng kanilang mga pagkukulang at mga kasalanan. Kahit marami silang mga kahinaan at kasalanan, naramdaman nila ang Awa, Habag, at Pag-Ibig ng Diyos. Pinalakas at pinatibay ng Awa, Habag, at Pag-Ibig ng Diyos ang kanilang kalooban. Dahil dito, lalo nilang pinagsikapang maging maawain at mahabagin tulad ng Diyos. Patuloy nilang pinagsikapang sumunod at tumulad sa halimbawa ng Panginoon. 

Ang lahat ng mga banal sa langit ay sumaksi sa Awa ng Diyos noong nabubuhay pa sila dito sa lupa. Tayo rin lahat ay inaanyayahan ng Diyos na maging banal, mga saksi ng Awa ng Diyos. Tinatawag at inaanyayahan tayo ng Diyos para sa kabanalan dahil sa Kanyang Awa, Habag, at Pag-Ibig para sa atin. Patuloy pa rin itong ipinapadama ng Diyos sa atin. Nawa'y tanggapin natin ang panawagan at paanyayang ito mula sa Diyos. Nawa'y sumaksi tayo sa Awa at Habag ng Diyos sa pamamagitan ng ating mga salita at gawa. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento