16 Oktubre 2016
Ika-29 na Linggo sa Karaniwang Panahon (K)
Exodo 17, 8-13/Salmo 120/2 Timoteo 3, 14-4, 2/Lucas 18, 1-8
Sa pelikulang Maging Akin Muli, may isang eskena kung saan si Jun-Jun (Marvin Agustin) ay sinamahan ng kanyang ina (Sandy Andolong) pabalik sa seminaryo. Si Jun-Jun ay bumalik sa seminaryo para makipag-usap sa Rektor ng Seminaryo na si Fr. Paul (Nonie Buencanimo). Tatlong ulit na nagkamali si Jun-Jun sa kanyang tungkulin bilang diyakono sa Parokya. Bago pumasok si Jun-Jun para sa kanyang personal na pagpupulong sa Rektor ng Seminaryo, nangako ang ina ni Jun-Jun na ipagdadasal niya ang kanyang anak. Sabi niya na kukulitin niya si Hesus, tulad ng inang nagsusumamo para sa kanyang anak, para kay Jun-Jun.
Ang mga Pagbasa ngayon ay tungkol sa pananatiling tapat sa pananalig sa Awa ng Diyos. Itinuturo sa atin ang pagiging matiyaga at ang pananatiling tapat sa ating pananalig sa Diyos. Gaano mang kahirap ang buhay, gaano mang karami at gaano mang kabigat ang mga pagsubok sa buhay, kailangang manalig tayo sa Diyos nang buong katapatan at katiyagaan. Sa kahirapan o sa kaginhawaan, hindi natin dapat hayaang maglaho ang ating pananalig sa Diyos. Dapat manatili tayong matiyaga, tapat, at masigasig sa ating pananalig sa Maykapal.
Sa Unang Pagbasa, nanalo ang mga Israelita sa digmaan laban sa mga Amalecita. Dikdikan ang labanan. Nakakatuwang isipin na ang resulta ng laban ay nakabase sa mga kamay ni Moises. Kapag ang mga kamay ni Moises ay nakataas, ang mga Israelita ang nananalo. Kapag nakababa naman ang mga ito, ang mga Amalecita naman ang nananalo. Kaya, noong talagang nangangawit na ang mga kamay ni Moises, pinaupo siya sa isang bato, at inalalay nina Aaron at Hur ang kanyang mga kamay upang matiyak nila ang tagumpay ng kanilang bayan. Pilit na itinaas nina Aaron at Hur ang mga kamay ni Moises, kahit napapagod na ang mga ito, sapagkat nais nilang magtagumpay ang kanilang bayan laban sa mga Amalecita.
Ipinapahiwatig ng Unang Pagbasa ang kapangyarihan ng pagiging matiyaga sa pananalangin. Pinilit nina Aaron at Hur na itaas ang mga kamay ni Moises, kahit nangangawit na ang mga ito. Nananalig sila na kapag ang mga kamay ni Moises ay nakataas, diringgin ng Diyos ang kanilang mga panalangin. Diringgin ng Dios ang kanilang mga panalangin para sa tagumpay ng mga Israelita sa digmaan laban sa mga Amalecita. Hindi sila sumuko; hindi sila nagpadala sa kanilang kapaguran. Bagkus, patuloy silang nanalangin nang buong katiyagaan at katapatan hanggang sa tuluyan silang nagtagumpay sa digmaan. Masasabi natin na parang kinulit nila ang Diyos. At dahil sa kanilang pangungulit, pinagbigyan ng Diyos ang kanilang panalangin. Tinulungan Niyang magtagumpay ang Kanyang bayan.
Nananalig sina Moises, Aaron, at Hur, na kaawaan ng Diyos ang kanilang bayan. Nanalig sila sa kapangyarihan ng Awa ng Diyos. Nanalig sila na magtatagumpay sila sa digmaan sa tulong ng Awa ng Diyos. Kaya, noong nangawit na ang mga kamay ni Moises, inalalay nina Aaron at Hur ang kanyang mga kamay at hindi nagpadala sa kanilang kapaguran. Nanalangin sila nang buong katiyagaan at nang may buong pananalig sa Awa ng Diyos para sa pagtagumpay ng kanilang bayan.
"Ang lingkod ng Diyos ay magiging handa sa lahat ng mabubuting gawain." (3, 17) Ito ang tema ng Ikalawang Pagbasa. Inutusan ni Apostol San Pablo si Timoteo sa Ikalawang Pagbasa na maglingkod sa Diyos. Si San Timoteo ay inutusang maging misyonero, ipalaganap ang Salita ng Diyos nang buong katiyagaan.
Subalit, ano ang kailangan ng bawat isa kung nais nating paglingkuran ang Diyos nang buong katiyagaan? Pananalig. Isang napakahalagang susi sa paglilingkod sa Diyos nang buong katiyagaan ang ating pananalig sa Kanyang Awa. Kapag tayo'y may pananalig sa Diyos, mas lalo tayong magiging matiyaga sa paglilingkod sa Poong Maykapal. Mas lalo tayong gaganahan na maglingkod sa Panginoon nang buong katiyagaan kung meron tayong pananalig sa Kanyang Awa.
Sa Ebanghelyo, isinalarawan ni Hesus sa pamamagitan ng isang talinghaga ang kahalagahan ng pananalig sa Awa ng Diyos nang buong katapatan at katiyagaan. Sa talinghaga ng Panginoong Hesus, naging matiyaga ang isang babaing balo sa kanyang paghingi ng katarungan. Sa bandang huli, ang hukom, kahit gaano man siya ka-huwad at katiwali bilang hukom, kahit wala siyang takot sa Diyos, kahit walang taong iginagalang, ay bumigay sa kahilingan ng babaeng balo. Pinagbigyan ng tiwaling hukom ang kahilingan ng babaing balo dahil sa pagpupumilit nitong bigyan siya ng katarungan, kahit kilala siya bilang isang napakasamang hukom.
Iisa lamang ang mensahe ng ating mga Pagbasa ngayon - huwag tayong bumigay sa ating mga kahinaan. Huwag nating hayaang maglaho ang ating pananalig sa Awa ng Diyos. Huwag nating hahayaang mawala ang napakahalagang bahagi na ito ng ating buhay-espiritwal. Bagkus, manatili nawa tayong tapat at matiyaga sa ating pananalig sa Awa ng Diyos. Patuloy nawa po tayong manalig sa Awa ng Dios nang buong katapatan at katiyagaan. Ang bawat taong naglilingkod at nananalig sa Kanya nang buong katapatan at katiyagaan ay hindi Niya itatakwil, ipagkakaila, o tatanggihan. Hindi Niya ipagkakait ang mga kahilingan ng mga naglilingkod at nananalig sa Kanya nang buong katapatan at katiyagaan.
Kung ang Diyos ay hindi sumuko sa atin, sa kabila ng ating mga kahinaan at mga kasalanan, huwag nating isuko ang ating pananalig sa Awa ng Diyos. Huwag tayo magpatalo sa ating mga kasalanan at kahinaan. Bagkus, manatili tayong tapat at matiyaga sa ating pananalig sa Awa ng Diyos. Ang Diyos ay hindi sumuko sa atin, sa kabila ng ating mga kahinaan at mga kasalanan. Huwag nating isuko ang ating pananalig sa Kanyang Awang walang hanggan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento