Lunes, Oktubre 3, 2016

MGA SUSI SA TAGUMPAY: PANALANGIN AT PAGTANGGAP SA KALOOBAN NG DIYOS

7 Oktubre 2016
Paggunita sa Mahal na Birheng Maria ng Santo Rosaryo 
(Simula ng Hubileyo sa Karangalan ng Mahal na Birheng Maria bilang bahagi ng pagdiriwang ng Taon ng Awa) 
Unang Biyernes ng Buwan ng Oktubre 
Mga Gawa 1, 12-14/Lucas 1/Lucas 1, 26-38 



"Sa kahuli-huliha'y magtatagumpay ang aking kalinis-linisang puso." 
- Mahal na Birheng Maria sa tatlong bata ng Fatima 

Ginugunita natin ngayon ang Mahal na Birheng Maria ng Santo Rosaryo. Ang isa pang titulo ng Mahal na Birheng Maria ng Santo Rosaryo ay ang Mahal na Birhen ng Tagumpay. Ito ay dahil sa ugnayan ng mga panalangin ng Mahal na Birhen sa tagumpay ng mga pwersa ng Kristiyanismo laban sa mga pwersa ng Imperyong Otomano sa Pandagat na Digmaan sa Lepanto noong 1571. At dahil sa tagumpay ng mga pwersa ng Kristiyanismo laban sa mga pwersa ng Imperyong Otomano sa Lepanto, itinalaga ng Santo Papa noon na si Papa Pio V ang araw na ito bilang araw ng Paggunita sa Mahal na Birhen ng Tagumpay. Sa paglipas ng panahon, pinalitan ang pangalan ng Paggunita sa araw na ito sa kasalukyang pangalan. 

Ang ating Mahal na Inang si Maria ay patuloy na nananalangin para sa atin upang magtagumpay tayo laban sa mga tukso at pagsubok sa buhay sa tulong ng Awa ng Diyos. Bilang ating Ina, batid ng Birheng Maria na hindi natin kayang harapin at pagtagumpayan ang mga tukso at pagsubok sa buhay nang nag-iisa lamang. Alam niyang kailangan natin ng tulong. Kaya, patuloy na nananalangin si Inang Maria para sa atin upang mapagtagumpayan rin natin ang mga tukso at pagsubok sa buhay, sa tulong ng Awa ng Diyos. 

Katulad nating lahat, naranasan ng Mahal na Ina ang kalupitan ng buhay. Kahit si Maria ay iniligtas ng Diyos mula sa bahid ng kasalanang mana bago pa man siya ipaglihi sa sinapupunan ng kanyang inang si Santa Ana, at kahit hindi dinungisan ng anumang kasalanan magmula noon, hindi naligtas si Maria mula sa kalupitan ng buhay. Maski nga si Hesus ay hindi naging ligtas mula sa kalupitan ng buhay dito sa daigdig, kahit Siya pa ang Anak ng Diyos at Pangalawang Persona ng Banal na Santatlo. Noong dumating ang mga sandali ng kalupitan, lalung-lalo na sa mga sandali ng pagpapakasakit ng kanyang Anak na minamahal, ang Mahal na Birheng Maria ay kumapit at nanalangin sa Diyos na tulungan siya sa pagharap sa mga ito. Ang Mahal na Birheng Maria ay kumapit at nanalangin sa Diyos upang tulungan siyang pagtagumpayan at lampasan ang mga pagsubok at kapighatian sa buhay. 

Alam ni Maria na kung hindi dahil sa Diyos, hindi niya mapagtatagumpayan at malalampasan ang mga pagsubok at madidilim na sandali ng buhay dito sa lupa. Kaya, siya'y patuloy na nananalangin para sa atin. Isinasama niya tayo sa kanyang mga panalangin sa Poong Maykapal. Bilang ating Ina, gagawin ng Birheng Maria ang lahat para sa ating kabutihan. Ang pananalangin ng Mahal na Ina para sa atin ay parang isang paalala rin para sa atin. Ang paalalang nais ipaabot sa ating lahat ni Inang Maria ay nandiyan ang Diyos. Meron tayong Diyos na handang tumulong at sumagip sa atin. Meron tayong Diyos na maaari nating kapitan sa mga oras ng mga pagsubok at madidilim na sandali ng buhay dito sa lupang ibabaw. Mayroon tayong Diyos na tutulong sa atin upang pagtagumpayan at lampasan ang mga pagsubok at tukso sa buhay dito sa mundo. 

Sa Unang Pagbasa, mapapakinggan natin na ang mga apostol ay nananalangin sa loob ng isang silid, ang senakulo, kasama ang Mahal na Birheng Maria. Ang mga apostol ay nananalangin at naghihintay sa senakulo para sa pagdating ng Espiritu Santo sa kanila, katulad ng ipinangako ng Panginoong Hesus. Sinasamahan sila ng Mahal na Ina sa pananalangin. Makikita natin dito ang maka-inang pagkalinga ng Mahal na Birheng Maria sa lahat ng mga kabilang sa Simbahang itinatag ni Kristo. Sinasamahan niya sila sa pananalangin. Nananalangin siya sa Panginoon kasama natin. Nananalangin si Inang Maria para sa mga anak na inihabilin sa kanya ng Panginoong Hesukristo habang Siya'y nakabayubay sa krus. Hinding-hindi tayo pababayaan ng ating Inang si Maria. Lagi niya tayong ipagdadasal sa Panginoon upang tayo'y hindi Niya pababayaan, lalo na sa mga oras ng pangangailangan. 

Sa Ebanghelyo, niyakap at tinanggap ng Mahal na Birheng Maria ang kalooban ng Diyos. Tinanggap niya ang Awa ng Diyos sa kanyang buhay. Tinanggap ni Inang Maria ang Awa ng Diyos sa kanyang sinapupunan. Pinahintulutan ni Inang Maria na manahan sa kanyang sinapupunan sa loob ng siyam na buwan ang Mukha ng Awa ng Diyos Ama - si Hesus. Pumayag ang Birheng Maria na maging Kaban ng Bagong Tipan dahil sa kanyang pananalig sa Diyos. Kahit hindi maintindihan o maunawaan ng lubusan ng Mahal na Ina ang kalooban ng Diyos, tinanggap pa rin niya ang kalooban ng Diyos dahil sa kanyang pananalig sa Diyos. Ang pananalig ni Maria ay naging susi sa pagtanggap sa kalooban ng Diyos. Dahil tinanggap niya ang kalooban ng Diyos, naghari ang Awa ng Diyos sa buhay ng Mahal na Ina. 

Ipinapakita ng ating Mahal na Inang si Maria ang mga susi sa pagtatagumpay - ang panalangin at ang pagtanggap sa kalooban ng Diyos. Ang Mahal na Birheng Maria ay hindi nagsawa sa pananalangin sa Diyos habang siya'y nabubuhay dito sa lupa. Tinanggap rin niya ang kalooban ng Diyos, kahit hindi niya ito lubusang maintindihan, lalung-lalo na sa panahon ng pagdurusa at hapis. Ang mga ito ang nagpatibay at nagpalago ng kanyang pananalig sa Diyos. At dahil sa malalim na pananalig ng Mahal na Inang si Maria sa Diyos, nalampasan at napagtagumpayan niya ang mga pagsubok at madidilim na sandali dito sa lupang ibabaw. 

Patuloy tayong ipinagdadasal ng ating Mahal na Ina sa langit. Samahan natin ang ating Mahal na Ina sa kanyang patuloy na pananalangin para sa atin. Manalangin tayo kasama ni Inang Maria. Tanggapin rin natin ang kalooban ng Diyos sa ating buhay, kahit hindi natin ito lubusang maintindihan, lalung-lalo na sa mga oras ng pagdurusa. Ang mga ito ang magpapatatag at magpapalalim sa ating pananalig sa Poong Maykapal. At pagtatagumpayan natin ang mga pagsubok at tukso sa buhay dito sa lupa sa tulong ng Awa ng Diyos. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento