23 Oktubre 2016
Ika-30 Linggo sa Karaniwang Panahon (K)
Sirak 35, 15b-17. 20-22a (gr. 12-14. 16-18)/Salmo 33/2 Timoteo 4, 6-8. 16-18/Lucas 18, 9-14
Isinasalarawan ng mga Pagbasa ngayon ang ugnayan ng Awa at Habag ng Diyos at ng kapakumbabaan. Ang Diyos ay malapit sa mga taong mapagpakumbaba. Mas malapit sa Puso ng Diyos ang mga taong mapagpakumbaba. Ang kapakumbabaan ay kalugud-lugod sa paningin ng Diyos. Kinalulugdan ng Panginoong Diyos ang mga taong mapagpakumbaba. Bilang pagganti o gantimpala sa pagpapakumbaba ng tao, ipinapakita ng Diyos ang Kanyang Awa at Habag sa lahat.
Isang buwan na lamang po ang natitira bago ang pagwawakas ng Banal na Taon ng Awa, isang Natatanging Hubileyo, na idineklara ng ating Mahal na Santo Papa na si Papa Francisco, noong nakaraang taon. Ang tema ng Hubileyo ng Awa ay hango sa ikaanim na kabanata ng Ebanghelyo ni San Lucas, "Maging maawain tulad ng Ama." (6, 36) Napakagandang muli nating pagnilayan ang misteryo ng Awa ng Diyos, lalo na't nalalapit na ang pagwawakas ng Banal na Taon ng Awa.
Sa Unang Pagbasa, ipinahayag ni Sirak na diniringgin ng Panginoong Diyos ang mga panalangin ng mga mapagpakumbaba. Para sa Diyos, ang mga panalangin ng mga taong mapagpakumbaba ay tulad ng mga awit at tula na masarap pakinggan. Ang mga ito ay parang mga musika sa Kanyang pandinig. Ang tinig ng mga taong mapagpakumbaba na nagsusumamo at nananalangin nang buong puso't diwa ay kaakit-akit, kahali-halina, kaaya-aya sa pandinig ng Diyos. Dagdag pa ni Sirak, hindi itinatanggi ng Diyos ang kanilang mga panalangin at pagsusumamo sa Kanya dahil sa kanilang kapakumbabaan.
Napakahalaga ang pagpapakumbaba. Ang pagpapakumbaba ay isang birtud. Ang pagpapakumbaba ay nagpapakita ng kabutihan. Nagagalak ang Diyos sa tuwing nakakakita Siya ng kabutihan. Natutuwa ang Diyos kapag nakikita Niya tayong gumagawa ng kabutihan. Kabilang na rito ang pagpapakumbaba. Kalugud-lugod sa Diyos ang mga mapagpakumbaba. At dahil kinalulugdan Niya ang mga taong mapagpakumbaba, pinapakinggan at diniringgin Niya ang kanilang mga samo at panalangin. Kung nais nating mapakinggan at mag ang ating mga panalangin at kahilingan sa Diyos, at kung nais rin nating maging kalugud-lugod sa Kanyang paningin, kailangan nating maging mapagpakumbaba.
Sa Ikalawang Pagbasa, ipinahayag ni Apostol San Pablo na makakamtan na niya ang korona ng pagtatagumpay. Paano ito nangyari? Sa pamamagitan ng pagsunod sa kalooban ng Diyos nang buong kababaan ng loob. Naging masunurin si Apostol San Pablo sa kalooban ng Diyos nang buong kababaan ng loob. Ano ang kalooban ng Diyos para sa kanya? Maging misyonero at apostol. Ipalaganap ang Mabuting Balita ng kaligtasan sa iba't ibang dako ng daigdig. Ipakilala si Kristo sa lahat ng tao bilang Panginoon at Tagapagligtas ng sangkatauhan. Ginawa ni Apostol San Pablo ang lahat ng iyon bilang pagtalima sa kalooban ng Diyos. Tumalima siya sa kalooban ng Diyos para sa kanya nang buong kababaan ng loob. Kahit may mga hindi tumanggap sa kanya at sa kanyang mga ipinapangaral, kahit may mga nais pumatay sa kanya, sinunod pa rin ni San Pablo Apostol ang kalooban ng Diyos nang buong kababaan ng loob. Mas gugustuhin niyang mamatay alang-alang sa Diyos at sa Mabuting Balita kaysa mamuhay nang walang kabuluhan at walang ginawa para sa kadakilaan ng Panginoon.
Sa Ebanghelyo, muling itinuro ni Hesus ang kahalagahan ng pagkakaroon ng kababaan ng loob sa pamamagitan ng isang talinghaga. Itinampok at pinuri ni Hesus ang publikano na nanalangin sa Diyos nang buong kababaan ng loob sa talinghaga. Batid ng publikano ang kanyang pagiging makasalanan. Kaya, noong siya'y nanalangin sa templo, hindi siya makatingin sa langit. Ang publikano ay nanalangin nang nakayuko. At sa kanyang panalangin, agad siyang humingi ng awa at kapatawaran mula sa Panginoon. Dahil diyan, kinalugdan at kinahabagan ng Diyos ang publikano dahil sa kanyang kababaan ng loob.
Malapit ang Diyos sa mga mapagpakumbaba. Ang mga mapagpakumbaba ay hindi Niya kinasusuklaman kundi kinalulugdan. Labis na natutuwa ang Diyos kapag nakikita Niyang nagpapakumbaba ang bawat isa. Ipinagkakaloob ng Diyos ang Kanyang Awa at Habag sa mga may kababaan ng loob. Hindi tatanggihan ng Diyos ang mga panalangin at pagsusumamo ng mga mapagpakumbaba. Bagkus, papakinggan at diringgin ng Diyos ang kanilang mga pagsusumamo at panalangin sa Kanya dahil sa Kanyang Awa at Habag. Ang mga taong mapagpakumbaba ay kinalulugdan, kinaawaan, at kinahahabagan ng Diyos.
Magpakumbaba tayo. Magkaroon tayo ng kababaan ng loob. Labis na matutuwa ang Diyos sa atin kapag makikita Niya tayong may kababaan ng loob. Kapag tayo ay magpapakumbaba sa harapan ng Diyos, papakinggan at ipagkakaloob Niya ang ating mga panalangin at kahilingan sa Kanya. Tayo ay magiging kalugud-lugod sa paningin ng Diyos kung tayo ay magpapakumbaba. Mas lalo pa tayong magiging malapit sa Diyos. At higit sa lahat, makakamtan natin ang Kanyang pangako ng langit kung saan makakapiling Siya magpakailanman.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento