Sabado ng Ika-26 na Linggo sa Karaniwang Panahon (II)
Paggunita kay Santa Teresita ng Sanggol na Hesus, dalaga
Unang Sabadong Debosyon sa Mahal na Birheng Maria
Job 42, 1-3. 5-6. 12-16 (hebr. 1-3. 5-6. 12-17)/Salmo 118/Lucas 10, 17-24
Inilalarawan sa Unang Pagbasa ang katapusan ng pagdurusa ni Job. Si Job ay nagdusa, kahit nanatili siyang tapat sa Dios buong buhay niya. Paulit-ulit siyang nagtanong sa Diyos kung bakit nagkaganyan ang kanyang buhay. Biglang naglaho ang lahat para kay Job. Nawala ang lahat sa kanya. Nawala ang lahat ng kanyang mga kayamanan. Nawala ang kanyang mga ari-arian. Namatay ang kanyang mga anak. Hindi na naging masagana ang kanyang buhay. Bagkus, napuno ng kapaitan at pagdurusa ang kanyang buhay. Paulit-ulit siyang nagtanong sa Diyos kung bakit nagkaganyan ang lahat. Subalit, kahit hindi nakuha ni Job ang sagot sa kanyang mga katanungan, naging sapat para sa kanya ang mapagmasdan ang Mukha ng Diyos, ang Mukhang puspos ng Awa at Habag para sa sangkatauhan.
Pagkatapos ng pananatiling tapat sa kabila ng pagdurusa, biniyayaan ng Poong Maykapal si Job. Pinagpala at biniyayaan ng Poong Diyos si Job para sa kanyang katapatan. Ginantimpalaan siya para sa kanyang pananalig at katapatan sa Diyos na puspos ng Awa at Habag para sa sangkatauhan. Siksik, liglig, at umaapaw ang mga pagpapala at biyayang tinanggap ni Job mula sa Poong Diyos pagkatapos ng mga sandali sa kanyang buhay na napuno ng kapaitan at pagdurusa.
Sa Ebanghelyo, pinaalalahanan ni Hesus ang Kanyang mga alagad na dapat silang magalak dahil nakatala sa langit ang kanilang pangalan. Ito'y matapos ibalita ng mga alagad sa Panginoong Hesus na marami silang pinalayas na demonyo mula sa mga tao. Nagkaroon sila ng kapangyarihang magpalayas ng mga masasamang espiritu, mga demonyo, dahil sa kapangyarihan ng Ngalan ni Hesus. Subalit, para kay Hesus, ang dapat ikagalak ng mga alagad ay ang pagkatala ng kanilang mga pangalan sa langit. Nakatala ang kanilang mga pangalan sa langit dahil nanatili silang kapanig ng Diyos, sa kabila ng mga tukso at pagsubok sa buhay.
Nakaranas rin ng mga matitinding pagsubok at pagdurusa sa buhay ang Mahal na Birheng Maria at si Santa Teresita ng Sanggol na si Hesus. Hindi nila naintindihan kung bakit nakakaranas sila ng pagdurusa at pagsubok sa buhay, kahit tumatalima sila sa kalooban ng Diyos. Subalit, nananatili pa rin silang tapat sa panig ng Diyos. Sa hirap man o sa ginhawa, nanatili pa rin silang tapat ng Diyos. Nananatili silang kapanig ng Diyos. Gaano mang katindi ang mga pagdurusa at pagsubok sa buhay, mas lalo silang kumapit sa Poong Maykapal.
Ang Mahal na Birheng Maria ay nakaranas ng pagdurusa sa kanyang puso. Ang kanyang puso ay nagdusa ng pitong ulit nang dahil sa Panginoong Hesus. Pitong ulit niyang naranasan ang pagtarak ng balaraw sa kanyang kalinis-linisang puso. Mula sa hula ni Simeon sa templo patungkol sa Panginoong Hesukristo hanggang sa sandali ng pagkamatay ng Panginoong Hesukristo, naranasan ng Mahal na Inang si Maria ang pagdurusa at kapaitan mula sa kanyang puso. Subalit, kahit pitong ulit tinarakan ang kanyang puso, kahit hindi niya naintindihang mabuti kung bakit nagkaganyan ang lahat, kahit pitong ulit siyang nasaktan, hindi pa rin siya nawalan ng pananalig sa Diyos. Nananalig pa rin siya na magtatapos rin ang pagdurusa, mapapawi ang kanyang hapis at dalamhati, sa Muling Pagkabuhay ni Kristo Hesus. Hindi nawalan ng pananalig si Inang Maria sa Diyos, gaano mang katindi ang mga pagdurusang naramdaman niya sa kanyang puso.
Si Santa Teresita ng Sanggol na si Hesus ay nakaranas din ng pagdurusa sa buhay. Sinikap niyang maging banal, lalung-lalo na noong pumasok siya sa kumbento ng mga madreng Carmelitana. Nang makapasok na si Santa Teresita sa kumbento bilang nobisyada, nagkasakit siya nang malubha. Katunayan, umuubo pa nga siya ng dugo. Subalit, tinanggap pa rin niya ang kalooban ng Diyos. Tumalima pa rin siya sa kalooban ng Diyos. Hindi siya nawalan ng pananalig sa Diyos. Sa sandali ng pagdurusa, mas lalong humigpit ang pagkapit ni Santa Teresita sa Diyos. Ang bawat sandali ng kanyang pagdurusa hanggang sa kanyang kamatayan ay inalay ng "Munting Bulaklak" na si Santa Teresita sa Panginoong Diyos.
Sa panahon ng kagipitan, kapaitan, at pagdurusa, kumapit tayo sa Diyos. Huwag nating isipin na wala na tayong makakapitan, Nandiyan ang Panginoon. Iniuunat Niya ang Kanyang mapagpalang Kamay sa atin upang makakapit tayo sa Kanya. Kumapit tayo sa Diyos na may buong pananalig sa Kanya. Huwag tayong bumitiw sa Kanya. Kumapit tayo sa Kanya, tulad ng Mahal na Inang si Maria at ni Santa Teresita ng Sanggol na si Hesus. Mapagtatagumpayan rin natin ang mga pagsubok at mga sandali ng pagdurusa sa buhay sa tulong ng Panginoon.
AWIT SA PAGNINILAY: "Awit sa Ina ng Santo Rosaryo"
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento