Lunes, Setyembre 26, 2016

SAN LORENZO RUIZ: NANATILING TAPAT SA PANGINOON HANGGANG SA ORAS NG KAMATAYAN

28 Setyembre 2016 
Paggunita kay San Lorenzo Ruiz at mga Kasama, mga martir 
Sirak 2, 1-18/Salmo 115/1 Pedro 2, 1-25*/Mateo 5, 1-12 
(*Maaring laktawan ang Ikalawang Pagbasa) 



"Isa akong Katolikong Pilipino, at buong puso kong tinatanggap ang kamatayan para sa Panginoon. Kung mayroon man akong sanlibong buhay, iaalay ko ang lahat ng iyon para sa Kanya." - San Lorenzo Ruiz 

Ginugunita natin ang kabayanihan at kabanalan ng Unang Santong Pilipino na si San Lorenzo Ruiz. Siya'y namatay bilang martir sa bansang Hapon. Pinaslang siya kasama ng iba pang mga misyonero ng mga autoridad noong kapanahunang yaon dahil hindi niya isinuko ang kanyang pananampalataya sa Diyos. Ang pagtanggap at pagharap ni San Lorenzo Ruiz sa kamatayan ang nagpatunay na siya'y tunay na nananalig at sumasampalataya sa Diyos. Sabi nga ni Apostol Santiago sa kanyang sulat, "Patay ang pananampalatayang walang gawa." (2, 17) Napatunayan ni San Lorenzo Ruiz ang kanyang pananampalataya sa Dios noong hinarap at tinanggap niya ang kamatayan bilang martir ng Panginoon. 

Ang mga Pagbasa ngayon ay angkop na angkop sa pagdiriwang natin ngayon. Sa Unang Pagbasa, ipinahayag ni Sirak na ang mga nais maglingkod sa Maykapal ay dapat humanda para sa mga pagsubok sa buhay. Ipinahayag naman ng Unang Santo Papa ng Simbahan na si Apostol San Pedro sa kanyang sulat sa Ikalawang Pagbasa na dapat nating talikuran ang mga masasamang hilig ng mundo, kahit gaano mang kahirap ito. Sa Ebanghelyo, itinuro ni Hesus ang mga Mapapalad bilang bahagi ng Kanyang pangangaral o sermon sa bundok. 

Sa Unang Pagbasa, ipinahayag ni Sirak na dapat maghanda ang mga nais maging lingkod ng Poong Diyos para sa mga matitinding pagsubok. Kinakailangan nilang maging tapat at matatag sa mga oras ng kagipitan. Kinakailangan nilang manalig sa Poong Mahal sa mga oras ng pagtitiis at pagdurusa. Kung nais nating maging mga lingkod ng Poong Maykapal, kinakailangan nating ibigay ang ating buong katapatan sa Kanya, sa hirap man o sa ginhawa. 

Sa Ikalawang Pagbasa, hinikayat naman ni Apostol San Pedro ang lahat ng mga nais maglingkod kay Kristo na talikuran ang mga masasamang hilig ng mundo. Naku, napakahirap gawin iyon. May kasamang pagdurusa iyan. Paano nating matatalikuran ang mga masamang pita ng laman, lalung-lalo na't tayong lahat ay mga mahihinang makasalanan? 

Alalahanin natin, si San Pedro Apostol, tulad ni San Lorenzo Ruiz, ay nagkasala rin noong siya'y nabubuhay pa dito sa daigdig. Kahit tinawag at hinirang ni Kristo si Apostol San Pedro, kahit kabilang siya sa labindalawang alagad, kahit hinirang siya bilang pinuno ng mga apostol, may mga kahinaan din siya. Hindi siya naging ligtas mula sa mga tukso. Subalit, paano niya nilabanan ang masamang hilig ng laman? Umasa at nanalangin siya sa Panginoon. Nanalig siya sa Panginoon. Kahit may mga pagkakataong napakaliit ang kanyang pananalig, ginamit pa rin niya ito upang labanan ang mga ito. Nanalig siya na hindi siya pababayaan ng Panginoon. 

Manalig tayo sa Panginoon. Kahit napakaliit ang ating pananalig sa Panginoon, gamitin natin ang ating pananalig sa Panginoon upang labanan ang mga tukso sa buhay. Manalig tayo na hindi tayo pababayaan ng Panginoon sa ating pakikibaka laban sa mga tukso at pagsubok sa buhay. 

Sa Ebanghelyo, mapapakinggan natin ang simula ng pangangaral ng Panginoong Hesus sa bundok. Sa simula ng pagtuturo ni Hesus sa bundok, itinuro Niya ang mga Beatitudo (Mapapalad). Inilarawan ni Hesus sa mga Beatitudo kung sino ang mga tunay na mapapalad. Kabilang sa mga mapapalad ang mga inuusig dahil sa kanilang pagsunod sa kalooban ng Diyos. Kahit nasa gitna ng pag-uusig, susunod pa rin sa kalooban ng Diyos. Titiisin ang bawat pagdurusang kalakip ng pananalig at pagsunod sa kagustuhan ng Diyos. Iyan ang tunay na mapalad. Iyan ang tunay na tagasunod ni Kristo. Tapat na nananalig at tumutupad sa kalooban ng Diyos, sa gitna ng pag-uusig at pagdurusa. 

Kaya natin ginugunita ang pagka-martir ni San Lorenzo Ruiz de Manila sa araw na ito. Si San Lorenzo Ruiz ay nananalig sa Diyos nang may buong katapatan, kahit nasa gitna ng pag-uusig. Kahit alam niyang papatayin siya ng mga nasa autoridad dahil sa kanyang pananampalataya sa Diyos, hindi siya bumitiw mula sa kanyang pananampalataya. Hindi niya isinuko ang kanyang pananampalataya. Hindi niya ipinagpalit ang kanyang pananampalataya sa Diyos sa kanyang buhay. Bagkus, pinili niyang mamatay bilang isang martir ng Panginoon sa isang bayang dayuhan alang-alang sa kanyang pananampalataya sa Kanya. 

Napatunayan ni San Lorenzo Ruiz ang kanyang pananampalataya sa Diyos noong pinili niyang mamatay bilang martir alang-alang sa Kanya kaysa itakwil Siya at mabuhay. Napatunayan ni San Lorenzo Ruiz na matibay at matatag ang kanyang pananampalataya sa Diyos, sa gitna ng pagdurusa at pag-uusig. Kahit nagdurusa at inuusig sa kamay ng mga opisyal noon, pinili niyang manatiling tapat sa Dios, kahit ang katumbas nito ang kanyang buhay dito sa mundo. 'Pagkat para kina San Lorenzo Ruiz at ang kanyang mga kasama, walang saysay ang mabuhay sa mundo kung ang Diyos na Poong Mahal ay itatakwil. Mas pinili ni San Lorenzo Ruiz na manalig nang buong katapatan sa Diyos hanggang kamatayan sa halip na itakwil Siya at mamuhay nang walang kabuluhan. 

AWIT SA PAGNINILAY: "Sanlibong Buhay" (Bukas Palad Music Ministry) 



Walang komento:

Mag-post ng isang Komento