25 Setyembre 2016
Ika-26 na Linggo sa Karaniwang Panahon (K)
Amos 6, 1a. 4-7/Salmo 145/1 Timoteo 6, 11-16/Lucas 16, 19-31
Nakakapangilabot pakinggan ang Unang Pagbasa at Ebanghelyo ngayon, lalung-lalo na't napapaloob tayo sa Banal na Taon ng Awa. Sa katunayan, ang tema para sa Hubileyo ng Awa ay "Maging maawain tulad ng Ama." Subalit, kung susuriin natin nang mabuti ang Unang Pagbasa at Ebanghelyo ngayon, parang napakalupit at napakahigpit ng Diyos. Nagagalit Siya kapag nakikita Niyang nagpapakasarap sa buhay ang tao. Ayaw Niyang nagpapakasaya at nagpapaginhawa tayo sa buhay. Puno ng kontrobersya ang mga Pagbasang ito.
Sa Unang Pagbasa, ipinahayag ng Poon sa pamamagitan ng propetang si Amos na ipapatigil Niya ang pagpapakasaya at pagpapakasarap ng mga tao. Magwawakas ang pagpapakasarap at kaligayahan ng mga tao. Hindi na sila mamumuhay nang may kayamanan. Sa Ebanghelyo, ang mayamang lalaki sa talinghaga ni Hesus, na kilala sa tradisyon sa pangalang Dives, ay pinarusahan sa impyerno. Galit ba ang Diyos sa kayamanan? Hindi ba Siya ang pinagmulan ng mga kayamanan?
Ang bawat kayamanan ay biyaya ng Diyos. Ang mga kayamanan dito sa daigdig ay pagpapala ng Diyos. Ang mga kayamanan ay nagmula sa Dios. Biyaya iyan mula sa Diyos. Hindi masama ang mga kayamanan. Subalit, ang mga kayamanan ay mga biyaya mula sa Diyos. Ipinagkakaloob ng Dios sa atin ang mga biyayang ito dahil sa Kanyang dakilang Awa at Habag para sa atin.
Labag sa kalooban ng Diyos ang magdusa sa buhay. Hindi kalooban ng Diyos ang magdusa tayo habambuhay. Nais ng Panginoon na makapamuhay tayo nang may kagalakan at kasagaan. Kaya nga Siya naparito sa pamamagitan ni Kristo Hesus, ang Pangalawang Persona ng Banal na Santatlo. Si Kristo na mismo ang nagwika, "Naparito Ako upang ang mga tupa'y magkaroon ng buhay - isang buhay na ganap at kasiya-siya." (Juan 10, 10) Ang Pangalawang Persona ng Banal na Santatlo na si Hesukristong Poon natin ay naparito sa daigdig upang magkaroon ng isang buhay na ganap at kasiya-siya ang bawat isa sa atin na kabilang sa Kanyang kawan.
Subalit, ano ang kinasusuklaman ng Dios? Ang pagiging gahaman. Kapag naging gahaman ang isang tao, nakakalimutan niya ang Diyos at kapwa. Nakakaligtaan na niyang tulungan, o kahit pansinin man lang ang kanyang kapwa. Nakakaligtaan na niyang makipagkapwa. Nakakaligtaan na niyang manalangin sa Diyos. Hindi niya binibigyan ng panahon ang Dios at ang kapwa. At higit sa lahat, kapag ang isang tao ay naging gahaman, ginagawa na niyang diyos ang kanyang mga kayamanan at ari-arian. Naging mga diyos-diyosan niya ang kanyang mga kayamanan at ari-arian. Nakalimutan na niya ang tunay na Diyos na Siyang pinagmumulan ng mga pagpapala at biyayang kanyang tinanggap. Pinagpalit na niya ang Dios.
Nakalimutan ng mga tao sa Unang Pagbasa at ng mayamang lalaki sa Ebanghelyo na may hangganan ang lahat ng buhay dito sa daigdig. Nakalimutan nilang may kabilang buhay. Nakalimutan nila ang Diyos na Siyang nagkaloob sa kanila ng mga pagpapala at biyayang tinanggap nila. Ang mayamang lalaki sa talinghaga ni Hesus ay nakaalala lamang sa Diyos kung kailan nagdurusa na siya sa impyerno. Tumawag siya kay Abraham at buong pagsusumamong hiniling na tulungan siya ni Lazaro sapagkat nagdurusa na siya. Subalit, hindi na maaaring mangyari iyon sapagkat kapiling na ni Lazaro si Abraham sa kaharian ng Diyos sa langit, at ang mayamang lalaki ay nagdurusa sa impiyerno.
Inabuso nila ang kayamanang kaloob ng Diyos. Ginawa nilang sentro ng kanilang buhay ang kanilang mga kayamanan. Ipinagpalit nila sa Diyos ang kanilang mga kayamanan. Hindi na sila umaasa at nagdadasal sa Diyos. Ang kanilang buhay ay isinentro nila sa kanilang mga kayamanan dito sa daigdig, at hindi sa Diyos. Sa ganitong paraan nila nilabag ang Unang Utos sa Sampung Utos ng Diyos: "Ako ang Panginoon Mong Diyos; huwag kang magkaroon ng ibang diyos maliban sa Akin." (Exodo 20, 2-5)
Pinarusahan sila dahil ipinagdamot nila ang Awa ng Diyos. Hindi nila ibinahagi ang mga pagpapala at biyayang tinanggap nila mula sa Diyos. Sa talinghaga ni Hesus sa Ebanghelyo, pinagkaitan ng tulong si Lazaro. Walang ginawang mabuti ang mayamang lalaki para kay Lazaro na noo'y nagdurusa dahil sa karukhaan. Ang mayamang lalaki ay hindi nagbigay ng kahit konting tulong kay Lazaro. Hindi niya pinansin si Lazaro. Hindi siya nagpakita ng awa o malasakit kay Lazaro. Dahil diyan, pinarusahan siya noong siya ay pumanaw sa daigdig.
Ano naman ang kalugud-lugod sa paningin ng Diyos? Ayon kay Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa, ang pagsisikap na mamuhay na may katuwiran, kabanalan, pananalig, pag-ibig, pagtitiis at kaamuan ay kalugud-lugod sa Diyos (1 Timoteo 6, 11). Bagamat isinulat niya ito para kay San Timoteo para sa kanyang ministeryo, maaari nating sundin at tupdin ang kanyang sinabi upang maging kalugud-lugod sa Diyos. Alam naman nating lahat na tayo'y mga makasalanan. Subalit, kung tutupdin natin ang mga inutos ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa, hindi lamang para kay San Timoteo kundi para sa ating lahat, tayo'y magiging kalugud-lugod sa paningin ng Diyos. Kalulugdan tayo ng Diyos.
Paano nating tutupdin ang mga tagubilin ni Apostol San Pablo sa bawat lingkod ng Diyos sa Ikalawang Pagbasa upang kalugdan tayo ng Diyos?:
1.) Laging alalahanin ang Diyos. Huwag nating kalimutan ang Diyos. Hindi dapat kalimutan ang Diyos. Ang Diyos ay hindi dapat limutin. Dapat lagi nating alalahanin Siya. Alalahanin din natin ang mga kahanga-hangang bagay na ginawa Niya para sa atin. Ang Diyos ay hindi dapat kalimutan, sapagkat kung hindi dahil sa Kanya, hindi tayo mabubuhay ngayon. Magdasal tayo sa Kanya. Umasa tayo sa Kanya. Manalangin tayo sa Diyos. Magpasalamat tayo sa Kanya. Sumamo tayo sa Kanya. Tumawag sa Kanya. Manalig sa Kanya. Huwag limutin ang Diyos. Lagi nating alalahanin ang Diyos. Isentro natin ang ating buhay sa Kanya.
2.) Alalahaning may hangganan ang lahat ng bagay dito sa lupa. Ang lahat ng mga bagay dito sa lupa ay pansamantala lamang. Maglalaho balang araw ang lahat ng bagay dito sa daigdig. Magmamaliw ang lahat ng bagay na nakikita natin dito sa daigdig balang araw. Ang ating buhay dito sa lupa ay pansamantala rin. May hangganan ang lahat ng bagay dito sa lupa. Maglalaho at magmamaliw ang lahat ng ito pagdating ng takdang panahon.
3.) Makipagkapwa, lalung-lalo na sa mga kapus-palad. Malapit sa Puso ng Poong Diyos ang mga kapus-palad. Kinalulugdan ng Maykapal ang bawat taong nakikipagkapwa, lalo na sa mga mahihirap. Sinabi na mismo ni Hesus sa isa sa mga talinghaga tungkol sa Araw ng Paghuhukom kung saan Siya ang magiging Hukom, "Anuman ang gawin ninyo sa isa sa pinakahamak sa mga kapatid Kong ito, ginagawa rin ninyo ito sa Akin." (Mateo 25, 40) Kapag tayo ay nakipagkapwa sa ating kapwa, ginagawa natin iyan kay Hesus. Kapag tayo ay nagkawanggawa sa mga kapatid nating maralita, ginagawa natin iyan kay Hesus. At gagantimpalaan tayo ni Hesus sa kabilang buhay para sa ating mga ginawa. Makakapiling natin Siya sa Kanyang kaharian sa langit.
Huwag nating kalimutan ang Diyos. Alalahanin natin ang Diyos. Isentro natin ang ating buhay sa Kanya. Siya ang dahilan kung bakit tayo nabubuhay ngayon. Siya rin ang pinagmumulan ng mga pagpapala at biyayang ating tinanggap. Huwag nating kalimutan ang Kanyang mga Gawa ng Awa para sa atin. Sundin rin natin ang Kanyang kalooban. Maging masunurin din nawa tayo sa Kanyang kalooban. Makipagkapwa tayo sa ating kapwa, lalung-lalo na sa mga kapatid nating maralita, pisikal man o espiritwal ang kanyang karukhaan. Nais ng Diyos na makipagkapwa tayo sa isa't isa, sapagkat pantay-pantay lang tayo sa Kanyang paningin.
Isabuhay nawa natin ang tema ng Hubileyo ng Awa: Maging maawain tulad ng Ama (Lucas 6, 36). Kung paanong naging maawain at mahabagin ang Diyos sa atin, gayon din naman, dapat maging maawain at mahabagin din tayo sa kapwa, lalung-lalo na sa mga kapatid nating nangangailangan. Ibahagi natin ang Awa at Habag ng Diyos sa ating kapwa. At kapag tayo ay naging maawain at mahabagin sa kapwa, gagantimpalaan tayo ng Poong Maykapal kapag tayo ay sumakabilang-buhay. Makakapiling natin ang Diyos sa Kanyang kaharian sa langit. Sapagkat kinalulugdan Niya ang bawat taong nagbabahagi ng Kanyang Awa at Habag sa kapwa, lalung-lalo na sa mga dukha.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento