11 Setyembre 2016
Ika-24 na Linggo sa Karaniwang Panahon (K)
Exodo 32, 7-11. 13-14/Salmo 50/1 Timoteo 1, 12-17/Lucas 15, 1-32 (o kaya: 15, 1-10)
Isang linggo na ang nakalipas magmula noong natapos ang pag-ere ng teleseryeng Tubig at Langis sa ABS-CBN. Isa sa mga karakter sa teleseryeng iyon na hinding-hindi ko makakalimutan ay si Lucy (Dionne Monsanto). Sa simula ng teleserye, siya'y isang kontrabida. Naging kontrabida siya sa buhay ni Irene (Cristine Reyes) at ang kanyang pamilya. Subalit, habang nagpatuloy ang kwento, siya'y nagkaroon ng pagbabago. Mula sa pagiging kontrabida, siya'y naging isang mabuting tao at kakampi nina Irene at Natoy (Zanjoe Marudo). Nagbagong-buhay siya, humingi ng kapatawaran kina Irene at sa kanyang pamilya para sa kanyang mga pagkakamali laban sa kanila. Napatunayan niyang hindi pa huli ang lahat upang magbagong-buhay, magsimula muli, at pumanig sa kabutihan.
Ang mga Pagbasa ngayon ay tungkol sa paghingi ng awa at kapatawaran mula sa Diyos. Hindi nagsasawang magpatawad ang Dios. Lagi tayong hinihintay ng Diyos upang lumapit at humingi ng awa at kapatawaran mula sa Kanya. Paulit-ulit na sinasabi ng ating Mahal na Santo Papa na si Papa Francisco, "Ang Dios ay hindi nagsasawang magpatawad. Tayo ang nagsasawang humingi ng kapatawaran mula sa Kanya." Tayo ang nagsasawa, hindi ang Diyos.
Sa Unang Pagbasa, si Moises ay humingi ng kapatawaran sa Diyos para sa mga kasalanang ginawa ng mga Israelita. Labis na nagalit ang Diyos sa ginawa ng mga Israelita. Kinasusuklaman ng Diyos ang mga ginawa ng mga Israelita. Tinalikdan at sinuway ng mga Israelita ang utos ng Diyos. Subalit, si Moises ay nananalangin at nagsumamo sa Diyos na patawarin ang mga Israelita. Nananalangin si Moises na alalahanin ng Diyos ang pangakong Kanyang binitiwan kina Abraham, Isaac, at Jacob, na naging Kanyang mga lingkod. At dahil sa panalangin ni Moises, hindi tinuloy ng Diyos ang Kanyang planong lipulin ang mga Israelita. Dininggin ng Diyos ang panalangin ni Moises. Ipinakita ng Diyos ang Kanyang Awa sa mga Israelita noong hindi Niya tinuloy ang Kanyang plano.
Kahit labis na nagalit at kinasuklaman ng Diyos ang ginawa ng mga Israelita, hindi Niya tinuloy ang paglipol sa mga Israelita. Dumalangin si Moises para sa mga Israelita. Hiniling niya sa Dios na kaawaan ang mga Israelita. Si Moises ang humingi ng awa at kapatawaran mula sa Dios para sa mga Israelita. Nagtiwala si Moises sa Awa ng Diyos. Nagtiwala si Moises na ipapakita ng Diyos ang Kanyang Awa sa mga Israelita. Gayon nga ang nangyari. Dahil sa panalangin ni Moises na nagpapakita ng pananalig sa Awa ng Dios, naligtas ang mga Israelita. Hindi sila nilipol o ipinahamak. Naligtas sila mula sa tiyak na kapahamakan.
Ipinahayag ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa ang tunay na dahilan ng pagparito ni Kristo Hesus sa daigdig. Ayon kay San Pablo, si Kristo ay naparito sa sanlibutan upang iligtas ang mga makasalanan. Hindi Siya naparito sa sanlibutan upang ipahamak, lipulin, o parusahan ang mga makasalanan dahil sa kanilang mga ginawang pagkakasala. Ang Panginoon ay naparito upang tubusin ang mga makasalanan. Si Kristo Hesus ay naparito sa sanlibutan upang ipakita at ibahagi ang Awa ng Diyos sa bawat makasalanan.
Tayong lahat ang sinadya ni Hesus. Tayo ang dahilan kung bakit naparito si Hesus sa lupang ibabaw. Tayo ang dahilan kung bakit hinubad Niya ang Kanyang pagka-Diyos, nagkatawang-tao, at namuhay tulad ng isang alipin. Ginawa ni Hesus ang lahat ng iyan upang ipagtanggol at iligtas tayo mula sa mga pwersa ng kasamaan. Ginawa ni Hesus ang lahat ng iyan upang tayong lahat ay maligtas at maibalik sa tamang landas pabalik sa Ama. Ginawa ni Hesus ang lahat ng iyan upang tayong lahat ay magkaroon ng isang buhay na ganap at kasiya-siya. Sa pamamagitan ng mga iyon, ipinakita at ibinahagi sa atin ni Hesus ang Awa ng Diyos.
Sa Ebanghelyo, tatlong parabula ang isinalaysay ng Panginoong Hesus. Tatlong talinghaga ang ginamit ni Hesus sa Kanyang pagtuturo tungkol sa Awa ng Diyos. Iisa lamang ang mensahe ng tatlong talinghagang ito - hindi titigil ang Diyos. Ang Diyos ay hindi titigil sa paghihintay para sa araw ng ating pagsisisi at pagbabalik-loob sa Kanya. Labis ang kagalakan ng Diyos pagsapit ng araw na iyon. Nagagalak nang labis ang Diyos sa tuwing may (mga) makasalanang nagsisisi't tumatalikod sa kanilang mga kasalanan, at nagbabalik-loob sa Kanya.
Ang Diyos ay puspos ng Awa para sa sangkatauhan. Kinaawaan ng Diyos ang sangkatauhan, magkasala man sila nang paulit-ulit laban sa Kanya. Hindi Niya kasusuklaman ang tao kahit kailan. Kinaaawaan ng Diyos ang tao. Kasalanan ang kinasusuklaman ng Diyos, hindi ang tao. Kasuklam-suklam sa paningin ng Diyos ang kasamaan at kasalanan. Pero, ang sangkatauhan ay napakahalaga sa paningin ng Diyos. Puspos ng awa at pagsinta ang pagtingin ng Panginoon sa tao.
Masakit para sa Diyos ang mawalay tayo sa Kanyang paningin dahil sa ating mga kasalanan. Labag sa kalooban ng Diyos ang mawalay tayo sa Kanya. Hindi Niya gustong mawalay tayo sa Kanya. Hindi rin pumayag ang Diyos na mapahamak tayo dahil sa ating pagkawalay sa Kanya. Bagkus, hinubad ng Diyos ang Kanyang sarili, nagkatawang-tao, at namuhay bilang tao tulad natin (maliban sa kasalanan) sa pamamagitan ni Kristo Hesus. Sa pamamagitan ni Kristo Hesus, ipinakita at ipinadama sa makasalanang sangkatauhan ang walang hanggang Awa ng Diyos.
Kung si Hesus ay hindi nag-atubiling pumarito sa sanlibutan bilang Tagapagligtas natin, huwag tayong mag-atubiling lumapit sa Diyos. Hindi nag-atubili si Hesus sa pagpapakita at pagbabahagi ng Kanyang Awa sa sangkatauhan. Hindi nag-atubili si Hesus nang Siya'y naging tao katulad natin (maliban sa kasalanan) at nag-alay ng Kanyang buhay sa krus upang tayo'y tubusin. Huwag rin tayong mag-atubiling lumapit sa Panginoon upang hingin ang Kanyang Awa. Hinihintay tayo ng Panginoon na lumapit sa Kanya para humingi ng awa at kapatawaran mula sa Kanya. Ang Panginoon ay hindi mag-aatubili sa pagkakaloob ng Kanyang Awa sa sinumang lumalapit sa Kanya upang hingin ito para sa kanyang mga kasalanan.
Huwag tayong matakot lumapit sa Diyos. Huwag tayong mag-atubiling lumapit sa Diyos. Lumapit tayo sa Diyos at humingi ng awa at kapatawaran mula sa Kanya para sa mga kasalanang nagawa natin. Ang kagalakan ng Diyos ay magiging labis-labis kapag tayo ay nagsisi't tumalikod sa ating mga kasalanan at nagbalik-loob sa Kanya. Hindi Niya itatakwil o ipagkakaila ang sinumang makasalanang nagsisisi't nagbabalik-loob sa Kanya. Bagkus, tatanggapin muli ng Diyos at pagkakalooban ng Kanyang Awa ang sinumang makasalanang nagsisisi mula sa kanyang mga kasalanan at nagbabalik-loob sa Kanya.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento