18 Setyembre 2016
Ika-25 Linggo sa Karaniwang Panahon (K)
Amos 8, 4-7/Salmo 112/1 Timoteo 2, 1-8/Lucas 16, 1-13 (o kaya: 16, 10-13)
Ang mga Pagbasa ngayon ay tungkol sa katapatan sa Diyos. Nararapat lamang na maging tapat tayo sa Kanya. Sa Kanya nagmumula ang ating buhay at ang lahat ng bagay na nakikita at hindi nakikita. Dapat lang nating ibigay ang ating buong katapatan sa Diyos, na Siyang pinagmulan ng lahat.
Isinalarawan sa Unang Pagbasa ang mga bagay at gawaing di-kalugud-lugod sa paningin ng Diyos. Hindi Niya kinalulugdan ang mga umaapi sa mga dukha na walang kalaban-laban. Gagawin nila ang lahat para lang makamit ang lahat ng kayamanan at kapangyarihan sa mundo. Ginawa nilang diyos ang kapangyarihan at kayamanan. Ayaw na nilang bigyan ng panahon ang Panginoong Diyos. Ayaw nilang sumamba at magpasalamat sa Diyos. Nakakalimutan nilang nagmula sa Diyos ang lahat ng kayamanan at kapangyarihan dito sa daigdig.
Sa gayong paraan, nilabag nila ang Unang Utos sa Sampung Utos ng Diyos. "Ako ang Panginoon Mong Diyos, huwag kayong magkaroon ng ibang diyos maliban sa Akin." Ginawa nilang diyos-diyosan ang kayamanan at kapangyarihan. Pinagpalit nila ang tunay na Diyos - ang Panginoon. Ang gawaing ito ay kinasusuklaman ng Panginoong Diyos. Isa itong napakalaking kasalanan sa mga mata ng Panginoon. Para bang sinasabi nila, "Diyos, hindi Kita kailangan!" Hindi na umaasa sa Diyos, na Siyang pinagmulan ng lahat ng bagay.
Kung isinalarawan ng Unang Pagbasa ang kasuklam-suklam sa paningin ng Diyos, isinalarawan naman ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa mula sa kanyang unang sulat kay Timoteo ang kalugud-lugod sa paningin ng Diyos. Ang pag-abot ng mga panalangin at pasasalamat sa Dios. Kinalulugdan ng Diyos ang sinumang nananalangin at nagpapasalamat sa Kanya. Sa pamamagitan ng pananalangin at pagpapasalamat sa Diyos, Siya'y binibigyan ng papuri at parangal. Sinasamba ang Diyos sa pamamagitan ng pananalangin at pagpapasalamat sa Kanya. At higit sa lahat, ipinagmamalaki natin ang Panginoong Diyos bilang Diyos sa pamamagitan ng pag-abot ng ating mga panalangin at pasasalamat sa Kanya.
Sa Ebanghelyo, isinalarawan ng Panginoong Hesukristo sa pamamagitan ng isang talinghaga ang dahilan kung bakit hindi tayo maaaring maglingkod nang sabay sa dalawang panginoon. Hindi natin maaaring paglingkuran nang sabay ang Diyos at ang kayamanan. Kailangan nating pumili. Kailangan nating magpasiya kung sino ang ating paglilingkuran - ang Diyos o ang kayamanan. Isa lang ang dapat nating piliin. Hindi tayo maaaring maglingkod nang sabay sa dalawang ito.
Iyan ang pagkakamali ng katiwala sa talinghaga ni Hesus. Hindi siya naging tapat sa isa. Hindi siya pumili ng isa. Sinubukan niyang paglingkuran ang kanyang amo at ang kanyang kayamanan nang sabay. Hindi nagpasiya ang katiwala kung saan o kung kanino siya maglilingkod nang buong katapatan. Binalak ng katiwalang ito na maglingkod nang sabay sa kanyang amo at sa kanyang kayamanan.
Nakakalungkot, nangyayari rin ito sa totoong buhay. May mga bagay na ginagawa nating mga diyos-diyosan. May mga bagay tayong sinasamba, bukod pa sa Dios. Kayamanan, posisyon, kapangyarihan, karangalan, bisyo, at maraming iba pang kalokohan. Ang mga bagay na ito ay ginagawa nating sentro ng ating buhay. Akala mo naman hindi ka mabubuhay kung wala ang mga ito. Parang nakasalalay na sa mga bagay na ito ang ating buhay. Nakakalimutan natin ang Diyos sa ganitong paraan. At dahil nakalimutan natin ang Dios, sa iba na nakasentro ang buhay.
Ang Diyos ang pinagmumulan ng lahat ng bagay. Nagmula sa Kanya ang lahat ng yaman sa mundo. Ang ating buhay ay nagmula sa Kanya. Hiniram lang natin ang ating buhay at mga kayamanan mula sa Kanya. Kung hindi dahil sa Diyos, hindi tayo mabubuhay ngayon. Kaya nating mamuhay na hindi nagtataglay ng anumang kayamanan dito sa mundo. Subalit, hindi tayo mabubuhay kung wala ang Diyos. Mga alabok lamang tayo kung wala ang Diyos.
Kung pagpipilian tayo, kanino tayo maglilingkod? Kanino tayo magiging tapat? Mamili tayo ng isa - ang Diyos o ang kayamanan? Nawa'y piliin natin ang Diyos. Lagi nawa tayong maging tapat sa Diyos. Sapagkat Siya'y maawain, at sa Kanya nagmumula ang lahat ng bagay, lalung-lalo na ang ating buhay.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento