Linggo, Setyembre 4, 2016

PAGPASAN NG KRUS: PAGSUNOD SA KALOOBAN NG DIYOS

4 Setyembre 2016 
Ika-23 Linggo sa Karaniwang Panahon (K) 
Karunungan 9, 13-18b/Salmo 89/Filemon 9b-10. 12-17/Lucas 14, 25-33 



Sa pelikulang The Passion of the Christ, nagsalita ang Panginoong Hesus habang tinatanggap at niyayakap ang Kanyang krus. Ang Kanyang winika noong niyakap at tinanggap ang krus, "Ako'y Iyong lingkod, Ama." Ipinakita ng eksenang ito ang pagiging masunurin ni Kristo hanggang kamatayan. Ang Panginoon ay nanatiling masunurin sa kalooban ng Ama hanggang sa sandali ng Kanyang kamatayan sa krus, katulad ng sinabi ni Apostol San Pablo (Filipos 2, 6-11). 

Ang mga Pagbasa ngayon ay tungkol sa pagsunod sa kalooban ng Diyos. Bilang mga tunay na Kristiyano, kailangan nating sundin ang kalooban ng Diyos. Hindi sapat ang sumampalataya lamang tayo sa Maykapal. Kailangan nating tumalima at sumunod sa kalooban ng Poong Maykapal. 

Nagsimula ang Unang Pagbasa sa pamamagitan ng mga katanungang ito, "Sinong tao ang makatatarok ng kaisipan ng Diyos? Sino ang makaalam sa kalooban ng Panginoon?" (9, 13) Bilang tao, hindi natin kayang unawain nang sarilinan ang nasa isipan ng Diyos. Hindi natin matatanto agad-agad kung ano ang iniisip ng Diyos. Sino ang makababatid ng kalooban ng Diyos? Ang manunulat na rin mismo ang sumagot sa katanungang ito, "Malibang bigyan Mo siya ng iyong Karunungan, at lukuban ng inyong diwang banal mula sa kaitaasan." (9, 17) Mauunawaan natin ang kalooban ng Diyos kung hihilingin natin sa Kanya na ipagkaloob sa atin ang Kanyang banal na Karunungan. Ang banal na Karunungan ng Diyos ang gagabay sa atin upang maunawaan natin ang kalooban ng Diyos. 

Hiniling ni Apostol San Pablo kay Filemon sa Ikalawang Pagbasa na makipag-ayos kay Onesimo, ang kanyang dating alipin na naaakit sa pananampalataya sa tulong ng apostol. Hinihikayat ni Apostol San Pablo si Filemon na tanggapin si Onesimo bilang kapatid kay Kristo Hesus, katulad ng kanyang pagtanggap sa apostol. Hindi ito madali para kay Filemon, sapagkat hindi siya nakinabang kay Onesimo noong alipin pa siya. Subalit, kailangang gawin ito ni Filemon sapagkat ito'y kagustuhan ng Diyos. Hindi madaling sundin ang kalooban ng Diyos. Naranasan mismo ni San Pablo Apostol sa kanyang pagmimisyon ang mga paghihirap na kalakip ng pagsunod sa kalooban ng Diyos. Hindi siya tinanggap ng karamihan, marami ang magbabanta laban sa kanya, at hinatulan siya ng kamatayan. Subalit, tinanggap ni San Pablo Apostol bilang pagsunod at pagtalima sa kalooban ng Diyos. 

Sa Ebanghelyo, ipinahayag ni Hesus ang mga kundisyon ng pagiging tagasunod Niya. Kailangang pasanin ng bawat isa ang kanya-kanyang krus at sumunod sa Kanya. Hindi tayo maaaring maging tagasunod ng Panginoon kung hindi nating susundin ang Kanyang kagustuhan. Ang pagpasan ng mga sariling krus sa buhay ay tanda ng ating pagtalima at pagsunod sa kalooban ng Diyos. Kung hindi nating papasanin ang ating mga krus sa buhay, hindi tayo maaaring maging tagasunod ni Kristo. Kung hindi nating pahahalagahan at uunahin ang kalooban ng Diyos, hindi tayo kikilalanin bilang mga tagasunod ng Panginoon. 

Hindi madaling sumunod sa kalooban ng Diyos. Hindi magiging maginhawa ang ating buhay kapag sumunod tayo sa kalooban ng Diyos. Si Hesus nga mismo ay hindi naligtas mula sa paghihirap na kalakip ng pagsunod sa kalooban ng Ama. Kahit Siya ay Diyos, hindi Siya naging ligtas mula sa mga tukso at pagsubok sa buhay. Kahit sumunod Siya ng kalooban ng Ama, hindi naging maginhawa ang Kanyang buhay sa lupa. Tatlong ulit Siyang tinukso ni Satanas sa ilang. Nagdusa Siya sa Hetsemani bago Siya dinakip ng mga kawal na padala ng Sanedrin sa tulong ni Hudas Iskariote. Hinagupit, pinutungan ng koronang tinik, binugbog, pinasan ang krus, ipinako sa krus, at nilibak ng Kanyang mga kaaway. Subalit, tiniis ni Hesus ang lahat ng mga paghihirap bilang pagsunod at pagtalima sa kalooban ng Ama. Naging masunurin si Hesus sa kalooban ng Ama, kahit alam Niyang maraming pagpapakasakit ang kailangan Niyang danasin.  

Tulad ng Panginoong Hesus, kailangan nating pasanin ang sarili nating mga krus sa buhay. Pasanin natin ang mga ito bilang pagsunod at pagtalima sa kalooban ng Poong Diyos. Ang tunay na tagasunod ng Panginoon ay tumatalima at sumusunod sa Kanyang kalooban. Kung nais nating maging mga tunay na tagasunod ni Kristo, kailangan nating pasanin ang ating mga sariling krus sa buhay. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento