Kapistahan ng Pagtatampok sa Krus na Banal
Mga Bilang 21, 4b-9/Salmo 77/Filipos 2, 6-11/Juan 3, 13-17
courtesy: Mr. Noli Yamsuan (http://rcam.org/) |
Ilan sa mga dambanang dinadayo ng mga deboto at mananampalatayang Pilipino ay ang Quiapo, Antipolo, at Baclaran. Ang Quiapo ay dinadagsa dahil sa Mahal na Poong Jesus Nazareno. Ang Baclaran naman ay dinadagsa dahil sa Mahal na Ina ng Laging Saklolo. Ang Antipolo naman ay dinadagsa dahil sa Mahal na Birhen ng Antipolo, ang Mahal na Ina ng Kapayapaan at Mabuting Paglalakbay.
Karamihan sa mga pumupunta sa mga lugar na iyon ay may mga panalangin at kahilingan. Halimbawa, ang mga kukuha ng panglisensyadong pagsusulit, ang mga maysakit at karamdaman, ang mga manlalakbay, ang mga naghahanap ng trabaho, ang mga estudyante sa mataas na paaralan at kolehiyo, ang mga sawi sa pag-ibig, at marami pang iba. Lahat sila ay pumupunta sa mga lugar na ito upang hilingin sa Diyos na pakinggan at tuparin ang kanilang mga panalangin.
At kapag tinupad ng Diyos ang kanilang mga kahilingan, marami sa kanila ang bumabalik sa mga banal na lugar na iyon upang magpasalamat sa Kanya. Sila'y nagpapasalamat sa Dios sapagkat dininig Niya ang kanilang mga panalangin at kahilingan. Nagpapasalamat sila dahil ipinakita ng Diyos ang Kanyang Awa sa kanila. Nagpapasalamat din sila sa Mahal na Ina at ang mga santo at santa ng Simbahan. Pinasasalamatan din nila ang Mahal na Ina at ang mga santo at santa sapagkat sila'y tinulungan at sinamahan nila sa pananalangin sa Diyos upang matupad ang kani-kanilang mga panalangin at kahilingan. At doon nagsisimula ang kanilang pagdedebosyon sa Panginoon, sa Mahal na Ina, at sa mga banal.
Gaya ng tugon sa ating Salmo ngayon, hindi nila kinalimutan ang ginawa ng Diyos para sa kanila. Hindi nila kinalimutan ang Awa ng Diyos. Hindi nila kinalimutan ang kabutihan ng Diyos. Naalala nila ang kabutihan at Awa ng Diyos. Lumingon sila sa kanilang pinanggalingan - ang Diyos. Kung hindi dahil sa Diyos, hindi nila makakamit ang kanilang mga pangarap at mithiin. Ang Diyos ang dahilan kung bakit nakamit nila ang kanilang mga pangarap at mithiin sa buhay. Kaya, bilang pasasalamat sa Diyos, nagsisimba sila.
Ang mga Pagbasa ngayong Kapistahan ng Pagtatampok sa Krus na Banal ay isang pagtatampok sa mga dakilang Gawa ng Awa ng Diyos. Hindi natin mabibilang ang mga dakilang Gawa ng Awa na ginawa ng Diyos. Ang mga dakilang Gawa ng Awa ng Diyos ay hindi dapat makalimutan. Dapat alalahanin ang mga dakilang Gawa ng Awa ng Diyos. Maraming kahanga-hanga at dakilang bagay ang nagagawa ng Diyos dahil sa Kanyang Awa. Sapagkat ang Diyos ay puspos ng Awa. Ang Diyos ang pinagmulan at bukal ng Awa.
Sa Unang Pagbasa, iniligtas ng Diyos ang mga Israelita mula sa kamatayan. Sa pamamagitan ng ahas na gawa sa tanso, iniligtas ng Diyos ang bawat Israelitang natuklaw ng isang makamandag na ahas. Sa Ikalawang Pagbasa, isinalaysay ni Apostol San Pablo ang pinakadakilang Gawa ng Awa - hinubad ng Panginoong Hesukristo ang Kanyang pagka-Diyos, nagkatawang-tao, at namuhay bilang tao katulad natin (maliban sa kasalanan). At nang maging tao, inalay ni Hesus ang Kanyang sarili sa krus. Kaya, katulad ng sinabi ni San Pablo Apostol, itinampok Siya ng Diyos at binigyan ng pangalang higit sa lahat ng pangalan (2, 9). At sa Ebanghelyo, ipinahayag na itatampok si Kristo sa krus, katulad ng ahas na tanso sa ilang, upang magkaroon ng buhay ang sinumang sumasampalataya sa Kanya.
Gumawa ng maraming mga kahanga-hanga at dakilang bagay ang Diyos. Marami Siyang ginawang mga Gawa ng Awa. Subalit, ang pinakadakilang Gawa ng Awa na ginawa ng Diyos ay ang pag-aalay ng buhay ni Kristo Hesus sa krus. Itinampok ng Diyos ang Panginoong Hesus sa kahoy na krus upang ipamalas ang Kanyang Awa para sa sangkatauhan. Ang Panginoong Hesukristo na bugbog-sarado, dinudugo, nagdurusa, hinahamak at kinukutya ng mga tao habang nakabayubay sa krus, ay itinampok ng Diyos upang ipakita kung gaano kadakila ang Kanyang Awa.
Hindi dapat makalimutan ang Awa ng Diyos. Ito ang dahilan kung bakit tayo ay iniligtas mula sa kasamaan at kasalanan. Tinubos tayong lahat mula sa kasalanan dahil sa Awa ng Diyos. Pinalaya tayo mula sa mga tanikala ng kasalanan dahil sa Awa ng Diyos. Nagkaroon tayo ng katubusan at kalayaan dahil sa Awa ng Diyos. At ang pinakadakilang larawan ng Awa ng Diyos ay si Kristong nakapako sa krus.
Si Cardo ng teleseryeng Ang Probinsyano na ipinapalabas gabi-gabi mula Lunes hanggang Biyernes sa ABS-CBN, na mas kilala natin sa totoong buhay bilang si Coco Martin, ay deboto ng Poong Nazareno sa Quiapo. Ikinuwento niya sa isang panayam sa ABS-CBN na lagi siyang nagdadasal at nagsisimba sa Quiapo kasama ang kanyang lola noong bata pa siya. Pumunta siya sa Quiapo noong naghahanap siya ng trabaho. Nanalangin siya nang taimtim sa Mahal na Poong Nazareno na bigyan siya ng trabaho, kahit hindi na siya matulog. At dahil diyan, nakarating na siya sa kanyang kinaroroonan ngayon - isang masikat na artista na mapapanood gabi-gabi sa ABS-CBN. Subalit, kahit isa na siyang napakasikat na artista, patuloy pa rin siyang pumupunta sa Quiapo upang magdasal at magpasalamat sa Mahal na Poong Nazareno. Katulad ng ibang mga deboto, hindi nakakalimutan ni Coco Martin ang Mahal na Poong Nazareno.
Kung ang mga masisikat na artista katulad ni Coco Martin ay hindi nakakalimot sa Panginoon, tayo pa kaya? Naaalala pa ba natin ang Diyos?
Huwag nating kalimutan ang Diyos. Huwag nating kalimutan ang Kanyang Awa. Huwag nating kalimutan ang awang ipinamalas sa atin ng Diyos sa pamamagitan ng krus ni Hesus. Alalahanin natin ang ginawang pag-aalay ng buhay ni Hesus sa krus upang ipamalas sa atin ang Awa ng Diyos. Itinampok si Hesus sa krus upang ipamalas sa atin ang Awa ng Diyos na napakadakila at kahanga-hanga.
Salamat, O Hesus, sa pagpapamalas ng walang hanggang Awa ng Diyos sa pamamagitan ng Iyong pagpapakasakit at pagkamatay sa krus. Salamat at itinampok Mo ang Iyong sarili sa krus upang mamulat ang aming mga mata sa kadakilaan ng Awa ng Diyos. Amen.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento