Lunes, Setyembre 12, 2016

MARIA: PATULOY NA NANALIG SA AWA NG DIYOS SA GITNA NG PAGDADALAMHATI

15 Setyembre 2016 
Paggunita sa Mahal na Birheng Maria na Nagdadalamhati 
Hebreo 5, 7-9/Salmo 30/Juan 19, 25-27 (o kaya: Lucas 2, 33-35) 



Bago ang Aleluya at Mabuting Balita, ipinahayag o inawit ang Stabat Mater, ang Awit tungkol sa Mabuting Balita (Sequencia). Ang pagdadalamhati ng Mahal na Birheng Maria habang nasa paanan ng krus ng Panginoong Hesus ay isinalarawan sa awiting ito. Labis na nasugatan ang puso ng Mahal na Inang si Maria habang pinagmamasdan ang kanyang Anak na si Hesus na nagdurusa at unti-unting nawawalan ng buhay sa krus. Tumutulo ang luha ng Mahal na Birheng Maria habang pinagmamasdan ang Panginoong Hesukristo na nakabayubay sa krus. 

Nakasulat sa Ebanghelyo ngayon na si Maria ay nakatayo sa paanan ng krus ni Hesus. Kahit nagdadalamhati, kahit puspos ng kapighatian ang kanyang puso, nakatayo pa rin si Maria. Kahit napapaluha at napapatangis si Maria dahil sa kanyang pinagmamasdan, nakatinding pa rin siya sa paanan ng krus ni Hesus. Ang Mahal na Birheng Maria ay nakatindig sa paanan ng krus ni Kristo Hesus, sa gitna ng pagdadalamhati at kapighatian, sa gitna ng mga pagsubok sa buhay. 

Ano ang ipinakita ng Mahal na Ina noong siya'y nakatindig sa paanan ng krus ng Panginoon? Nagpakita ng matatag na pananalig ang Mahal na Ina noong siya'y tumindig sa paanan ng krus. Kahit nagdadalamhati, ang Mahal na Inang si Maria ay tumindig sa paanan ng krus ng Panginoong Hesus. Kahit napupuspos siya ng hapis, sakit, at kapighatian sa mga sandaling iyon, tumindig ang Mahal na Ina. Sa gitna ng sandaling iyon na puno ng kadiliman, ang Mahal na Ina ay nagpakita ng katatagan ng pananalig sa Awa ng Diyos sa pamamagitan ng pagtayo sa paanan ng krus ni Kristo, kahit nagdadalamhati at nagdurusang kasama Niya. 

Kadalasan, kapag hinaharap natin ang mga pagsubok sa buhay, nanghihina ang ating pananalig sa Diyos. Tinatanong natin kung nasaan ang Diyos sa mga oras ng pangangailangan. Lagi nating tinatanong kung bakit wala ang Diyos sa mga oras kung kailan kailangan natin Siya. Nanghihina ang ating tiwala sa Diyos. Parang gusto na nating sa ating mahinang pananalig sa Diyos. Mahirap nang manalig sa Diyos sa mga sandaling iyon. Hindi na natin alam kung sino ang dapat nating pagkatiwalaan. Hindi na natin alam kung saan o kanino tayo kakapit. Hindi na natin alam kung dapat nating pagkatiwalaan ang Diyos. Hindi na natin alam kung dapat ba tayong kumapit sa Poong Maykapal. 

Ang Mahal na Birheng Maria, habang nakatindig sa paanan ng krus ni Hesus, ay hindi nawalan ng pananalig sa Awa ng Diyos. Buo ang pananalig ng Birheng Maria sa Awa ng Diyos. Nanalig si Maria na magtatagumpay ang Awa ng Diyos. Nanalig si Maria sa plano ng Awa ng Diyos. Nanalig si Maria sa kapangyarihan ng Awa ng Diyos. Nanalig si Maria na hindi pa kumpleto ang pinakadakilang Gawa ng Awa ng Diyos. Nanalig si Maria na ang kamatayan ni Hesus sa krus ay hindi katapusan ng lahat. Nanalig si Maria na ang kanyang pagdadalamhati dahil sa pagpapakasakit at pagkamatay ni Hesus sa krus ay hindi magtatagal. Nanalig si Maria na muling mabubuhay si Hesus sa ikatlong araw. Nanalig si Maria na ang kanyang pagtangis ay mapapawi sa pamamagitan ng Muling Pagkabuhay ni Hesus. 

Tularan natin ang halimbawa ng ating Mahal na Inang si Maria. Ibinahagi siya sa atin ng Poong Hesus habang nakabayubay sa krus bilang ating Ina at huwaran ng pananalig sa Maykapal, sa gitna ng mga pagsubok sa buhay. Itinuro siya ni Hesus na Poong Mahal sa ating lahat, mga kinatawan ni Apostol San Juan. Utos sa atin ng ating Manunubos at Poong si Hesus habang nakabayubay sa krus, "Narito ang iyong Ina!" (19, 27) Parang sinasabi sa atin ni Hesus, "Ang Aking Inang si Maria ay ibinabahagi Ko sa inyo bilang inyo ring ina at huwaran. Tularan ninyo siya. Tularan ninyo ang kanyang pananalig sa Aking Awa." 

Tularan natin ang Mahal na Inang si Maria na Nagdadalamhati. Nanalig ang ating Inang si Maria sa Awa ng Diyos, kahit siya'y tigib ng luha at hapis sa pagpanaw ng kanyang Anak na sinisinta sa krus ng Kalbaryo. Manalig din nawa tayo sa Awa ng Diyos, kahit nasa gitna ng mga madidilim na sandali ng buhay, katulad ng ating Mahal na Ina ng Hapis, ang Mahal na Birheng Maria. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento