Lunes, Setyembre 5, 2016

MARIA: ISINILANG NA PUNO NG GRASYA AT AWA NG DIYOS

8 Setyembre 2016 
Kapistahan ng Pagsilang ng Mahal na Birheng Maria 
Mikas 3, 1-4a/Salmo 12/Mateo 1, 1-16. 18-23 (o kaya: 1, 18-23) 



Siyam na buwan matapos ang Kalinis-linisang Paglilihi sa kanya, ang Mahal na Birheng Maria ay iniluwal mula sa sinapupunan ng kanyang inang si Santa Ana. Isinilang ang Mahal na Birheng Maria sa daigdig na walang bahid ng kasalanang mana. Ito ay dahil sa awang ipinakita sa kanya ng Diyos noong Siya'y ipinaglihi ng kanyang inang si Santa Ana. Kaya, noong isinilang ang Mahal na Ina sa mundong ibabaw, siya'y napuno ng grasya at Awa ng Diyos. 

Ipinahintulot ng Diyos na mapuspos ng Kanyang grasya at Awa si Maria sapagkat hinirang Niya si Maria upang maging ina ni Kristo. Unang naranasan ng Mahal na Ina ang grasya at Awa ng Diyos sa sinapupunan ni Santa Ana. Dahil sa grasya at Awa ng Diyos, siya'y iniligtas ng Diyos mula sa dungis ng kasalanan. Si Kristo ay malinis at walang bahid ng kasalanan. Kaya, kinakailangang maging malinis ang magdadala sa Kanya. Dahil pinili ng Diyos ang Birheng Maria upang maging ina ni Kristo Hesus, iniligtas Niya ang Mahal na Birhen mula sa bahid ng kasalanang mana bago pa siya iluwal ng kanyang inang si Santa Ana. 

Ang Mahal na Birheng Maria ang babaeng itinutukoy ni propeta Mikas sa Unang Pagbasa. Isang babae ang magluluwal ng isang sanggol na nakatakdang maging hari. Natupad ang propesiyang ito noong ipinaglihi at iniluwal ang Hari ng mga Hari na si Kristo mula sa sinapupunan ng Mahal na Birhen. 

Isinalaysay sa Ebanghelyo ang mga kaganapan noong ipinaglihi at iniluwal ni Maria si Hesus. Bago iluwal ni Maria si Hesus mula sa kanyang sinapupunan, nasangkot siya sa isang napakalaking kontrobersya. Natagpuan siyang buntis, nagdadalantao, sa labas ng kasal. Bago pa siya ikasal kay San Jose, ang Mahal na Birheng Maria ay natagpuang nagdadalantao. Isang napakalaking iskandalo ito noong kapanahunang iyon. Ang mga sangkot sa iskandalong ito ay tatanggap ng isang napakabigat na kaparusahan. Parurusahan ng kamatayan ang mga taong nahuli sa akto ng pakikiapid noong kapanahunang iyon. 

Subalit, naligtas si Maria mula sa panganib dahil sa grasya at Awa ng Diyos. Ang Diyos ay nagpasugo ng anghel upang magpakita kay San Jose sa pamamagitan ng panaginip. Nagpakita sa panaginip ni Jose ang isang anghel ng Panginoon upang ipahayag sa kanya ang kalooban ng Diyos. Ipinaliwanag ng anghel na nagpakita sa panaginip ni Jose na ang sanggol na dinadala ni Maria sa kanyang sinapupunan ay hindi bunga ng pakikiapid. Bagkus, si Maria ay nagdadalantao dahil niloob ng Diyos. Nagdalantao si Maria dahil ito'y kalooban ng Diyos. At ang sanggol na nasa sinapupunan ni Maria ay si Hesus, ang Anak ng Diyos na nagkatawang-tao. 

Hindi pinabayaan ng Diyos na mapahamak ang Mahal na Birheng Maria. Hindi pinabayaan ng Diyos ang Mahal na Birheng Maria sa oras ng pangangailangan. Nang dumating ang oras ng pangangailangan, ang Diyos ay sumaklolo sa Mahal na Ina. Ang Diyos ang naging tagapagtanggol at sanggalang ng Mahal na Inang si Maria sa oras ng matinding pangangailangan. Hindi kinalimutan o pinabayaan ng Diyos ang Mahal na Birhen. Lagi Niyang inaalala ang Mahal na Inang si Maria, ang Kanyang hinirang upang maging ina ng Panginoong Hesukristo. 

Kung paanong iniligtas ng Diyos ang Mahal na Birheng Maria mula sa bahid ng kasalanang mana bago siya isilang, gayon din naman, iniligtas siya ng Diyos mula sa kapahamakan at kamatayan sa lupa. Naranasan ng Mahal na Birheng Maria ang pagliligtas ng Diyos sa bawat sandali ng kanyang buhay dito sa lupa. 

Sa araw ng Kapistahan ng Pagsilang ng Mahal na Birheng Maria, alalahanin natin ang grasya at Awa ng Diyos. Ito ang dahilan kung bakit naging malinis at kalugud-lugod ang Mahal na Inang si Maria sa paningin ng Diyos. Naranasan ni Maria ang grasya at Awa ng Diyos sa bawat sandali ng kanyang buhay. Mula noong ipinaglihi siya sa sinapupunan ng kanyang inang si Santa Ana hanggang sa huling sandali ng kanyang buhay sa daigdig, ang grasya at Awa ng Diyos ay laging naranasan ni Maria. At ang grasya at Awa ng Diyos ang dahilan kung bakit isinilang ang Mahal na Inang si Maria na malinis at kalugud-lugod sa paningin ng Diyos. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento