Linggo, Agosto 28, 2016

KINALULUGDAN AT PINAGPAPALA NG DIYOS ANG MGA MAPAGPAKUMBABA

28 Agosto 2016 
Ika-22 Linggo sa Karaniwang Panahon (K) 
Sirak 3, 19-21. 30-31 (gr. 17-18. 20. 28-29)/Salmo 67/Hebreo 12, 18-19. 22-24a/Lucas 14, 1. 7-14 



Sa Unang Pagbasa, ipinahayag ni Sirak na ang kapakumbabaan ay kalugud-lugod sa paningin ng Diyos. Kinalulugdan ng Diyos ang mga mababang-loob. Ang Diyos ay malapit sa mga taong mapagpakumbaba. Ang mga taong mapagpakumbaba ay kalugud-lugod sa paningin ng Diyos. Ang Diyos ay labis na nasisiyahan sa tuwing nakakakita Siya ng mga taong nagpapakumbaba. 

Bakit kinalulugdan ng Diyos ang mga mapagpakumbaba? Bakit mas malapit Siya sa mga taong may kababaan ng loob? Ayon sa abad at pantas ng Simbahan na si San Bernardo, ang pagpapakumbaba ay isang birtud na kung saan hinahamak ng isang tao ang kanyang sarili dahil nakikilala niya ang kanyang tunay na sarili. Sa ibang salita, pagpapakatotoo. Ang pagpapakumbaba ay pagpapakatotoo sa ating tunay na pagkatao. Nababatid natin na bilang tao, hindi tayo malakas sa lahat ng oras. May mga pagkakataong tayo ay mahina. May mga pagkakataong kailangan nating humingi ng tulong mula sa kapwa. Higit sa lahat, may mga pagkakataong kailangan nating humingi ng saklolo mula sa Poong Maykapal. 

Kapag tayo ay nagpapakumbaba, hindi natin nakakalimutan ang Diyos. Kaya, mas malapit ang Diyos sa mga taong may kababaan ng loob. Kinalulugdan ng Poon ang mga mapagpakumbaba. Naaalala at ipinagmamalaki ng mga mapagpakumbaba ang Diyos. Binibigyan natin ng papuri at karangalan ang Diyos kapag inaalala at ipinagmamalaki natin Siya sa pamamagitan ng pagiging mapagpakumbaba. 

Kapag tayo ay nagpapakumbaba, ayon sa Ikalawang Pagbasa, tayo ay makakalapit sa Diyos. Mas magiging malapit ang ating puso't kalooban sa Diyos. Mas lalo tayo magiging malapit sa Diyos kung tayo ay magpapakumbaba. Sapagkat ang Diyos na ating nilalapitan ay ang Diyos na malapit sa mga may kababaan ng loob. 

Ang kabaligtaran ng pagpapakumbaba ay ang pagmamataas (kayabangan). Kung ang kapakumbabaan ay kalugud-lugod sa paningin ng Panginoon, ang kayabangan ay kasuklam-suklam sa Kanyang paningin. Para sa Panginoon, ang pagmamataas ay nakakasuka. Kapag ang isang tao ay nagmataas, nakakalimutan niya ang lahat ng mga tumulong sa kanya. Pati nga ang Diyos, nakakalimutan. Mataas ang tingin sa sarili, pero kung umasal, akala mo naman walang katapat. Katunayan, may mga ibang tao na matagumpay sa buhay, pero hindi naman ganyan umasal. 

Isang napakalaking kasalanan sa paningin ng Diyos ang pagmamataas. Kasuklam-suklam sa paningin ng Diyos ang kayabangan. Kinasusuklaman ng Diyos ang mga mapagmataas. Hindi makakabahagi sa Panginoon ang mga mapagmataas. 

Kung ang mga mapagmataas ay hindi makakatanggap ng pagpapala at gantimpala mula sa Panginoon, ang mga mapagpakumbaba ay makakatanggap ng pagpapala at gantimpala mula sa Kanya. Ang Panginoon ay may inilaang gantimpala para sa mga mapagpakumbaba. May gantimpalang inihanda ang Panginoon para sa mga mapagpakumbaba. Isinalarawan sa Ebanghelyo ang pagpapala at gantimpalang ipagkakaloob ng Diyos sa mga mapagpakumbaba. 

Sa Ebanghelyo, isinalarawan ni Hesus sa pamamagitan ng isang talinghaga ang pagpapala at gantimpalang ipagkakaloob sa mga mapagpakumbaba. Itataas ng Diyos ang mga maamo at may kababaan ng loob. Ang Diyos ang magbibigay ng karangalan sa mga maamo at may kababaan ng loob bilang pagganti sa kanilang paggawa ng kabutihan. Pagpapalain at gagantimpalaan ng Diyos ang mga may kaamuan at kababaan ng loob. May mga inilaang pagpapala at gantimpala ang Diyos para sa mga maamo at may kababaan ng loob. 

Naranasan ng Mahal na Birheng Maria ang pagpapala at gantimpala ng Diyos para sa mga may kaamuan at kababaan ng loob. Kahit iniligtas siya ng Diyos bago siya isilang, kahit hinirang siya ng Diyos upang maging ina ni Kristo, hindi nagmataas si Maria kahit kailan. Bagkus, nanatili ang kaamuan at kababaan ng loob ng Mahal na Birheng Maria. Noong nagwakas ang kanyang buhay sa lupa, iniakyat sa langit ang katawan at kaluluwa ng Mahal na Inang si Maria nang buong-buo. Ipinahayag ng Mahal na Ina sa kanyang awit ng pagpupuri, "Itinaas (ng Diyos) ang mga nasa abang kalagayan." (Lucas 1, 52b)  Mula sa kanyang abang kalagayan, si Maria ay itinaas ng Diyos. Iniakyat ng Diyos ang Mahal na Ina sa langit nang buong-buo, katawan at kaluluwa, noong nagwakas ang kanyang buhay sa lupa. 

Ang mga mapagpakumbaba ay kinalulugdan at pinagpapala ng Diyos. Kung nais nating maranasan ang kaluguran at pagpapala ng Poong Diyos, magpakumbaba tayo. Magkaroon nawa tayo ng kaamuan at kababaan ng loob upang maranasan natin ang kaluguran at pagpapala ng Panginoon. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento