7 Agosto 2016
Ika-19 na Linggo sa Karaniwang Panahon (K)
Karunungan 18, 6-9/Salmo 32/Hebreo 11, 1-2. 8-19 (o kaya: 11, 1-2. 8-12)/Lucas 12, 32-48 (o kaya: 12, 35-40)
Magtiwala sa Panginoon. Ito ang tema ng mga Pagbasa ngayon. Para sa ating lahat na sumasampalataya sa Panginoon, hinahamon tayo ng mga Pagbasa ngayon na palalimin pa natin ang ating pagtitiwala sa Kanya. Napakahalaga sa ating buhay-espiritwal ang pananalig sa Panginoon. Hindi sapat ang sumampalataya lamang tayo sa Kanya. Walang kabuluhan ang ating pananampalataya sa Diyos kung wala naman tayong tiwala sa Kanya. Kailangan din nating magkaroon ng pananalig sa Diyos. Magkarugtong ang pananampalataya at pananalig sa Diyos. Hindi natin maaaring paghiwalayin ang dalawang ito dahil sa kanilang ugnayan sa isa't isa.
Ang Unang Pagbasa ay tungkol sa gabi ng pagliligtas ng Diyos. Ililigtas ng Diyos ang Kanyang bayan mula sa mga kaaway nito. Sa mata ng mga kaaway ng bayan ng Diyos, ang gabing iyon ay isang gabi ng lagim. Katakut-takot ang mangyayari sa kanila sa gabing iyon. Parurusahan sila ng Panginoong Diyos dahil sa kanilang kasamaan. Subalit, ang mga matutuwid, ang mga kabilang sa bayan ng Diyos, ay maliligtas. Sa kanilang mga mata, ang gabing iyon ay isang gabi ng kaluwalhatian at kaligtasan. Nanalig sila na ang Panginoong Diyos ang kanilang Tagapagligtas. Nanalig sila na ililigtas sila ng Panginoon mula sa kanilang mga kaaway. Dahil sa kanilang pananalig, natupad ang kanilang kahilingan sa Diyos. Iniligtas ng Diyos ang Kanyang bayan mula sa mga kaaway nito.
Isinilaysay sa Ikalawang Pagbasa kung paanong ginantimpalaan ng Diyos sina Abraham at Sara dahil sa kanilang pananalig. Ipinagkalooban Niya ng anak sina Abraham at Sara - si Isaac. Sa kabila ng kanilang katandaan, nagkaroon ng anak sina Abraham at Sara. Nangako rin ang Diyos kay Abraham na siya'y magiging ama ng maraming mga bansa. Sa kanya magmumula ang isang lahing kasindami ng mga bituin sa langit at mga buhangin sa dalampasigan. Pinagpala ng Diyos ang mag-asawang sina Abraham at Sara dahil sa kanilang pananalig.
Sa Ebanghelyo, si Hesus ay gumamit ng talinghaga sa Kanyang pagtuturo upang ipakita ang kahalagahan ng pananalig sa Diyos. Ang unang talinghagang ginamit ni Hesus ay ang talinghaga ng mga alipin. Ang mga alipin ay naghanda para sa pagbalik ng kanilang amo. Ang pangalawang talinghagang ginamit ni Hesus ay ang talinghaga ng puno ng sambahayan. Hindi siya nag-abala o naghanda para sa pagdating ng magnanakaw. Pinabayaan niya na mapasukan ng mga magnanakaw ang kanyang tahanan. Dahil diyan, ninakaw ang lahat ng kanyang ari-arian. Wala ni isa man sa kanyang mga kayamanan ang natira.
Sa unang talinghaga, ang mga alipin ay naghanda para sa pagdating ng kanilang amo bilang pagsunod sa kanyang kalooban. Ipinapakita ng mga aliping ito ang kanilang tiwala at pananalig sa kanilang amo. Nanalig silang babalik ang kanilang amo pagkatapos ng kasalan. Puspusan silang maghahanda para sa pagdating ng kanilang amo. Pag-iigihan nila ang kanilang paghahanda. Nanalig silang maaaring dumating ang kanilang amo kahit anong oras, lalo na sa oras na hindi inaasahan. Alam nilang hindi magtatagal at uuwi rin ang kanilang amo.
Sa pangalawang talinghaga, hindi nanalig ang puno ng sambahayan sa balitang may magnanakaw na maaaring dumating sa kanilang barangay. Pinabayaan na lamang niyang mapasukan ng magnanakaw ang kanyang tahanan. Hindi siya nagtiwala o nanalig sa mga kumakalat na balita at babala laban sa magnanakaw. Hindi siya nanalig na malaki ang posibilidad na may magaganap na pagnanakaw sa kanilang barangay. Ang puno ng sambahayan ay hindi naghanda o nag-abala. Hindi niya pinansin ang mga ito. Bagkus, sinalungat niya ang mga balitang ito. Sa bandang huli, pinagbayaran niya ang kanyang mga ginawa dahil ninakawan ang kanyang tahanan sa oras na di-inaasahan.
Tayong lahat ay binibigyan ng pagkakataong palalimin pa ang ating pananalig sa Diyos. Huwag nating sayangin ito. Isang napakagandang pagkakataon ito upang lalo pang tumibay pa ang ating ugnayan sa Panginoon. Mas lalo tayong magiging malapit sa Poong Maykapal kung mas lalo pa nating palalalimin ang ating tiwala at pananalig sa Kanya. Huwag nating sayangin ang pagkakataong palalimin pa ang ating pananalig sa Diyos. Hayaan nating mas lumalim pa ang ating pananalig sa Diyos upang mas lalo tayong magiging malapit sa Kanya.
Gaano ba kalalim ang ating pananalig sa Poong Diyos? Gaano ba katibay ang ating tiwala sa Panginoon? Suriin natin ang ating sarili, at hayaan nating mas lalo pang lumalim ang ating pananalig sa Diyos. Kapag hinayaan nating lumalim ang ating pananalig sa Diyos, mas lalo tayong mapapalapit sa Kanya.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento