Sabado, Agosto 6, 2016

ANG KALUWALHATIAN NG DIYOS

6 Agosto 2016 
Kapistahan ng Pagliliwanag sa Bagong Anyo ng Panginoon (K) 
Daniel 7, 9-10. 13-14/Salmo 96/2 Pedro 1, 16-19/Lucas 9, 28b-36 


Isang napakahalagang sandali sa buhay ni Hesus ay ang Pagbabagong-Anyo sa Bundok ng Tabor. Ang Pagbabagong-Anyo ng Panginoong Hesukristo ay isang pagsulyap sa kaluwalhatian ng Awa ng Diyos. Ipinasulyap ng Mukha ng Awa ng Ama na si Hesus ang kaluwalhatian na Kanyang makakamit sa pamamagitan ng Kanyang kamatayan sa krus at Muling Pagkabuhay. Ipinasulyap ng Panginoong Hesus ang magiging kalalabasan ng Kanyang pagtanggap sa kalooban ng Ama, ang Kanyang misyon. Kapag natupad na ang lahat ng mga kailangang mangyari sa bandang huli, magtatagumpay si Hesus. Hindi mabibigo si Hesus sa Kanyang misyon. Sa kahuli-huliha'y makakamit ni Hesus ang tagumpay at kaluwalhatian. 

Ang mga Pagbasa ngayon ay tungkol sa kaluwalhatian ng Diyos. Isinalaysay ng mga manunulat ng mga Pagbasa ngayon ang ilang mga sandaling ipinasulyap ng Diyos ang Kanyang kaluwalhatian. Ipinapasulyap sa atin ng Diyos ang Kanyang kaluwalhatian upang palakasin ang ating pananalig sa Kanya. Nalalaman ng Diyos na may mga pagkakataong nasusubukan ang ating pananalig sa Kanya. Sa mga sandaling iyon, ipinapasulyap ng Panginoon sa atin ang Kanyang kaluwalhatian. Sa tulong nito, mapapalakas ang ating kalooban at pananalig sa Kanya. 

Sa Unang Pagbasa, nagkaroon ng isang pangitain si propeta Daniel. Namalas niya ang kadakilaan ng isang nabubuhay magpakilanman. Siya'y nakasuot ng puti at nakaupo sa isang tronong nagniningning. Nasa kanya ang lahat ng mga katangian ng isang hari at hukom. Pinaglilingkuran siya ng mga tao mula sa iba't ibang lipi, bayan, at bansa. Sino ang misteryosong taong nasa pangitain ni propeta Daniel? Siya'y walang iba kundi ang Panginoon. Ipinasulyap ng Panginoon kay propeta Daniel sa isang pangitain ang Kanyang kaluwalhatiang walang hanggan. 

Ibinahagi ni Apostol San Pedro ang kanyang karanasan sa Bundok ng Tabor sa Ikalawang Pagbasa. Si San Pedro Apostol ay isa sa mga tatlong alagad na isinama ng Panginoong Hesus sa bundok. Ang magkapatid na sina Apostol Santiago at San Juan ay nandoon din kasama nina Hesus at Pedro sa bundok. Nakita nilang tatlo ang Panginoong Hesus na nagbagong-anyo sa kanilang piling. Nakita nila si Hesus taglay ang Kanyang buong kaningningan at kaluwalhatian. Narinig din ng tatlong alagad ang tinig ng Ama mula sa langit. Ipinakilala at ipinagmalaki ng Ama mula sa langit ang Kanyang Bugtong na Anak na minamahal. 

Halos walang pinagkaiba ang Ikalawang Pagbasa at Ebanghelyo para sa araw na ito. Ang pinagkaiba lamang ng Ikalawang Pagbasa at Ebanghelyo ay ang nagsulat nito. Magkaiba ang manunulat ng Ikalawang Pagbasa at Ebanghelyo. Subalit, iisa lamang ang nais pagtuunan ng pansin ng mga manunulat ng Ikalawang Pagbasa at Ebanghelyo para sa araw na ito - ang Pagbabagong-Anyo ng Poong Hesus. 

Sa Ebanghelyo, nagbagong-anyo si Hesus matapos manalangin nang mataimtim sa Ama. Nasaksihan ng tatlong alagad na kasama Niya sa bundok ang Kanyang pagbabagong-anyo. Namalas nila ang kaningningan at kaluwalhatiang tinaglay ni Kristo. Nakita rin nila ang dalawang dakilang panauhin mula sa Lumang Tipan na sina Moises at Elias na nakikipag-usap sa Panginoon. Narinig din nila ang tinig ng Amang nagsasalita mula sa langit. Maraming nasaksihan ang mga alagad noong kapiling nila ang Panginoong Hesus sa bundok.

Napakahalaga ang ipinasulyap ng Panginoong Hesus sa Kanyang Pagbabagong-Anyo. Sa Kanyang Pagbabagong-Anyo, ipinamalas ni Hesus ang kaluwalhatian at tagumpay na makakamit Niya sa pamamagitan ng Kanyang kamatayan sa krus at Muling Pagkabuhay. Ipinasulyap ng Panginoong Hesukristo ang kaluwalhatian at tagumpay upang palakasin ang loob ng tanan. Tinitiyak ni Hesus sa lahat na hindi mauuwi sa kabiguan at kamatayan ang Kanyang pagpapakasakit at pagkamatay sa krus. Bagkus, magtatagumpay Siya sa pamamagitan ng Kanyang krus at Muling Pagkabuhay. Ang krus at Muling Pagkabuhay ni Kristo ay magiging daan tungo sa tagumpay at kaluwalhatiang walang hanggan. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento