Linggo, Agosto 14, 2016

PAG-AAKYAT SA LANGIT SA MAHAL NA BIRHENG MARIA: GAWA NG AWA NG DIYOS

15 Agosto 2016
Pagmimisa sa Araw ng Dakilang Kapistahan ng Pag-Aakyat sa Langit sa Mahal na Birheng Maria 
Pahayag 11, 19a; 12, 1-6a. 10ab/Salmo 44/1 Corinto 15, 20-27/Lucas 1, 39-45 



Ang Pag-Aakyat sa Langit sa Mahal na Birheng Maria ay isa sa apat na dogma ng Simbahan patungkol sa Mahal na Ina. Ayon sa Katesismo ng Simbahan, ang Pag-Aakyat sa Langit sa Mahal na Birheng Maria ang hudyat ng katapusan ng buhay ng kanyang buhay sa lupa. Nang dumating ang wakas ng kanyang buhay sa lupa, ang katawan at kaluluwa ng Mahal na Birheng Maria ay iniakyat sa langit nang buong-buo. Muling naramdaman ng Mahal na Birheng Maria ang Awa ng Diyos, kahit sa huling sandali ng kanyang buhay sa daigdig. 

Katulad ng ipinahihiwatig ng iba pang mga dogma patungkol sa Mahal na Birhen, ang Awa ng Diyos ay kumilos noong iniakyat ang Mahal na Birhen sa langit. Ang Pag-Aakyat sa Langit sa Mahal na Birheng Maria ay isang gawa ng Awa ng Diyos. Iniakyat ang Mahal na Birheng Maria sa langit sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Awa ng Diyos. Sa pamamagitan ng pag-akyat sa Mahal na Birheng Maria sa langit, muling ipinamalas ng Diyos ang kapangyarihan ng Kanyang Awa. 

Sa Ebanghelyo, ipinahayag ng Mahal na Birheng Maria sa kanyang awit, "At mula ngayon, ako'y tatawaging mapalad ng lahat ng salinlahi dahil sa mga dakilang bagay na ginawa sa akin ng Makapangyarihan - Banal ang Kanyang Pangalan!" (1, 48b-49) Ang pahayag na ito ay isang patotoo ng Mahal na Birheng Maria tungkol sa pagkilos ng Awa ng Diyos sa kanyang buhay. Si Maria ay naging saksi ng Awa ng Diyos sa kabuuan ng kanyang buhay sapagkat araw-araw niyang nasaksihan ang pagkilos ng Awa ng Diyos sa kanyang buhay. 

Walang sawa ang ginawa ng Diyos para sa Mahal na Ina. Ang Diyos ay hindi nagsawa sa pagpapamalas ng Kanyang Awa sa Mahal na Ina. Hindi tumigil ang Diyos sa pagpapadama ng Kanyang Awa kay Maria. Ang Diyos ay gumawa ng maraming kahanga-hangang bagay para kay Maria upang ipakita at ipadama sa kanya ang Kanyang Awa. Ipinamalas at ipinadama ng Diyos sa Mahal na Birhen ang Kanyang Awa sapagkat siya'y naging kalugud-lugod sa Kanyang paningin. 

Paano naging kalugud-lugod si Maria sa paningin ng Diyos? Ang kanyang kamag-anak na si Elisabet ang sumagot sa katanungang ito, "Mapalad ka sapagkat nanalig kang matutupad ang ipinasabi sa iyo ng Panginoon!" (1, 45) Nanalig si Maria sa Diyos na Siya ring nagligtas sa kanya noong siya'y ipinaglihi sa sinapupunan ng kanyang inang si Santa Ana. Buong pananalig na tumalima at tumupad si Maria sa Salita ng Diyos na ipinahayag sa kanya. Ibinigay ng Mahal na Birheng Maria ang kanyang buong pusong pananalig sa Awa ng Diyos. 

Dahil naging kalugud-lugod ang Mahal na Birheng Maria sa paningin ng Diyos, hindi Niya pinahintulutang mabulok sa libingan ang Mahal na Birheng Maria. Hindi hinayaan ng Diyos na mabulok sa lupa ang katawan ni Maria. Kaya, nang dumating ang huling sandali ng Mahal na Ina sa lupa, iniakyat ng Diyos nang buong-buo ang kanyang katawan at kaluluwa sa langit. Kung paanong iniligtas ng Diyos ang Mahal na Birheng Maria mula sa bahid ng kasalanang mana bago siya ipaglihi ni Santa Ana, gayon din naman, iniligtas ng Diyos ang Mahal na Birheng Maria mula sa pagkabulok sa libingan.

Ang Pag-Aakyat sa Langit sa Mahal na Birheng Maria ay isang Gawa ng Awa ng Diyos. Muling kumilos ang Awa ng Diyos para sa Mahal na Birheng Maria noong iniakyat siya sa langit sa katapusan ng kanyang buhay sa lupa. Ang Mahal na Ina ay iniakyat sa langit dahil sa Awa ng Diyos. Kumilos ang Awa ng Diyos sa kabuuan ng buhay ni Maria dahil sa kanyang buong pusong pananalig. Ibinigay ng Birheng Maria ang kanyang buong pusong pagtitiwala sa Awa ng Diyos hanggang sa huling sandali ng kanyang buhay sa lupa. Nang sumapit ang huling sandali ni Maria sa lupa, iniakyat siya ng Diyos sa langit nang buong-buo, katawan at kaluluwa. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento