21 Agosto 2016
Ika-21 Linggo sa Karaniwang Panahon (K)
Isaias 66, 18-21/Salmo 116/Hebreo 12, 5-7. 11-13/Lucas 13, 22-30
Mayroong kasabihan sa wikang Ingles, "When in Rome, do what the Romans do." (Kapag nasa Roma ka, gawin mo kung ano ang ginagawa ng mga Romano.) Kung ano ang ginagawa ng karamihan, iyan din ang dapat nating gawin. Sa madaling salita, sumabay ka na lang sa agos. Minsan, ginagamit ang kasabihang ito para sa kabutihan. Ginagawa natin iyon upang maging maganda ang ating pakikitungo sa kapwa. Subalit, sa panahon ngayon, mas ginagamit ng karamihan ang kasabihang ito upang mangatwiran para sa maling gawain. Nakakalungkot, ang kasabihang ito ay ginagamit ng karamihan upang gawing tama ang mali. Pinipilit nating gawing tama ang mali. Subalit, ang mali ay mananatiling mali. Kung anong pagpupumilit ang gawin natin, hindi magiging tama ay mali.
Sa Ebanghelyo, nagbigay ng babala si Hesus laban sa pakikisabay sa agos. Ito'y matapos tanungin Siya ng isang tao kung kakaunti lamang ang maliligtas. Para kay Hesus, mali ang tanong na ibinigay sa Kanya. Hindi iyan ang dapat tinanong sa Kanya. Ang dapat itinanong sa Kanya ay kung paano maliligtas ang bawat isa. Ano ang dapat gawin ng bawat isa upang makamit nila ang biyaya ng kaligtasan mula sa Diyos? Paano makakamit ng bawat isa ang kaligtasan ng Diyos? Paano matitiyak ng bawat isa na sila'y maliligtas?
Ang Panginoong Hesus ang Siyang sumagot sa katanungang iyan, "Pagsikapan ninyong pumasok sa makipot na pintuan." (13, 24) Napakahirap ang ipinapagawa sa atin ng Panginoon. Kinakailangan nating magsikap upang makapasok tayo sa makipot na pintuan. May kasamang pagtitiis ang pagkakamit ng kaligtasan mula sa Diyos. Kinakailangan nating ibuhos ang ating buong lakas at tibay ng loob para makapasok tayo sa makipot na pintuan. Sapagkat ang makipot na pintuan ay ang daan patungo sa biyaya ng kaligtasang kaloob ng Panginoon.
Kung ito'y ipinahayag ng Poong Hesus sa panahon ngayon, siguradong maraming magrereklamo. Napakahirap ang ipinapagawa ng Panginoong Hesukristo. Tiyak, kaliwa't kanan ang mga reklamo sa Poong Hesus. "Panginoon, bakit naman pong kailangan naming gawin iyan para maligtas? Wala po bang mas madaling paraan? Ayaw po namin ng masyadong mahirap! Gusto po naming maligtas pero huwag Niyo naman po kaming pahirapan! Hindi po namin kaya ito!"
Iyan ang hirap sa atin sa panahon ngayon. Ayaw natin ng mahirap. Gusto natin ng madali at agad-agad. Ayaw nating pahirapan ang ating mga sarili. Tama naman na huwag nating pahirapan ang ating mga sarili. Subalit, huwag nating kaligtaan na may mga bagay na hindi madali, kahit gusto pa nating gawin iyon. May mga pagkakataon na kung saan kinakailangan nating magtiis ng maraming hirap kung gustong-gusto nating gawin ang isang bagay. May mga pagkakataong kailangan nating magtiis upang makamit natin ang tagumpay. Hindi magiging madali ang lahat ng bagay, lalung-lalo na ang iilan sa mga bagay na gusto nating gawin.
Kaya, may mga kasabihan tayo ngayon, "Masarap ang bawal," at "Mas madali gumawa ng mali kaysa gumawa ng tama." Nakakalungkot, mas gugustuhin nating gumawa ng mali kaysa tama. Kahit alam nating mali ang isang bagay, gagawin pa rin natin ito kasi mas madaling gawin ito. Isa pa, ginagawa rin ito ng karamihan. Halimbawa, ang pagmumura. Alam nating na mali ang magmura. Subalit, bakit ginagawa pa rin natin ito? Kasi, nagpapahayag ng damdamin, ginagawa din iyan ng karamihan. Kahit ipinapahayag natin ang ating mga damdamin, mali pa rin iyon. Hindi ito magiging tama, kahit anong pagpupumilit ang gawin natin.
Isa pang halimbawa, ang paggamit ng mga ipinagbabawal na droga. Alam natin na mali ang paggamit ng mga ilegal na droga. Subalit, marami pa rin ang gumagamit. Bakit? Kasi, magkakaroon ng kaginhawaan ang ating pakiramdam kapag tayo ay gumamit ng mga ipinagbabawal na droga. Pero, mali pa rin iyon, eh. Kahit anong pagpupumilit natin, mali pa rin ang paggamit ng mga ilegal na droga. Masama ang idudulot ng mga ilegal na droga sa ating kalusugan. Kahit maraming tao ang gumamit ng mga ilegal na droga, mali pa rin iyon.
Ang pagsunod sa agos ay hindi laging tama. Hindi tama ang lahat ng bagay na ginagawa ng karamihan. Maaaring maging madali ang lahat ng bagay na ginagawa ng karamihan, subalit, hindi ibig sabihin noon tama ang lahat ng kanilang mga ginagawa. Mayroon din silang mga ginagawa na mali. Kahit mukhang madali ang mga maling gawain, mali pa rin ito. Kahit masarap gawin ang mga maling bagay, mali pa rin ito. Ang mali ay mananatiling mali, kahit ito'y ginagawa ng karamihan. Ang tama ay mananatiling tama, kahit kakaunti lamang ang gumagawa nito.
Napakahirap ang ipinapagawa sa atin ng Panginoon. Ang pagpasok sa makipot na pintuan ay hindi madali. Subalit, kahit gaano kahirap sumunod sa mga salitang namutawi mula sa bibig ng Panginoon, ito ang tamang gawin. Ito ang dapat nating gawin. Kahit kaunti lamang ang gumagawa nito, ang pagsunod sa Panginoon ay laging tama. Kahit ang kalooban ng Panginoong ay salungat sa agos ng panahon, dapat nating gawin ito. Kahit napakahirap sundin ang kalooban ng Panginoon, ito'y dapat nating gawin sapagkat ito ang tamang gawain.
Kung ang pagsunod sa agos ay hindi laging tama, ang pagsunod sa Diyos ay laging tama. Natitiyak natin na tayo ay maliligtas kapag tayo ay sumunod sa Panginoon. Tiyak, nasa tamang landas tayo kapag sumunod tayo sa Diyos. Hindi tayo aakayin ng Diyos patungo sa kapahamakan. Bagkus, aakayin tayo ng Panginoon patungo sa kaligtasan. Minsan, may mga pagkakataong sasalungat sa agos ng panahon ang kalooban ng Diyos. Huwag tayong magdalawang-isip; sumalungat tayo sa agos ng panahon at sumunod sa Panginoong Diyos. Pumasok tayo sa makipot na pintuan bilang pagsunod sa Panginoon upang makamit natin ang Kanyang pagliligtas.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento