14 Agosto 2016
Pagmimisa sa Bisperas ng Dakilang Kapistahan ng Pag-Aakyat sa Langit sa Mahal na Birheng Maria
1 Cronica 15, 3-4. 15-16; 16, 1-2/Salmo 131/1 Corinto 15, 54b-57/Lucas 11, 27-28
Sa Ebanghelyo, ipinahayag ng Panginoong Hesus na higit na mapalad ang mga nakikinig at tumutupad sa Salita ng Diyos. Ito'y matapos isigaw ng isang babae mula sa karamihan na mapalad ang Kanyang Ina sapagkat siya ang nagdala sa Kanya sa kanyang sinapupunan at nagpasuso sa Kanya. Ang pahayag na ito ni Hesus ay isang pagbibigay-pugay sa Mahal na Inang si Maria. Pinarangalan ni Hesus si Maria sapagkat siya'y sumunod at tumupad sa Salita ng Diyos. Hindi lamang nakinig si Maria sa Salita ng Diyos, tinupad niya ito. Hinayaan niyang magkaroon ng katuparan ang Salita ng Diyos sa pamamagitan niya.
Maraming pagkakataon sa buhay ng Mahal na Birheng Maria kung saan siya'y nakinig at tumupad sa Salita ng Diyos. Isa na rito ay noong ibinalita sa kanya ng Arkanghel Gabriel na siya'y hinirang ng Diyos upang maging ina ni Kristo. Hindi tumutol si Maria sa kalooban ng Diyos. Hindi siya nagbingi-bingihan sa Salita ng Diyos. Hindi niya sinalungat ang Salita ng Diyos na ipinahayag sa kanya ni San Gabriel Arkanghel. Bagkus, taos-pusong nakinig, sumunod, at tumalima si Maria sa Salita ng Diyos. Isinantabi ni Maria ang lahat ng kanyang mga plano sa buhay para magkaroon ng katuparan ang Salita ng Diyos. Kahit alam ni Maria na hindi magiging madali ang tungkuling ibinigay sa kanya ng Diyos, tinanggap pa rin niya ito upang magkaroon ng katuparan ang Salita ng Diyos.
Hinangad ng Mahal na Ina na magkaroon ng katuparan ang Salita ng Diyos. Wala siyang ibang hinangad kundi ang kaganapan ng Salita ng Diyos. Isinakripisyo ng Mahal na Ina ang kanyang mga plano sa buhay upang magkaroon ng kaganapan ang Salita ng Diyos. Kahit marami siyang balakin sa buhay, isinakripisyo niya ang lahat ng mga ito upang matupad ang Salita ng Diyos.
Batid ng Mahal na Birheng Maria na hindi madali ang misyong ibinigay sa kanya ng Diyos. Napakalaki at napakabigat ang pananagutan ni Maria sa Diyos. Para sa isang babaeng katulad ni Maria, napakahirap gampanan ang tungkuling ibinigay sa kanya ng Diyos. Hindi pangkaraniwan ang sanggol na ipaglilihi at iluluwal ni Maria mula sa kanyang sinapupunan. Ang sanggol na dadalhin niya sa kanyang sinapupunan ay ang Mesiyas, ang Anak ng Diyos. Mahirap ang responsibilidad na ibinigay ng Diyos sa Mahal na Birheng Maria.
Subalit, kahit napakahirap ang tungkuling iniatas sa kanya ng Diyos, tinanggap pa rin ito ng Mahal na Birhen. Buong pananalig tumalima at tumupad ang Birheng Maria sa Salita ng Diyos. Kahit alam ni Maria na mas madali ang kanyang mga plano sa buhay, isinantabi niya ito upang matupad ang Salita ng Diyos. Ipinasa-Diyos na lamang ng Mahal na Birhen ang lahat ng kanyang mga balakin sa buhay upang magkaroon ng kaganapan ang Salita ng Diyos.
Dahil sumunod at tumalima ang Mahal na Birheng Maria sa Salita ng Diyos na ipinahayag sa kanya ng Arkanghel Gabriel, nakamit niya ang titulong, "Kaban ng Bagong Tipan." Kung paanong dinala ng Kaban ng Tipan ang dalawang tapyas na bato na kinasusulatan ng Sampung Utos ng Diyos, gayon din naman, dinala ng Mahal na Birheng Maria ang Salita ng Diyos na nagkatawang-tao na si Hesus sa kanyang sinapupunan sa loob ng siyam na buwan. Sa Lumang Tipan, dinala ng Kaban ng Tipan ang Salita ng Diyos na nakataga sa bato - ang Sampung Utos ng Diyos. Sa Bagong Tipan, ang Salita ng Diyos na nagkatawang-tao na si Hesus ay nanahan sa sinapupunan ng Bagong Kaban ng Tipan na si Maria.
Sa katapusan ng kanyang buhay, ang katawan at kaluluwa ng Mahal na Birheng Maria ay iniakyat ng Diyos sa langit nang buong-buo. Hindi pumayag ang Diyos na mabulok sa lupa ang katawan ng Mahal na Ina sa katapusan ng kanyang buhay. Nanahan sa sinapupunan ng Mahal na Birheng Maria sa loob ng siyam na buwan ang Panginoong Hesukristo, ang Salita ng Diyos na nagkatawang-tao. Hindi rin dinungisan ng kasalanan si Maria buong buhay niya dahil iniligtas siya ng Diyos mula sa dungis ng kasalanan bago pa siya isilang. Pinagpala ng Diyos ang Mahal na Birheng Maria, mula pa sa sandaling ipinaglihi siya ng kanyang inang si Santa Ana. Kaya, sa katapusan ng kanyang buhay, iniakyat ng Panginoong Diyos ang katawan at kaluluwa ng Mahal na Birheng Maria sa langit.
Sa Unang Pagbasa, ipinasok sa toldang inihanda ni Haring David ang Kaban ng Tipan. Kung paanong ipinasok ng mga Levita ang Kaban ng Tipan sa lugar na pinaglalaanan ni Haring David para dito, gayon din naman, ang Kaban ng Bagong Tipan na si Maria ay ipinasok ng Diyos nang buong-buo sa kaharian ng Diyos sa langit. Ang Diyos ay naglaan ng isang lugar sa Kanyang kaharian sa langit para sa Mahal na Birheng Maria, ang Kaban ng Bagong Tipan, sa katapusan ng kanyang buhay sa lupa. Nang dumating ang wakas ng buhay ng Mahal na Birheng Maria sa lupa, iniakyat siya nang buong-buo sa langit sa kapangyarihan ng Diyos.
Pinagpala ng Diyos ang Mahal na Birheng Maria dahil siya'y sumunod at tumupad sa Salita ng Diyos na ipinahayag sa kanya. Ang ginawang pagsunod at pagtupad ng Mahal na Birheng Maria sa Salita ng Diyos ay ang kanyang pagpaparangal sa Diyos. Dahil ipinarangalan niya ang Diyos, ipinarangalan din siya ng Diyos. At sa katapusan ng kanyang buhay, ang Mahal na Birheng Maria ay iniakyat sa langit nang buong-buo dahil pinagpala siya ng Diyos. Hanggang sa huling sandali ng kanyang buhay, naranasan ng Mahal na Birheng Maria ang pagpapala ng Diyos.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento