14 Agosto 2016
Ika-20 Linggo sa Karaniwang Panahon (K)
Jeremias 38, 4-6. 8-10/Salmo 39/Hebreo 12, 1-4/Lucas 12, 49-53
Ang buhay pag-ibig ay isang napakalaking bahagi ng buhay ng tao, lalung-lalo na sa panahon ngayon. Karamihan na po siguro sa atin ang nakaranas nang umibig. Maski nga ang mga kabataan ngayon, nakaranas nang umibig. Kadalasan, kapag tayo ay lumalabas kasama ang mga kaibigan, madalas natin tinatanong ang isa't isa, "Kumusta na ang iyong buhay pag-ibig?" Kinukumusta natin ang buhay pag-ibig ng ating mga kaibigan. At kapag nababalitaan natin na ayos lang ang kanyang buhay pag-ibig, lalung-lalo na kung mayroon na siyang kasintahan, karamihan sa atin ay naiinggit. Mabuti pa sila, mayroong kasintahan. Mabuti pa sila, maganda ang buhay pag-ibig. Samantala, tayo naman, walang kasintahan o walang buhay pag-ibig. Atat na atat nang magkaroon ng kasintahan. Kapag nagkaroon na ng kasintahan, makakaranas sila ng tagumpay at katuwaan.
Maganda ang pakiramdam ng pagkakaroon ng buhay pag-ibig. Maganda ang pakiramdam kapag nagkaroon ng kasintahan. Maganda ang pakiramdam kapag pumasok tayo sa pag-ibig. Masarap talaga sa pakiramdam. Parang nakamit na natin ang tagumpay kapag nagkaroon tayo ng buhay pag-ibig.
Subalit, kapag tayo ay umiibig, hindi na natin alam kung sino ba dapat ang nasa sentro ng ating buhay. Kadalasan, kapag tayo ay umibig, ginagawa nating sentro ng ating buhay ang taong iniibig natin. Ginagawa nating sentro ng ating buhay ang hindi dapat maging sentro ng buhay natin. Isang napakalaking pagkakamali ang gawing sentro ng buhay natin ang iniirog natin. Hindi dapat nating isentro ang ating buhay sa ating mga kasintahan, gaano man natin sila iniirog.
Kapag ginawa nating sentro ng ating buhay ang iniirog natin, anong mangyayari? Mabibigo lamang tayo sa bandang huli. Kapag isinentro natin ang ating buhay sa ating mga kasintahan, tinatahak natin ang landas tungo sa kabiguan at kasawian. Tinatahak natin ang maling landas. Ang hantungan ng maling landas ay kabiguan at kasawian, hindi tagumpay at tuwa.
Sino ang dapat maging sentro ng ating buhay? Ang Diyos. Sa Panginoong Diyos dapat magsentro ang buhay natin. Ito ang tama. Ito ang dapat nating gawin. Dapat nating gawin ito, kahit marami ang hindi sasang-ayon sa atin. Tututulan tayo ng marami, ipagkakaila, tatalikuran ng karamihan sa lipunan dahil dito. Subalit, ito ang tama. Dapat natin isentro ang ating buhay sa Diyos, kahit ang karamihan sa lipunan ay tutol sa atin. Magulo man ang lahat ng bagay sa simula, magkakaroon din ng kaayusan ang lahat ng iyon. Magiging maayos ang lahat sa bandang huli kung ang buhay natin ay nakasentro sa Diyos.
Inilalarawan sa atin ng mga Pagbasa ngayon ang kahalagahan ng pagsesentro ng ating buhay sa Diyos. Kapag isinentro natin ang ating buhay sa Diyos, magiging maayos ang lahat sa bandang huli. Magkakaroon ng kaayusan ang lahat ng bagay, sa tulong ng Diyos. Aayusin ng Diyos ang lahat ng bagay, sa kahuli-hulihan.
Sa Unang Pagbasa, si propeta Jeremias ay inihugos ng kanyang mga kaaway sa balon ni Prinsipe Malquias. Subalit, nanalig si Jeremias na ang Diyos ang Siyang magliligtas sa Kanya. Umasa si Jeremias ng tulong mula sa Diyos. Dahil umasa si Jeremias sa Diyos, dumating ang tulong na kaloob Niya. Nakiusap sa hari si Ebed-melec na kung maaari'y iahon si Jeremias mula sa balon sapagkat maaari siyang mamatay sa gutom. Pinahintulutan naman ng hari ang kahilingan ni Ebed-melec. Iniutos pa nga niya si Ebed-melec na magsama ng tatlong lalaki upang iahon si Jeremias mula sa balon. Sina Ebed-melec at ang tatlong lalaking ipinadala ng hari ay mga kaloob ng Diyos kay Jeremias. Dahil nakasentro ang buhay ni Jeremias sa Diyos, sinaklolohan siya ng Diyos sa oras ng matinding pangangailangan. Inayos ng Diyos ang lahat ng bagay para kay Jeremias.
Tayong lahat ay hinihikayat ng manunulat ng Sulat sa mga Hebreo sa Ikalawang Pagbasa na panatilihin ang Diyos sa sentro ng ating buhay. Kapag ang Diyos ay nanatili sa sentro ng ating buhay, magkakaroon tayo ng lakas upang magtiis sa mga oras ng tiisin. Ang lakas natin sa oras ng mga pagsubok ay magmumula sa Diyos. Ipagkakalooban tayo ng Diyos ng lakas at katatagan ng loob upang magtiis sa mga oras ng pagsubok. Tiyak magiging maayos ang lahat ng bagay sa tulong ng Diyos pagkatapos ng lahat ng mga pagsubok at tiisin sa buhay.
Sa Ebanghelyo, ipinapaalala ni Hesus na magkakaroon pa rin ng pagkakabaha-bahagi, kahit nakasentro ang ating buhay sa Diyos. Masusubukan ang ating tiwala at pananalig sa Diyos. Hindi magiging madali ang lahat ng bagay sa simula. Hindi tayo tatanggapin ng karamihan sa lipunan. Tututulan tayo ng karamihan dahil sa ating paninindigan. Tatalikuran at itatakwil tayo ng karamihan. Tutuksuhin din tayong ibahin ang sentro ng ating buhay. Tutuksuhin tayo ng iba na huwag nang isentro sa Diyos ang buhay natin. Bagkus, ibahin na lang natin ang sentro ng ating buhay. Isentro ang ating buhay sa iba, kahit alam nating mali ito.
Mahirap labanan ang tuksong ibahin ang sentro ng ating buhay. Subalit, huwag nating kalilimutang hindi nagpapabaya ang Diyos. Hindi pinababayaan ng Diyos ang lahat ng tao, lalung-lalo na ang mga taong nakasentro sa Kanya. Tutulungan tayo ng Diyos. Sasaklolohan Niya tayo. Ang Diyos ang sasaklolo sa atin sa panahon ng matinding pangangailangan. Ang Diyos ang tumutulong sa atin sa panahon ng pangangailangan. Magmumula sa Panginoon ang tulong at saklolo na kailangan natin sa panahon ng pangangailangan. At saka, magkakaroon din ng kaayusan ang lahat ng bagay sa bandang huli sa tulong ng Diyos.
Ipanalangin natin na sumentro ang ating buhay sa Diyos at hindi sa iba. Sa Diyos dapat sumentro ang ating buhay. Ito ang dapat nating gawin. Ito ang tama. Ang buhay natin ay dapat nakasentro sa Diyos. Ang tumutulong sa atin ay ang Diyos na puspos ng awa at habag para sa lahat. Sa panahon ng matinding pagsubok at pangangailangan, sasaklolohan tayo ng Diyos. Siya ay laging handang sumaklolo sa atin. Hindi Niya tayo pababayaang magdusa dahil sa mga pagsubok sa buhay. Tutulungan Niya tayo kapag kailangan natin ng tulong. At sa tulong ng Diyos, magkakaroon ng kaayusan ang lahat ng bagay sa bandang huli. Sa kahuli-hulihan, aayusin ng Diyos ang lahat ng bagay dahil sa Kanyang Awa.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento