Sabado, Hulyo 30, 2016

ANG KAHIHINATNAN NG MGA SAKIM

31 Hulyo 2016
Ika-18 Linggo sa Karaniwang Panahon (K) 
Mangangaral 1, 2; 2, 21-23/Salmo 89/Colosas 3, 1-5. 9-11/Lucas 12, 13-21 



Ang kasakiman ay isa sa mga Pitong Pangunahing Kasalanan. Ang kasakiman ay isang malalim at matinding paghahangad na makamit ang maraming bagay dito sa mundo, katulad ng kayamanan at kapangyarihan. Pagkauhaw ang katulad nito. Uhaw na uhaw ang mga taong sakim para sa mga pita ng laman. Uhaw na uhaw sila para sa kayamanan at kapangyarihan. Hindi basta mapapawi ang pagkauhaw ng mga taong sakim. Hindi sila makuntento sa kung anong meron sila. Muli silang maghahangad ng lalo pang maraming bagay. Halos kinasaskiman nila ang lahat ng bagay dito sa mundo. Gusto nilang mapunta sa kanila ang lahat ng kayamanan at kapangyarihan dito sa mundo. 

Nakakalungkot, laganap ang kasakiman sa ating lipunan ngayon. Ito nga po siguro ang pangunahing sanhi ng katiwalian (kurapsyon). Nagnanakaw dahil uhaw na uhaw sila para sa kapangyarihan at kayamanan. Gagawin ang lahat para mapawi ang kanilang pagkauhaw para sa kapangyarihan at kayamanan. Gagawin nila ang lahat para makuha ang kanilang mga kinasasakiman. Kahit alam nilang mali ang kanilang ginagawa, gagawin pa rin nila dahil sa kanilang kasakiman. Hindi sila nakukunsensya sa kanilang ginagawa. Hindi sila kinikilabutan sa kanilang mga ginagawa. Umaasal sila na parang walang mga kunsensya. 

Ang akala ng mga taong sakim ay makakamtan nila ang tunay na kaligayahan dito sa daigdig. Akala nila na magiging masaya sila kapag napasakanila ang lahat ng kayamanan at kapangyarihan dito sa mundo. Hindi mapapantayan ang kanilang kaligayahan kapag nakamtan nila ang lahat ng kayamanan at kapangyarihan dito sa mundo. Mali ang kanilang akala. Hindi nila nalalaman na hindi matatagpuan ang tunay na kaligayahan sa mga kayamanan at kapangyarihan dito sa mundo. Hindi nila makakamit ang tunay na kaligayahan sa pagkamit sa lahat ng mga kayamanan at kapangyarihan dito sa mundo. 

Binabalaan tayo ng mga Pagbasa ngayon laban sa kasakiman. Sa Unang Pagbasa, ipinahayag ng Mangangaral na ang mga taong sakim ay mabibigo sa kanilang mga gawain. Hindi sila magtatagumpay sa kanilang mga gawain. Hindi sila magiging tunay na masaya. Bagkus, kabiguan at sakit ng kalooban ang masusumpungan nila. Sa Ikalawang Pagbasa, ipinahayag ni Apostol San Pablo na matatagpuan ang tunay na kaligayahan kay Kristo. Kung hindi pinagsumakitan natin si Kristo at ang mga bagay na makalangit, hindi natin mahahanap ang tunay na kaligayahan. Mabibigo lamang tayo kapag hindi natin pagsumakitan si Kristo at ang mga bagay na nasa langit. Sa Ebanghelyo, isinalarawan ni Hesus sa pamamagitan ng isang talinghaga ang kahihinatnan at kahangalan ng mga taong sakim. Iisa lamang ang isinasalarawan ng mga Pagbasa ngayon - ang kahihinatnan ng mga taong sakim. 

Ano ang kahihinatnan ng mga taong sakim? Mabibigo lamang sila. Kabiguan ang makakamtan ng mga taong sakim. Sa kahuli-huliha'y mabibigo lamang ang mga taong sakim. Hindi sila magtatagumpay. Hindi mananaig ang kasakiman. Kung nagtagumpay sila sa kanilang paningin, natalo sila sa paningin ng Diyos. Kung mga panalo ang tingin nila sa kanilang sarili, mga talunan sila sa paningin ng Diyos. Sa kahuli-hulihan, hinding-hindi magtatagumpay ang mga taong sakim. Ang mga taong sakim ay mga talunang hangal sa paningin ng Diyos. 

Magaling magbalatkayo ang kasakiman. Iba-iba ang uri ng kasakiman sa panahon ngayon. Binabalaan tayo na mag-ingat sa lahat ng uri ng kasakiman. Marami ang mga mabibiktima ng kasakiman. Huwag tayo magpaloko sa kasakiman. Huwag tayo magpabiktima o magpaalipin sa kasakiman. Huwag tayong magpa-api sa kasakiman. Maaari silang magmukhang maganda at kaakit-akit sa unang tingin. Subalit, mabibigo tayo sa kahuli-hulihan dahil nahulog tayo sa kanilang bitag. Sa kahuli-huliha'y malalaman natin na hindi maganda ang kasakiman. Matutuklasan natin na niloko tayo ng kasakiman. Huwag sanang mangyari iyon. 

Nakakatakot maging biktima ng kasakiman. Kaya, binabalaan tayo ng Panginoon na mag-ingat sa lahat ng uri ng kasakiman. Huwag nating salungatin ang babala ng Panginoon para sa ating lahat. Hindi maganda ang kahihinatnan ng mga taong sakim. Hindi magtatagumpay ang kasakiman. Hindi tayo aakayin ng kasakiman patungo sa kaligayahan at tagumpay. Bagkus, aakayin tayo ng kasakiman sa landas patungo sa kabiguan at kahangalan. 

Ang Panginoon ang aakay sa atin sa landas patungo sa tunay na kaligayahan at tagumpay. Sa Kanya lamang matatagpuan ang tunay na kaligayahan at tagumpay. Tayong lahat ay tinatawag ng Panginoon na sumunod sa Kanya sa landas patungo sa tunay na kaligayahan at tagumpay. Sumunod tayo sa Kanya upang makamtan natin ang tunay na kaligayahan at tagumpay. Huwag nating salungatin ang tinig ng Panginoon. Tinatawag Niya tayo upang maakay Niya tayo patungo sa tunay na kaligayahan at tagumpay sa Kanyang piling. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento