17 Hulyo 2016
Ika-16 na Linggo sa Karaniwang Panahon (B)
Genesis 18, 1-10a/Salmo 14/Colosas 1, 24-28/Lucas 10, 38-42
Bahagi ng ating kultura bilang Pilipino ay ang ating pagtanggap sa mga bisita. Kilala tayong mga Pilipino sa ating magiliw na pagtanggap sa mga bumibisita sa atin. Tunay nga pong tinatanggap natin ang bawat taong bumibisita sa atin nang may buong kagiliwan. Hindi po ba, kapag nababalitaan nating may bibisita sa atin, naghahanda na po tayo para sa kanilang pagdalaw? Bago dumating ang ating (mga) bisita, nililinis natin ang bahay, naghahanda na po tayo ng pagkain, atbp. Kapag dumating na ang (mga) bisita natin, tayo'y nakikipagkwentuhan sa kanila, nagkakainan, at marami pang iba. Iba talaga tayong mga Pinoy!
Ang mga Pagbasa ngayong Linggo ay tungkol sa iba't ibang uri ng pagtanggap sa Panginoon. Sa Unang Pagbasa, tatlong estranghero ang tinanggap at pinatuloy ni Abraham sa kanyang tolda. Sa Ikalawang Pagbasa, tinanggap ni Apostol San Pablo ang maraming hirap na kalakip ng kanyang misyon bilang apostol ni Kristo sa mga Hentil. Sa pamamagitan ng pagtanggap sa maraming hirap at pagdurusa na kalakip ng kanyang misyon bilang apostol, ipinakita ni San Pablo Apostol ang kanyang buong pusong pagtanggap sa Panginoon. Sa Ebanghelyo, tinanggap ang Panginoong Hesus ng magkakapatid na sina Marta at Maria sa kanilang tahanan.
Sa Unang Pagbasa, tatlong misteryosong lalaki ang tinanggap at pinatuloy ni Abraham sa kanyang tolda. Bagamat mga estranghero ang tatlong lalaking ito sa mga mata ni Abraham, tinanggap pa rin niya ang mga ito bilang kanyang mga bisita. Inaanyayahan ni Abraham ang tatlong misteryosong ito na tumuloy sa kanyang tolda. Pinaglingkuran ni Abraham ang kanyang tatlong bisita. Naghanda siya ng pagkain para sa kanila, kumuha siya ng tubig na panghugas sa kanilang mga tubig, at marami pang iba. Ginawa ni Abraham ang lahat ng iyon upang makapagpahinga at mapanauli ang lakas ng tatlong manlalakbay na ito.
Ipinahayag ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa na siya'y nagagalak, kahit nagtitiis siya ng maraming hirap na kalakip ng kanyang misyon bilang apostol ni Kristo sa mga Hentil. Nagagalak siya sapagkat tinitiis niya ang lahat ng ito alang-alang kay Kristo at sa Simbahan. Kagalakan ang naghahari sa puso at kalooban ni San Pablo Apostol, kahit alam niyang marami pang hirap na naghihintay para sa kanya. Dahil sa kagalakang ito, buong puso niyang tinanggap ang bawat hirap na kalakip ng kanyang misyon bilang apostol. Sa pamamagitan ng pagtanggap sa bawat hirap at pagdurusa na kalakip ng kanyang misyon, tinatanggap ni Apostol San Pablo ang kalooban ng Panginoon para sa kanya. Tinatanggap ni Apostol San Pablo ang Panginoon sa pamamagitan ng pagtanggap sa Kanyang kalooban.
Sa Ebanghelyo, ang Panginoong Hesukristo ay tinanggap ng magkakapatid na sina Marta at Maria sa kanilang tahanan. Sina Santa Marta at Maria ang mga kapatid ni San Lazaro, ang muling binuhay ni Hesus (Juan 11, 1-45). Katulad ni Abraham sa Unang Pagbasa, pinagsilbihan ni Marta si Hesus. Naghanda siya ng pagkain at inumin, tubig para sa paa ni Hesus, at marami pang iba. Samantalang inaasikaso ni Santa Marta ang handaan, nakikinig naman si Santa Maria kay Hesus. Umupo si Maria sa paanan ni Hesus, at pinakinggan ang Kanyang mga itinuturo.
Magkaiba ang magkapatid sa paraan ng kanilang pagtanggap sa Panginoon. Ang isa'y nag-asikaso ng handaan, at ang isa nama'y naupo at nakinig sa mga sinasabi at itinuturo ng Panginoon. Bagamat magkaiba ang pamamaraan ng pagtanggap ng magkapatid sa Panginoon, pareho silang tama. Kung tutuusin, parehong tama sila Marta at Maria. Kailangang paglingkuran at pakinggan ang Panginoon. Subalit, may isang pagkakamali si Marta - sinubukan niyang hiwalayin ang paglilingkod at ang pakikinig sa Panginoon. Hindi maaaring paghiwalayin ang dalawang bagay na ito. Magkaugnay ang pakikinig at paglilingkod sa Panginoon. Malaki ang ugnayan ng dalawang ito. Hindi mapuputol ang ugnayan na ito, kahit kailan.
Ang tinig ng Panginoon ang pumupukaw sa atin na paglingkuran Siya. Ito ang ugnayan ng pakikinig at paglingkod sa Panginoon. Kailangang nating pakinggan at dinggin ang tinig ng Panginoon upang mapukaw ang ating mga puso at kalooban na paglingkuran Siya. Mababagabag ang ating mga puso't kalooban kapag wala tayong nagawa para sa Panginoon. Hindi mapapakali ang mga puso't kalooban natin hangga't mayroon tayong nagawa para sa ating Panginoon.
Paano nating mapaglilingkuran ang Panginoon? Sa pamamagitan ng paglilingkod sa kapwa. Tandaan natin ang sinabi ni Hesus, "Anuman ang ginawa ninyo sa isa sa mga pinakahamak na kapatid Kong ito, ito'y sa Akin ninyo ginawa." (Mateo 25, 40) Kapag tayo'y naglingkod at nagmalasakit sa kapwa, lalung-lalo sa mga dukha, ginagawa natin iyon para kay Hesus. Ang bawat paglilingkod at pagmamalasakit na ginagawa natin para sa kapwa ay ginagawa natin para sa Panginoong Hesus.
Sabi nga sa awiting Hesus na aking kapatid:
Hesus na aking kapatid,
sa lupa nami'y bumalik.
Iyong Mukha'y ibang-iba,
hindi Kita nakikilala.
Tulutan Mo aking mata,
mamulat sa katotohanan.
Ikaw Poon makikilala
sa taong mapagkumbaba.
Ang Panginoon ay nasa piling natin. Subalit, hindi lamang Siya matatagpuan sa Simbahan. Matatagpuan natin Siya sa mga lugar sa labas ng Simbahan. Saan nating matatagpuan ang Panginoon? Sa mga lansangan, sa mga kaiskwateran, at marami pang ibang lugar kung saan laganap ang karukhaan. Katulad ng tatlong bisita ni Abraham sa Unang Pagbasa, si Hesus ay nagpapakita sa atin bilang isang estranghero. Ibang-iba ang mukha ni Hesus. Ang Mukha ni Hesus ay hindi katulad ng isinasalarawan natin sa ating isipan. Hindi ipinapakita sa atin ni Hesus ang Kanyang Mukhang puspos ng kadakilaan. Bagkus, ang mukhang ipinakita sa atin ni Hesus ay ang mukhang punung-puno ng karukhaan at pagdurusa.
Tayong lahat ay tinatawag ng Panginoon na paglingkuran Siya. Nasa atin ang desisyong paglingkuran Siya. Tayo ang magpapasiya kung diringgin natin ang Kanyang pagtawag sa atin. Tayo ang magpapasiya kung paglilingkuran natin ang Panginoon. Subalit, sa ating pagpapasiya, alalahanin natin na tinatanggap natin ang Panginoon kung tayo ay makikinig at maglilingkod sa Kanya. Ipinapakita natin ang ating pagtanggap sa Panginoon sa pamamagitan ng pakikinig at paglilingkod sa Kanya, na nasa piling ng mga kapatid nating maralita.
Mga tanong sa pagninilay:
1.) Paano ba ako tumutugon sa tawag ng Panginoon na paglingkuran Siya?
2.) Paano ko ba isinasalarawan ang Mukha ni Hesus?
3.) Tatanggapin at paglilingkuran ko pa rin ba ang Panginoong Hesus, kahit na ang Kanyang Mukha ay ibang-iba sa aking pagsasalarawan nito?
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento