10 Hulyo 2016
Ika-15 Linggo sa Karaniwang Panahon (K)
Deuteronomio 30, 10-14/Salmo 68 (o kaya: Salmo 18)/Colosas 1, 15-20/Lucas 10, 25-37
Napapanahon ang Ebanghelyo ngayong Linggo sapagkat ang Simbahan ay nasa loob pa rin ng Banal na Taon ng Awa. Apat na buwan na lamang ang natitira para sa pagdiriwang ng Taon ng Awa. Magwawakas ang Hubileyo ng Awa sa Dakilang Kapistahan ni Kristong Hari (20 Nobyembre). Ang tema ng Banal na Taon ng Awa ay "Maawain tulad ng Ama." Hango po ito sa ika-6 na kabanata ng Ebanghelyo ni San Lucas kung saan sinabi ni Hesus, "Maging maawain kayo katulad ng inyong Amang nasa langit." (6, 36) Angkop na angkop ang Ebanghelyo ngayong Linggo sa tema ng Hubileyo ng Awa sapagkat itinuturo sa atin ng Panginoong Hesus kung paanong maging maawain at mahabagin katulad ng Ama.
Isinalaysay ni Hesus ang talinghaga ng Mabuting Samaritano upang ilarawan ang Awa ng Diyos. Itinuturo sa atin ni Hesus na kung ang Diyos ay nagpakita ng Awa at Habag sa atin, dapat magpakita din tayo ng awa at habag sa ating kapwa. Bilang mga tagasunod ni Kristo, kailangan nating ibahagi ang Awa at Habag ng Diyos sa ating kapwa. Nagpakita ng Awa at Habag ang Diyos sa atin, ipakita naman natin ito sa iba. Dapat nating ibahagi ang Awa ng Diyos sa ating kapwa. Huwag nating ipagkait ang biyaya ng Awa ng Diyos sa ating kapwa, sapagkat hindi ipinagkait ng Diyos sa atin ang biyaya ng Kanyang Awa.
Mula pa sa pasimula ng panahon, ang Diyos ay nagpakita ng Awa at Habag. Kahit nalugmok sa kasalanan ang sangkatauhan, patuloy na nagpakita ng Awa at Habag ang Diyos. Patuloy Niyang ipinapakita sa tanan ang Kanyang Awa. Gaano mang karami ang kasalanan ng sangkatauhan laban sa Kanya, gaano mang kabigat ang kasalanan ng bawat tao, ang Diyos ay hindi tumitigil sa pagpapamalas ng Awa at Habag sa lahat ng Kanyang mga nilalang. Ang kasalanan ay hindi hadlang para sa Diyos upang ipakita sa sangkatauhan ang Kanyang Awa at Habag.
Isinalaysay ng mga manunulat ng Una at Ikalawang Pagbasa ang mga kahanga-hangang gawa ng Diyos na nagpapakita ng Kanyang Awa at Habag. Sa Unang Pagbasa, ipinahayag ni Moises na iniukit na ng Diyos ang Kautusan sa puso at isipan ng mga tao. Iniukit ng Diyos ang Kanyang mga batas sa puso at isipan ng mga tao upang masundan nila ang mga ito. Sa Ikalawang Pagbasa, isinalaysay ni Apostol San Pablo ang dahilan ng pagparito ng Panginoong Hesus sa sanlibutan. Si Hesus, ang Mukha ng Awa ng Ama, ay naparito upang ipagkasundo ang Diyos at ang sangkatauhan. Ipinakita ni Hesus ang Awa ng Diyos noong Siya'y ipinako at namatay sa krus. Ang Diyos ay nakipagkasundo sa tao dahil sa Kanyang Awa at Habag na Kanyang ipinakita sa pamamagitan ni Hesus.
Ang Diyos ay hindi nagdamot noong ipinamalas at ipinadama Niya sa atin ang Kanyang Awa at Habag. Huwag nating ipagkait ang biyaya ng Awa ng Diyos sa kapwa. Kusang-loob na ipinakita at ipinagkaloob ng Diyos ang Kanyang Awa at Habag sa ating lahat. Kusang-loob naman nating ibahagi ang Awa ng Diyos sa kapwa. Kung ang mga manunulat ng Una at Ikalawang Pagbasa ay nagsalaysay tungkol sa mga ginawa ng Diyos upang maipakita Niya sa lahat ang Kanyang Awa at Habag, isinalaysay naman ni Hesus ang talinghaga ng Mabuting Samaritano upang ituro sa atin na dapat nating ipakita at ibahagi sa ating kapwa-tao ang mabiyaya at mapagpalang Awa ng Diyos.
Isang napakagandang huwaran ng pagbabahagi ng Awa ng Diyos sa kapwa ay ang Mahal na Birheng Maria. Matapos tanggapin ang balita ng Arkanghel San Gabriel sa kanya, dumalaw ang Mahal na Ina sa kanyang kamag-anak na si Santa Isabel (Elisabet). Noong dumalaw si Maria kay Elisabet, ibinahagi niya ang Awa ng Diyos sa kanyang kamag-anak. Ibinahagi ng Mahal na Birhen sa kanyang kamag-anak ang kagalakan na kanyang naranasan noong tinanggap niya ang Awa ng Diyos sa kanyang buhay. Kahit dinadala niya si Hesus sa kanyang sinapupunan, naglakbay si Maria mula sa kanyang bahay sa Nazaret hanggang sa bahay nina Zacarias at Elisabet upang ibahagi ang mapagpala at mabiyayang Awa ng Diyos sa kanyang kamag-anak na nagdadalantao rin noong kapanahunang iyon.
Hinahamon tayo ng Panginoong Hesukristo na ipakita at ibahagi sa kapwa ang Awa ng Diyos, ang pinagmumulan ng ating kagalakan. Tayo ay pinagpapala at binibiyayaan araw-araw dahil sa Awa ng Diyos. Hindi lamang ito para sa ating sarili; ito'y para sa lahat ng tao. Kaya, kailangan nating ibahagi ang mapagpala at mabiyayang Awa ng Diyos sa ating kapwa. Hindi ipinagdadamot o ipinagkakait ng Diyos ang Kanyang Awa at Habag sa ating lahat. Huwag rin po nating ipagdamot o ipagkait ang Awa at Habag ng Diyos sa ating kapwa-tao. Huwag tayo mandamot, sapagkat hindi nandadamot ang Diyos. Patuloy nawa po tayong maging maawain at mahabagin katulad ng Amang nasa langit, hindi lamang po ngayong Hubileyo ng Awa, kundi sa bawat sandali ng ating buhay.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento