Lunes, Hulyo 25, 2016

MAGPAKUMBABA AT MAGLINGKOD KATULAD NI HESUS

25 Hulyo 2016 
Kapistahan ng Apostol Santiago 
2 Corinto 4, 7-15/Salmo 125/Mateo 20, 20-28 



Nitong mga nakaraang linggo, natunghayan natin ang Princess for a Week sa telerseryeng Born For You. Nabunot ni Kevin (Elmo Magalona) ang pangalan ni Sam (Janella Salvador). Noong inanunsyo na ni Kevin ang nanalo bilang kanyang Princess for a Week, nagulat siya sapagkat hindi niya inaasahang sasali si Sam sa contest na ito. Kilala niya si Sam bilang dati niyang road manager (RM). Si Sam ay nag-resign bilang RM dahil hindi niya kinaya si Kevin. Noong nalaman ni Sam na siya ang nanalo sa contest na iyon, bagamat siya'y nagulat rin noong una, siya'y natuwa. Balak kasi niyang turuan ng leksyon si Kevin tungkol sa pagsisilbi sa iba. 

Sa Ebanghelyo, tinanggihan ni Hesus ang kahilingan ng ina nina Apostol Santiago at San Juan. Muli Niyang tinuruan ang mga alagad tungkol sa pagpapakumbaba at paglilingkod. Ito'y matapos magalit ang ibang mga alagad nang marinig nila ang kahilingan ng ina nina Santiago at San Juan Apostol. Sinabi ng Panginoong Hesus, "Ang sinuman sa inyo na ibig maging dakila ay dapat maging lingkod." (20, 26b) 

Noong pumarito ang Panginoong Hesukristo, hindi Niya hinangad na pagsilbihan Siya ng mga tao. Hindi dumating ang Panginoong Hesus sa sanlibutan taglay ang Kanyang pagka-Diyos at pagka-Mesiyas. Bagkus, katulad ng sinabi ni Apostol San Pablo sa kanyang sulat sa mga taga-Filipos, "Hinubad Niya ang Kanyang pagka-Diyos, nagkatawang-tao at namuhay tulad ng isang alipin." (2, 7) Tinanggap at niyakap ni Hesus ang ating pagkatao. Ipinakita Niya na Siya'y kaisa at karamay natin. Ipinakita ni Hesus na Siya ay kapiling at kasama natin, bilang mga lingkod. Sa pamamagitan ng Kanyang pagkakatawang-tao, ipinakita ni Hesus kung paano magpakumbaba at maglingkod. Sabi nga ni Hesus sa wakas ng Ebanghelyo, "Ang Anak ng Tao ay naparito, hindi upang paglingkuran, kundi upang maglingkod at ialay ang Kanyang buhay para sa katubusan ng nakakarami." (20, 28)

Ang bawat Kristiyano ay tinatawag upang maging tagasunod ni Hesus. Ang bawat sumusunod kay Hesus ay dapat tumulad sa Kanya. Tinatawag tayong tularan ang halimbawa ni Hesus. Binigyan tayo ni Hesus ng isang halimbawang dapat tularan - ang magpakumbaba at maglingkod. Hinubad ng Panginoong Hesus ang mga katangian ng pagka-Diyos, nagkatawang-tao at namuhay bilang alipin. Tinanggap at niyakap ni Hesus ang ating pagkatao at mga kahirapan. Tinanggap ni Hesus ang pagiging lingkod sa paningin ng Diyos at ng tao. Si Hesus ay naglingkod at sumunod sa kalooban ng Ama habambuhay hanggang sa Kanyang kamatayan sa krus. Dahil Siya'y naging lingkod at masunurin habang namumuhay sa lupa, ang Panginoong Hesus ay itinaas at itinampok ng Ama. 

Tularan natin si Hesus. Maging mapagpakumbaba tayo katulad Niya. Maglingkod din tayo katulad Niya. Magpakumbaba at maglingkod, katulad ni Hesus. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento