Biyernes, Hulyo 22, 2016

SANTA MARIA MAGDALENA: SUMAKSI SA AWA NG DIYOS DAHIL SA KANYANG NARANASAN

22 Hulyo 2016
Kapistahan ni Santa Maria Magdalena 
Awit ni Solomon 3, 1-4a (o kaya: 2 Corinto 5, 14-17)/Salmo 62/Juan 20, 1-2. 11-18 



Sa Panalangin ni Papa Francisco para sa Hubileyo ng Awa, mapapakinggan natin ang mga katagang ito, "Ang Iyong masintahing pagtingin ang nagpalaya kay Zakeo at Mateo sa pagkagumon sa salapi; sa babaeng nangangalunya at kay Magdalena sa paghahangad ng ligaya sa mga bagay na makalupa lamang." Katulad ng ibang mga santo't santa ng Simbahan, hindi naging maganda ang nakaraan ni Santa Maria Magdalena. Subalit, nagbago ang kanyang buhay noong maranasan niya ang Banal na Awa ng Diyos sa pamamagitan ng Panginoong Hesukristo, ang Mukha ng Awa at Habag ng Ama. 

Unang naranasan ni Santa Maria Magdalena ang nakaliligtas na Awa at Habag ng Diyos noong pinalayas sa kanya ang pitong demonyo (Lucas 8, 2). Pinalayas ni Hesus mula sa kanya ang pitong demonyo. Sinapian si Maria Magdalena ng pitong demonyo. Dahil sa Awa at Habag ni Hesus, pinalayas Niya ang pitong demonyo sumasanib kay Maria Magdalena. At mula sa pagiging isang babaeng sinasapian ng masasamang espiritu, si Santa Maria Magdalena ay naging isang tagasunod ni Hesus at saksi ng Awa ng Diyos. Sa pamamagitan ni Hesus, nasaksihan ni Maria Magdalena kung paano kumilos ang Awa at Habag ng Diyos. 

Isa rin si Santa Maria Magdalena sa mga babaeng nakasaksi sa kamatayan ni Hesus sa krus. Nandoon siya sa Kalbaryo kasama ng Mahal na Birheng Maria at ng alagad na minamahal ni Hesus na si San Juan. Nandoon siya kasama nilang tumatangis sa pagkamatay ng Panginoong Hesus sa krus. Kahit masakit para sa kanila ang pagsaksi sa kamatayan ng Panginoong Hesukristo, sinamahan pa rin nila Siya. Sinamahan pa rin ng Mahal na Birheng Maria, ni San Juan Apostol, ni Santa Maria Magdalena, at ng iba pang mga banal na kababaihan ang Panginoong Hesus hanggang sa Kanyang kamatayan sa krus. 

Naranasan muli ni Santa Maria Magdalena ang Awa at Habag ng Panginoon noong nagpakita sa kanya ang Panginoong Muling Nabuhay. Labis ang pananangis ni Maria Magdalena sa labas ng libingan ni Hesus. Nanangis siya sapagkat nawala ang bangkay ng Panginoon. Hinangad ni Santa Maria Magdalena na makita ang Panginoon. Nagpakita nga si Hesus na muling nabuhay kay Maria Magdalena, subalit hindi Siya nakilala agad ni Maria Magdalena. Inakala ni Maria Magdalena na isang tagapag-alaga ng halamanan ang lalaking kinakausap niya, at hindi si Hesus. Subalit, nang batiin ng Panginoong Hesus si Santa Maria Magdalena, ang kanyang pagtangis ay naging kagalakan. Pinawi ni Hesus na muling nabuhay ang pananangis ni Maria Magdalena. Matapos pawiin ni Hesus ang pagtangis ni Maria Magdalena, isinugo siya ng Panginoon upang ibalita sa mga apostol ang Mabuting Balita tungkol sa Muling Pagkabuhay ni Kristo. Dahil doon, kilala rin si Santa Maria Magdalena sa bansag na "Apostol ng mga Apostol." 

Katulad ni Santa Maria Magdalena, marami tayong mga kahinaan at kasalanan na umaalipin sa atin. Subalit, hindi pa huli ang lahat. Nandiyan ang Diyos upang palayain tayo mula sa mga umaalipin sa atin. Nais ng Diyos na makapamuhay tayo nang malaya. Nais tayong palayain ng Panginoon mula sa mga umaapi at umaalipin sa atin dahil sa Kanyang Awa at Habag para sa atin. At dahil sa Awa at Habag ng Panginoon para sa atin, papatnubayan at aakayin Niya tayo sa landas patungo sa kalayaan. Tinatawag tayong lahat ng Panginoon na sumunod sa Kanya upang makapamuhay tayo nang may kalayaan sa piling Niya. 

Inaanyayahan rin tayong maging mga saksi ng Panginoong Hesus, ang Mukha ng Awa at Habag ng Ama, katulad ni Santa Maria Magdalena. Mayroong mahalagang misyong ibinibigay sa atin ng Panginoon. Inaanyayahan tayong ng Panginoon na ipalaganap sa iba't ibang dako ng daigdig ang Mabuting Balita tungkol sa Awa ng Diyos. Inaanyayahan tayong magpatotoo tungkol sa Awa ng Diyos na ipinamalas sa pamamagitan ng Panginoong Hesukristo. Nais ng Panginoon na makilala Siya bilang isang maawaing Panginoon na nagliligtas at tumutubos sa lahat. Tayo ang magpapatotoo tungkol sa Awa at Habag ng Panginoon na nakaliligtas. 

Katulad ni Santa Maria Magdalena, tayong lahat ay tinatawag at hinihirang ng Panginoon upang maging mga saksi ng Kanyang Awa, sa kabila ng mga kahinaan at pagkakasala natin. Inaanyayahan tayong lahat ng Panginoon na sumunod sa Kanya sa landas patungo sa tunay na kalayaan sa Kanyang piling. Isinusugo din tayo ni Kristo upang magpatotoo at sumaksi sa Kanyang makapangyarihang Awa at Habag na nagligtas at nagpalaya sa ating lahat. Naranasan natin ang Awa at Habag ng Panginoon sa ating buhay, ibahagi natin sa ating kapwa ang Mabuting Balita tungkol sa Awa at Habag ng Panginoon. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento