Linggo, Hulyo 24, 2016

ANG DIYOS AY ISANG MAAWAING AMA

24 Hulyo 2016 
Ika-17 Linggo sa Karaniwang Panahon (B) 
Genesis 18, 20-32/Salmo 137/Colosas 2, 12-14/Lucas 11, 1-13 



Ang mga Pagbasa ngayon ay tungkol sa pagiging maawain ng Diyos. Bilang ating Ama sa langit, ang Diyos ay maawain at mahabagin sa atin. Pinakikinggan Niya ang ating mga panalangin sa Kanya. Hindi nagbibingi-bingihan ang Diyos. Hindi Niya tinatakpan ang Kanyang tainga. Bagkus, pinakikinggan Niya ang ating mga panalangin at kahilingan sa Kanya. Lagi Siyang handang makinig sa atin. Handa rin Siyang tumugon sa ating mga panalangin. Tumutugon ang Diyos sa ating mga panalangin sa pamamagitan ng pagkakaloob ng mga bagay na nakakabuti sa atin. Ipinagkakaloob Niya sa atin ang ating mga panangailangan. Sabi nga sa Salmo ngayon, "Noong ako ay tumawag, tugon Mo'y aking tinanggap." 

Sa Unang Pagbasa, buong pagsusumamong nanalangin si Abraham sa Diyos para sa mga bayan ng Sodoma at Gomorra. Nanalangin si Abraham para sa kaligtasan ng mga mabubuting tao na nakatira sa dalawang bayang iyon, kabilang na rito ang kanyang kamag-anak na si Lot. Dahil sa paulit-ulit na pananalangin ni Abraham sa Diyos, nangako ang Diyos na hindi Niya lilipulin ang mga bayan ng Sodoma at Gomorra alang-alang sa mga mabubuting taong nakatira roon. Hindi lilipulin ng Diyos ang dalawang lungsod ng Sodoma at Gomorra kung makakahanap Siya ng limampu, apatnapu't lima, apatnapu, tatlumpu, dalawampu, o kahit sampung mabubuting tao na nakatira roon. Handa Niyang isantabi ang Kanyang planong paglipol sa mga bayan ng Sodoma at Gomorra alang-alang sa mga iyon.

Inilahad ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa ang dahilan kung paanong nagkaroon ng kapatawaran para sa mga kasalanan ng tao. Ipinagkaloob ng Diyos ang Kanyang Bugtong na Anak na si Hesukristo upang ialay ang Kanyang buhay sa krus para sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan. Dahil sa Awa at Habag ng Diyos, ipinagkaloob Niya si Kristo Hesus upang magkaroon ng kapatawaran para sa mga kasalanan ng sangkatauhan. Sa pamamagitan ng paghahain ni Hesus sa krus, nagkaroon ng kapatawaran ang mga kasalanan ng sangkatauhan. 

Sa Ebanghelyo, si Hesus ay nagturo tungkol sa panalangin. Sa Kanyang pagtuturo tungkol sa pananalangin sa Diyos, isinalarawan ni Hesus ang pagiging maawaing ama ng Diyos. Ipagkakaloob ng Diyos sa atin ang anumang hilingin natin. Hindi Niya ipagkakait sa atin ang anumang hilingin natin sa Kanya, kung ito ay para sa ating kabutihan. Lumapit tayo sa Diyos upang manalangin at humingi sa Kanya. Hindi Niya sasalungatin o ipagkakait ang sinumang lumapit sa Kanya nang may buong pagtitiwala at kapakumbabaan upang manalangin at humingi sa Kanya. Pakikinggan at pagbibigyan ng Diyos ang ating mga panalangin at kahilingan sa Kanya dahil sa Kanyang Awa at Habag para sa ating lahat. 

Ang Diyos ay isang maawaing ama. Huwag tayong matakot na lumapit sa Diyos upang manalangin at humiling sa Kanya. Hindi Niya sinasalungat ang sinumang lumalapit sa Kanya upang manalangin at humiling sa Kanya. Hindi tinatakpan ng Diyos ang Kanyang tainga sa bawat nananalangin at humihiling sa Kanya. Laging bukas ang tainga ng Diyos. Laging handang makinig ang Diyos sa mga panalangin at kahilingan ng mga taong buong pusong tumatawag sa Kanya. Bilang tugon sa ating mga panalangin, ipinagkakaloob sa atin ng Diyos ang ating mga kahilingan at pangangailangan. Hindi sinasalungat ng Diyos ang ating mga panalangin sa Kanya. Bagkus, pinapakinggan Niya ang ating mga panalangin at ipinagkakaloob sa atin ang ating mga kahilingan at pangangailangan. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento