Lunes, Hulyo 25, 2016

BAKIT NAKALIMUTAN NA NATIN KUNG ANO ANG TAMA AT MALI?

Isang pagninilay tungkol sa Ikalimang Utos: Huwag Kang Papatay


(photo courtesy: Huwag Kang Papatay FB page)

Puro mga patayan ang laman ng mga balita ngayon. Walang araw na lumilipas na kung saan wala tayong nababalitaan tungkol sa mga patayan. Tila bahagi na ng ating pang-araw-araw na buhay natin ang pagtanggap ng mga balita patungkol sa mga patayang nagaganap sa paligid natin. Nakakalungkot at nakakatakot ang mga balitang inuulat sa atin ngayon. Karamihan sa mga balitang inuulat sa telebisyon, radyo, dyaryo, at marami pang iba, ay tungkol sa mga patayan. 

Nakakalungkot, karamihan sa mga pinapatay ay mga pinaghihinalaan lamang. Hindi pa napapatunayang mga kriminal sila. Wala pang lumalabas na ebidensya na nagpapatunay na ang mga taong ito ay talagang gumagawa ng krimen. Wala pang lumalabas na kunkretong ebidensya na nagpapatunay na sila'y mga kriminal talaga. Walang sapat na ebidensya na nagpapatunay na totoo nga ang mga bintang laban sa kanila. Mga inosente pa sila sa mga mata ng batas. Mga pinaghihinalaan pa lamang sila. Wala pang lumalabas na ebidensya laban sa kanila. Hangga't hindi pa napapatunayang gumagawa talaga sila ng krimen, sila'y mga inosente pa. 

Nakakalungkot ring isipin na marami sa atin ay natutuwa at nasisiyahan kapag nababalitaan natin ang mga patayan. Paniwala ng marami, mababawasan ang krimen sa ating bansa. Bababa ang bilang ng krimen sa ating bansa. Paniwala ng marami sa atin, dapat lamang sila mamatay. Nararapat silang mamatay. Marapat lamang na pagbayaran nila ang kasamaang ginawa nila. Dapat silang mamatay bilang parusa para sa mga kasamaang ginawa nila. 

Ang mga kriminal ay gumagawa ng masama. Subalit, dapat ba nating labanan ang kasamaang ginagawa nila sa pamamagitan ng paggawa ng kasamaan? Maaari ba nating gamitin ang apoy laban sa apoy? Maaari ba nating gamitin ang karahasan laban sa karahasan? HINDI! Mas lalong lalaki ang apoy, mas lalong lalaganap ang karahasan. Kung apoy ang gagamitin natin laban sa apoy, hindi mamamatay ang apoy. Bagkus, lalaki lamang ito. Hindi rin nating magagamit ang karahasan laban sa karahasan sapagkat lalo pang lalaganap ang karahasan sa kapaligiran. Kung gagamitin natin ang masama bilang panlaban sa mga kriminal na gumagawa ng kasamaan, hindi natin makakamit ang tunay na tagumpay. 

Huwag kang papatay. Ito ang Ikalimang Utos sa Sampung Utos ng Diyos. Inuutusan tayo ng Diyos na pangalagaan at igalang ang buhay ng tao. Hindi tayo ang may-ari ng ating buhay. Ang buhay natin ay galing sa Diyos. Ang buhay ay isang napakalaki at napakahalagang biyaya mula sa Diyos. Tayo'y mga katiwala lamang ng biyayang ito. Wala tayong karapatan upang bawiin ang sarili nating buhay, o ng buhay ng iba. Ang Diyos lamang ang may karapatang bumawi ng buhay. Kaya, kapag may taong namatay o pumanaw, sinasabi nating, "Binawian ng buhay." Sino ang bumawi ng buhay? Ang Diyos. Kaya, ang buhay natin dito sa lupang ibabaw ay hiniram lang natin mula sa Diyos. Ibabalik din natin sa Diyos ang ating buhay sa ating pagpanaw balang araw. 

Subalit, parang nakakalimutan na natin ang utos na ito. Nakalimutan na natin ang mga utos ng Diyos. Ito'y isang nakakalungkot na katotohanan. Nakakalimutan na natin kung ano ang tama at mali. Bakit nakalimutan na natin ang utos ng Diyos? Bakit nakalimutan na natin kung ano ang tama at mali? 

Mali ang pagpatay. Anuman ang dahilan o layunin ng pagpatay, mali pa rin iyon. Hinding-hindi magiging tama ang pagpatay, kahit kailan. Ang mga kriminal ay gumagamit ng iba't ibang paraan upang pumatay ng tao, katulad ng karahasan at pagbebenta ng mga pinagbabawal na droga. Kung balak nating patayin ang mga kriminal bilang parusa para sa kanilang mga ginawa, ano ang pinagkaiba natin sa kanila? WALA. Mga kriminal na rin tayo katulad nila. Mga mamamatay-tao rin tayo, katulad nila. Ang bawat kriminal ay mamamatay-tao, sa iba't ibang paraan. 

Sinabi ng Panginoong Hesukristo, "Kapag sinampal ka sa iyong kanang pisngi, iharap mo ang kabila." (Mateo 5, 39) Tinuturuan tayo ng Panginoong Hesus kung paano gumanti sa mga masasamang tao. Huwag tayo gumawa ng masama bilang pagganti sa mga gumawa ng masama sa atin. Hindi nating maaaring gamitin ang kasamaan laban sa kasamaan. Lalaganap lamang ang kasamaan kung gagantihan natin ng masama ang isa pang masama. Hindi tayo aakayin ng kasamaan tungo sa katarungan at kapayapaan. 

Huwag rin po nating kalimutan, si Kristo ay naging biktima ng di-makatarungang pagpaslang. Hindi makatarungan ang ginawang pagpaslang o pagpatay sa Kanya. Pinatay Siya dahil sa inggit ng Kanyang mga kaaway sa Kanya. Inggit lamang ang nag-udyok sa mga kaaway ni Kristo upang ipasakdal Siya kay Pilato. Hindi naman napatunayan ng mga kaaway ni Kristo ang mga ipinaratang nila laban sa Kanya. Wala silang sapat at kunkretong ebidensya laban kay Hesus. Noong tinanong sila ni Poncio Pilato nang paulit-ulit, "Bakit? Ano ba ang kasalanan Niya?", wala silang naisagot. Bagkus, ang sigaw ng mga tao, "Ipako Siya sa krus!" Hindi nila sinagot ang tanong ni Pilato. Bagkus, ang hiling ng taong-bayan kay Poncio Pilato ay ang kamatayan ni Hesukristo sa krus. 

Ang pagpatay ay hindi tama at hindi makatarungan, kahit kailan, anuman ang layunin nito. Hindi tayo ang nagmamay-ari ng buhay. Mga katiwala lamang tayo ng biyayang ito. Ang tunay na may-ari ng buhay ay ang Panginoon. Siya lamang ang may kapangyarihang bawiin ang ating mga buhay. Isang krimen, kasalanan, sa mata ng Diyos ang pagpatay sa kapwa-tao. Tayo ay nagkakasala sa paningin ng Diyos kapag pumatay tayo ng kapwa sa iba't ibang pamamaraan. Kahit gumawa sila ng masama laban sa atin, hindi pa rin tama ang pumatay ng kapwa. 

ITIGIL ANG MGA DI-MAKATARUNGANG PAGPASLANG! 
HUWAG KANG PAPATAY! 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento