Linggo, Oktubre 9, 2016

PAGTANAW NG UTANG NA LOOB SA AWA NG DIYOS

9 Oktubre 2016 
Ika-28 Linggo sa Karaniwang Panahon (K) 
2 Hari 5, 14-17/Salmo 97/2 Timoteo 2, 8-13/Lucas 17, 11-19 



"Ang hindi marunong lumingon sa pinangalingan ay hindi makakarating sa paroroonan." - Gat Jose Rizal, Pambansang Bayani ng Republika ng Pilipinas

Ang pagtanaw ng utang na loob ay hindi kaila sa ating kultura. Napakahalaga para sa ating mga Pilipino ang pagtanaw ng utang na loob. Tayo ay tumatanaw ng utang na loob sa mga importanteng tao sa buhay natin, lalung-lalo na ang mga tumulong, umakay, at gumabay sa atin. Ipinapakita natin ang ating taos-pusong pasasalamat at pagpapahalaga sa kanila. Hindi natin nakalimutan ang kanilang mga ginawang pagtulong, pag-akay, at paggabay nila sa atin, lalo na kapag nakamit na natin ang ating mga pangarap at mithiin sa buhay. Ipinapakita rin ng pagtatanaw ng utang na loob ang ating pagkilala at pag-alala sa kanila. Ang birtud ng pagtanaw ng utang na loob para sa ating mga Pilipino sapagkat kinikilala at inaalala natin ang lahat ng mga tumulong sa atin na makamit ang ating mga mithiin. 

Itinatampok ng mga Pagbasa ngayon ang pagtanaw ng utang na loob. Dalawang panahuin sa mga Pagbasa ngayon - isa mula sa Unang Pagbasa at ang isa nama'y mula sa Ebanghelyo - ay nagpakita ng utang na loob. Matapos silang pagalingin ng Panginoon, nagkaroon sila ng utang na loob. Nagpasalamat sila bilang pagtanaw ng utang na loob sa nagpagaling sa kanila. 

Sa Unang Pagbasa, si Naaman ay nagpasalamat kay propeta Eliseo dahil gumaling siya mula sa kanyang ketong. Bagamat ayaw gawin ni Naaman ang pinagawa sa kanya ni propeta Eliseo noong una, sinunod niya ang inutos ng propeta. At dahil pitong ulit niyang nilubog ang kanyang katawan sa Ilog Jordan, gaya ng iniutos sa kanya ni propeta Eliseo, nanauli sa dati ang katawan ni Naaman. Muling kuminis ang katawan ni Naaman. Nawala ang kanyang ketong.

Kaya, noong gumaling si Naaman mula sa kanyang ketong, agad siyang bumalik kay propeta Eliseo at nagbigay ng abuloy. Subalit, hindi tinanggap ng propeta ang abuloy ni Naaman. Kahit ilang ulit siyang pinilit ni Naaman, hindi tinanggap ni propeta Eliseo ang abuloy o handog ni Naaman sa kanya dahil hindi siya ang nagpagaling sa kanya. Ang Panginoon, ang tunay na Diyos, ang nagpagaling kay Naaman. Si Propeta Eliseo ay lingkod ng Panginoong Diyos lamang. Ginagamit siya ng Panginoong Diyos bilang propeta na Kanyang hinirang dito sa lupa. Sa pamamagitan ni propeta Eliseo, ipinapakilala ng Diyos ang Kanyang sarili bilang tunay na Diyos. Nabatid ito ni Naaman noong siya'y gumaling mula sa kanyang ketong, at nangako kay Eliseo na buong katapatan siyang sasamba at mag-aalay lamang sa Panginoong Diyos, ang tunay na Diyos at Manggagamot. 

Ang Manunulat ng Ikalawang Pagbasa na si Apostol San Pablo ay nakaranas ng isang napakahalagang pangyayari sa kanyang buhay. Ang pangyayaring ito ang nag-udok sa kanya na umanib sa Simbahan at maging misyonerong hinirang ni Kristo Hesus. Si San Pablo Apostol, na noo'y kilala sa pangalang Saulo, ay isang taga-usig ng mga sinaunang Kristiyano. Subalit, nagbago ang kanyang buhay sa daan patungong Damasco. Sa daang patungong Damasco, nagpakita sa kanya ang Panginoong Hesukristo. Pagkatapos ng pagtatagpong ito, siya'y nabulag sa loob ng tatlong araw. Nakakita siya muli sa tulong ng lingkod ng Panginoon na si Ananias. Matapos ipatong ni Ananias ang kanyang mga kamay kay Saulo, muling bumalik ang kanyang paningin. Nakakakita na siya uli. Bilang pasasalamat sa Panginoon, ang maawaing manggagamot, si Saulo, na ngayo'y kilala na bilang si Apostol San Pablo, ay nagpabinyag at umanib sa Simbahang itinatag Niya. Tinanggap din ni Apostol San Pablo ang tungkuling ibinigay sa kanya ng Panginoong Hesus - ang maging misyonero at saksi Niya sa mga Hentil. 

Mula sa pagiging tagausig ng mga sumasampalataya at nananalig sa Panginoong Hesukristo, si San Pablo Apostol ay naging isang dakilang apostol at misyonero ng Simbahan. Ang dating kinakatakutan ng mga kaanib ng Simbahan ay siya namang nagpapalakas ng loob nila sa pamamagitan ng kanyang mga sulat. Hinihikayat ni Apostol San Pablo sa pamamagitan ng kanyang mga sulat ang lahat na manatiling tapat sa kanilang pananalig sa Diyos, sa gitna ng mga pag-uusig. Ginagawa niya ito bilang pasasalamat sa Panginoon na nagpagaling sa kanya. Titiisin niya ang anumang uri ng pag-uusig alang-alang sa Panginoon na Siyang tumulong sa kanya na magbagong-buhay at magbalik-loob sa Kanya. 

Sa Ebanghelyo, isang Samaritano na kabilang sa sampung ketonging pinagaling ni Hesus ang bumalik sa Kanya upang magpasalamat. Ang Samaritanong ketongin lamang ang siyang bumalik sa Panginoong Hesus upang magpasalamat sa Kanya. Siya lamang ang bumalik kay Hesus upang magpasalamat sa Awa at Habag na Kanyang ipinakita sa kanila. Dahil sa Kanyang Awa at Habag sa kanila, pinagaling ni Hesus ang sampung ketongin sa pamamagitan ng pagsusugo sa kanila sa mga saserdote noon. Sa daang papunta sa mga saserdote, nawala ang kanilang ketong. Muli silang naging malinis at makutis. Subalit, isa lamang ang bumalik kay Hesus upang magpasalamat. At ang nakakagulat dito, Samaritano pa ito. 

Sumalungat sa agos ang Samaritanong ketonging pinagaling ni Hesus. Hindi siya nagpatuloy sa kanyang daan pabalik sa kanyang bayan. Bumalik siya kay Hesus, nagpatirapa, at nagpasalamat sa Kanya. Bago siya bumalik at umuwi sa kanyang sariling bayan, bumalik ang Samaritano upang magpasalamat kay Hesus. Hindi Niya kinalimutan ang ginawa ni Hesus para sa kanya. Masasabi nating lumabas ang pagka-Pilipino ng Samaritanong ito. Marunong tumanaw ng utang na loob ang Samaritanong pinagaling ni Hesus. Parang Pilipino lang, noh? 

Nakakalungkot, marami na po sa atin ang hindi marunong tumanaw ng utang na loob, lalung-lalo na sa panahon ngayon. Marami po tayong makalimot. Lalung-lalo na kapag umangat at umasenso sa buhay. Kung makalimot, wagas at napakabilis. Umangat at umenso ang buhay, nagkaganyan-ganyan na. Nakakalimutan ang mga tumulong, gumabay, at umakay sa kanya. Napakabilis makalimot. 

Ang masaklap pa diyan, hindi lang tayo nakakalimot sa kapwa-tao. Pati na rin ang Dios nakakalimutan na rin natin. Mabilis tayong makalimot sa Diyos. Noong hindi pa umaasenso ang buhay, ang dasal, "Panginoon, bigyan Mo po ako ng magandang buhay." Tapos, tinupad ng Panginoon ang kanyang kahilingan. Noong umangat at umasenso na ang kanyang buhay, wala na. Nakalimutan na ang Diyos. Mayroon pa ngang hindi na nagsisimba. Gumanda at umunlad ang buhay, pero nakalimutan ang Diyos. Nakakalungkot, nakakadismaya. 

Kahanga-hanga ang mga deboto ng Panginoon, ng Mahal na Ina, at ng mga santo. Hindi sila nakakalimot. Lagi silang nakakaalala. Lagi nilang inaalala kung saan sila nagmula. Hindi sila nagpadala sa kaginhawaang dulot ng pag-asenso at pag-unlad sa buhay. Kahit gumanda ang kanilang buhay, kahit natupad ang kanilang mga panalangin, parangarap, at mithiin sa buhay, mayroon silang utang na loob. Hindi nila nakakaligtaang manalangin at magpasalamat. Dito nagsisimula ang kanilang mga debosyon sa Panginoon, sa Mahal na Ina, at ang mga banal. 

Ibalik natin ang pagtanaw ng utang na loob sa Diyos at kapwa. Tinulungan tayo ng mga mahahalagang tao sa buhay natin na umagat sa buhay. Sa pamamagitan ng pagturo, paggabay, pagtulong, at pag-akay sa atin, tinulungan nila tayong umangat at umasenso sa buhay. Huwag rin nating kalimutan ang Dios na Siyang nagkaloob ng mga taong tutulong sa ating umangat sa buhay. Napakalaki ng papel ng Diyos sa buhay natin. Ang Diyos ang nagkakaloob ng tulong sa atin. Kung hindi dahil sa Diyos, hindi tayo makakarating sa patutunguhan natin. Hindi nating makakamit ang ating mga pangarap at mithiin sa buhay kung hindi dahil sa Awa ng Diyos. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento